top of page
Search

ni Jasmin Joy Evangelista | November 16, 2021



Inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) na gawing boluntaryo ang pagsusuot ng face shield sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Levels 3, 2, at 1.


Magiging mandatory lamang ang face shields sa mga lugar na nasa Alert Level 5 o ang pinakamataas na classification ng gobyerno at mga lugar na nasa granular lockdowns.


Sa mga lugar naman sa ilalim ng Alert Level 4, ang mga local government units at pribadong establisyimento ang magbibigay ng mandato ukol sa pagsusuot ng face shields.

 
 

ni Lolet Abania | November 15, 2021



Naghain na si Pangulong Rodrigo Duterte ng kanyang certificate of candidacy na tatakbo sa pagka-senador sa 2022 elections ngayong Lunes.


Una nang kinumpirma ito ni Senador Bong Go na aniya, ihahain ni Pangulo Duterte ang kanyang COC sa headquarters ng Commission on Elections (Comelec) sa pamamagitan ng isang abogado.


Ayon kay PDP-Laban secretary-general Melvin Matibag, si P-Duterte ay tatakbo sa ilalim ng Pederalismo ng Dugong Dakilang Samahan (PDDS), substituting o papalitan ang isang Mona Liza Visorde.


Paliwanag ni Matibag, tatakbo ang Pangulo sa ilalim ng PDDS upang maiwasan ang tinatawag na “legal complications” dahil aniya sa nagaganap na sigalot sa PDP-Laban, gayundin ang rason kaya si Go ay naghain ng kanyang COC sa pagka-pangulo sa ilalim ng ibang partido.


Sa hiwalay na mensahe, sinabi ni Go na ang pagtakbo ni Pangulong Duterte senatorial race ay para mapigilan ang anumang hidwaan sa mga miyembro ng first family.


“Kung ako lang tatanungin, ayaw ko din na [vice president] ang i-file niya. Ayaw ko magkasakitan pa. Tama na ako na lang ang nasaktan. Mataas respeto ko kay Pangulo at sa kanyang pamilya,” sabi ni Go.

 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | November 15, 2021



Hindi magdudulot ng pagkalito sa mga botante ang pagkakaroon ng dalawang Duterte sa VP race.


Ito ay matapos ang mga substitution o pagpapalit ng mga kumakandidato sa national post nitong Sabado.


Si Inday Sara Duterte-Carpio na dapat ay tatakbo sanang alkalde uli ay biglang pinalitan ang kandidato sa pagka-bise presidente ng Lakas-CMD na si Lyle Uy.


Umatras naman sa laban si Sen. Bato dela Rosa bilang pambato ng PDP-Laban habang umakyat sa laban sa pagka pangulo si Sen. Bong Go mula sa kanyang VP bid, pero sa ilalim ng Pederalismo ng Dugong Dakilang Samahan kapalit si Grepor Belgica.


Posible namang tumakbo sa pagka-bise presidente si Pangulong Rodrigo Duterte base sa pahayag ni Communications Secretary Martin Andanar.


Ayon sa Comelec, hindi magdudulot ng kalituhan ang pagtakbo ni Duterte kahit pa tatakbo rin bilang bise presidente ang anak nito na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.


“Wala naman pong problema dahil pre-printed naman 'yung balota natin. … Hindi naman … magco-cause ng confusion ‘yan because number 1 the first names are there and number 2 … they will be in the same column but there will be no confusion,” anila. 


Tungkol naman sa usapin sa substitution, walang limitasyon ang withdrawal-substitution basta pasok sa itinakdang petsa pero maaaring higpitan ng kaunti ang batas, batay sa Comelec.


“Dapat siguro lagyan ng konting regulasyon. Lagyan ng konting pagbabawal kasi ngayon masyadong bukas yung proseso eh,” anila. 


Handa na ang Comelec sa Lunes para sa huling araw ng substitution.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page