- BULGAR
- Dec 28, 2021
ni Lolet Abania | December 28, 2021

Ipinahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Lunes ng gabi na mayroong sapat na pondo ang gobyerno para magbigay ng cash aid na P5,000 sa bawat pamilyang sinalanta ng Bagyong Odette.
“May pera naman. I am giving P5,000 per family. Itong pera na nakuha ko, which I have gathered, will be sufficient for the assistance of P5,000 for everybody,” ani Pangulong Duterte sa kanyang weekly Talk to the People kagabi.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, nakapag-isyu na sila ng isang joint circular hinggil sa nabuong guidelines para sa distribusyon ng cash assistance sa mga lugar na hinagupit ng bagyo.
Sinabi ni Año na ang DILG ay nakatakdang mag-distribute ng tinatayang P4 bilyon halaga ng cash aid sa mga apektadong residente.
“Humigit kumulang P4 billion ang pamimigay na ayuda... Ayon sa DBM (Department of Budget and Management), mare-release bukas sa mga LGUs,” sabi ni Año.
Ayon pa sa kalihim, makukumpleto nila ang pamamahagi ng P5,000 ayuda sa loob ng 15 araw.
Dagdag ni Año na ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at ang Philippine National Police (PNP) ay tutulong para sa distribusyon ng mga cash aid.






