top of page
Search

ni Lolet Abania | August 12, 2021



Inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kabuuang P3.693 bilyon karagdagang pondo para sa cash assistance program sa Metro Manila, Bataan at Laguna.


Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) spokesperson Undersecretary Jonathan Malaya, ang P2.715 bilyon ay ibibigay sa Laguna, P700 milyon para sa Bataan, at P278 milyon sa Metro Manila.


“The President has approved ECQ Ayuda as follows: P700M - Bataan, P2.715B - Laguna,” ani Malaya sa isang text message ngayong Huwebes.


“Yes, the President also approved an additional P278M for [Metro] Manila as requested by the DILG and NCR LGUs,” dagdag ni Malaya.


Pinayuhan naman ang ahensiya ng Department of Budget and Management (DBM) na ayon kay Malaya, ang budget ay ida-download na lamang sa kani-kanyang local governments ng Huwebes o Biyernes.


Isinailalim ang Metro Manila, Laguna, at Bataan sa enhanced community quarantine (ECQ) para maiwasan ang hawaan at pagkalat pa ng Delta COVID-19 variant sa bansa.


Una nang naglabas ang DBM ng P10.894 bilyon upang makapagbigay ng financial assistance sa mga apektadong indibidwal at pamilya sa National Capital Region.


Ang naturang ayuda ay nasa halagang P1,000 kada indibidwal o P4,000 kada pamilya.


 
 

ni Lolet Abania | August 6, 2021



Inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pondo para sa pag-rehire sa 15,000 contact tracers na tutulong sa gobyerno para tugunan ang COVID-19 response hanggang sa katapusan ng 2021, ayon kina Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año at Senador Bong Go ngayong Biyernes.


Sa isang statement, sinabi ni Año na ang pag-apruba ni Pangulong Duterte sa naturang pondo ay makatutulong sa mga local government units (LGUs) para patuloy na maresolbahan ang mga kaso ng COVID-19 sa kani-kanilang lokalidad.


“On behalf of our local government units (LGUs), lubos kaming nagpapasalamat kay Pangulong Duterte sa karagdagang pondo para magpatuloy ang serbisyo ng [15,000] contact tracers,” ani Año.


Sa hiwalay na pahayag, sinabi naman ni Go na ang mga kontrata ng karagdagang mga contact tracers ay nagsimula na noong Agosto 2.


Gayundin, ang gagastusin ng gobyerno sa pagkuha ng mga bagong contact tracers ay umabot sa tinatayang P1.7 bilyon.


“Our contact tracers play an important role in managing the pandemic and not squandering the chance for early preparation,” sabi ni Go.


Noong Hulyo 23, nagpadala ng liham si Año sa Pangulo na humihiling sa karagdagang P1.7-billion budget para mapalawig ang serbisyo ng mga contact tracers nang hanggang Disyembre 2021. Ang mga kontrata ng mga ito ay mag-e-expire ngayong buwan.


Ayon kay Año, sakaling ang serbisyo ng 15,000 contact tracers ay mag-expire, ang kabuuang bilang sa buong bansa ng mga contact tracing personnel ay mababawasan ng tinatayang 13%, kung saan ang magiging operational capacity na lamang nito ay 72% na taliwas sa ideyal na bilang nito.


Sa House hearing noong Miyerkules, binanggit naman ni contact tracing czar at Baguio City Mayor Benjamin Magalong na ang kakulangan sa pondo para sa contract renewal ng mga contact tracers ang “pangunahing isyu at malaking problema” na kinakaharap ng pamahalaan.


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | August 6, 2021



Napagkasunduan ng mga miyembro ng PDP-Laban na iendorso sina Sen. Christopher "Bong" Go at Pangulong Rodrigo Duterte sa darating na 2022 elections, ayon sa pangulo ng naturang partido na si Energy Secretary Alfonso Cusi.


Ayon naman kay PDP-Laban Secretary General Melvin Matibag, bukas pa rin ang nominasyon para sa pagka-pangulo at bise ngunit aniya, si Sen. Go ang nangunguna sa presidential bets ng partido at si Duterte naman ang top picks para sa pagka-bise-presidente.


Saad pa ni Matibag, "There was an endorsement but it will still be discussed during the National Assembly on Sept. 8.”

 
 
RECOMMENDED
bottom of page