top of page
Search

ni Jasmin Joy Evangelista | January 14, 2022



Nilagdaan na ni Pangulong Duterte ang batas na ipanapangalan kay "King of Philippine Movies" Fernando Poe Jr. ang Roosevelt Avenue sa Quezon City.


Sa pamamagitan ng Republic Act 11608, pinalitan na bilang Fernando Poe Jr. Avenue ang Roosevelt Avenue sa Quezon City.


Inaatasan ng batas ang Department of Public Works and Highways na mag-isyu ng panuntunan, kautusan at circular para sa pagpapatupad ng probisyon sa loob ng 60 araw mula sa pagiging epektibo nito.


Matatandaan na si dating Sen. Lito Lapid, isa ring aktor, ang nagsulong sa Senado ng panukala.


Una niyang inirekomenda na ang Del Monte Avenue ang ipangalan kay Poe dahil doon nakatayo ang movie production company ng namayapang aktor.


Pero inirekomenda ni Senate President Tito Sotto, na amyendahan ang panukala.


Ani Sotto, sa halip ay ang Roosevelt Avenue ang ipangalan kay FPJ dahil sa naturang lugar lumaki si Da King.


Matatagpuan ang dating tahanan ng pamilya ni FPJ sa kanto ng Roosevelt Avenue at Paraiso street.


Ang Roosevelt Avenue ay ipinangalan kay dating US President Franklin D. Roosevelt.


Samantala, nagpasalamat si Sen. Grace Poe sa pagkakataong aniya ay para maalalang muli ang legacy ng kanyang ama.


“Nagpapasamat at nagpapakumbaba ako at ang aking pamilya sa batas na ito. Ang FPJ Avenue ay nagbigay-pugay sa nagawa at legasiya ng aking ama na ngayon ay bahagi na ng kasaysayan ng ating bansa,” pahayag ni Poe.


Pinasalamatan din ni Poe ang mga kapwa mambabatas mula sa Senado at sa House of Representatives na siyang nagsulong sa panukala kung saan inilarawan nila si PFJ bilang isang cultural icon at kampeon ng masa.

 
 

ni Lolet Abania | January 9, 2022



Nagpahayag ng pag-asa si Pangulo Rodrigo Duterte para sa pagkakaisa at patuloy na panalangin sa recovery ng bansa at higit na kagalingan ng sangkatauhan, sa kanyang mensahe ngayong Linggo na inisyu kasabay ng pagdiriwang ng Pista ng Poong Itim na Nazareno.


"Although we may not be able to take part in the usual Traslacion activities that have marked the celebration for centuries, let us keep on demonstrating our faith by praying for our country's recovery and for humanity's complete healing, especially from the ill effects of the COVID-19 pandemic," ani Pangulong Duterte.


"As a predominantly Catholic nation, may we remain united in spirit and in truth as we continue to build a future that is truly blessed with peace, prosperity, love and goodwill for all," dagdag niya.


Ang Pista ng Itim na Nazareno ay ipinagdiriwang ngayong Linggo, Enero 9, subalit dahil sa pagtaas ng COVID-19 cases, ang taunang Traslacion, ang prosesyon ng imahe ng Black Nazarene mula Quirino Grandstand hanggang Quiapo Church ay kinansela.


Una nang hiniling ni Pangulong Duterte, ang suspensyon ng mass gatherings, kabilang ang tradisyunal na Traslacion at misa para sa Itim na Nazareno, sanhi ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 infections sa bansa.


"This venerated religious tradition, which commemorates the transfer of the image of Jesus Christ from its original place in Intramuros to its current shrine in Quiapo, is also a precious time for every devotee to understand the value of suffering and its saving grace," saad ng Pangulo.


Magugunitang ang traslacion ay nagsimula noong Enero 9, 1787, bilang pagsunod sa order ng noo'y si Archbishop Basilio Tomas Sancho de Santas Justa Y Rufina.


Gayunman, isinara ang Quiapo Church mula Enero 7 hanggang 9 para maiwasan ang pagdagsa ng mga debotong pupunta rito.


Sa kabila nito, marami pa ring mga deboto ang sinubukan na magtungo sa Quiapo Church ngayong Linggo, kung saan ilan sa kanila ay nagdasal na lamang sa tabing kalsada malapit sa simbahan.


Ayon naman sa opisyal ng simbahan, ang mga deboto ay maaaring manood na lamang ng mga misa na streamed online.

 
 

ni Lolet Abania | January 8, 2022



Binigyang-linaw ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ngayong Sabado na ang pag-aresto ng mga opisyal ng barangay sa mga hindi bakunadong indibidwal kontra-COVID-19 na pinipilit na lumabas ng tirahan ay gagawin bilang “last resort” lamang.


Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, ang mga barangay officials na susunod sa ibinabang order ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa paghihigpit sa galaw ng mga unvaccinated individuals ay isasagawa aniya, “within the bounds of the law.”


Una nang iniutos ni Pangulong Duterte nitong Huwebes sa mga barangay officials na i-direct ang mga indibidwal na hindi pa nabakunahan laban sa COVID-19 na manatili sa bahay sa gitna ng pagtaas ng coronavirus infections na pinaniniwalaang dulot ng Omicron variant.


Sinabi ni Año na ang mga barangay chairman ay maaaring arestuhin ang mga unvaccinated individuals kung tatanggi ang mga ito na makipag-cooperate sa kanila.


“The President is merely exercising his authority as chief executive under the public health emergency.


He was very clear in his directive that an arrest will only be a last resort,” ani Año sa isang statement.


“Pakiusapan muna na pumirmi sa bahay. Barangay officials may only arrest the unvaccinated individuals who refuse to cooperate and who are leaving the homes for non-essential purposes,” dagdag ng opisyal.


Payo naman ni Año sa publiko na iprisinta agad ang kanilang mga vaccination cards sa mga barangay officials at police officers bilang katunayan ng kanilang vaccination.


Samantala, ayon kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya, kailangan na ang mga barangay officials ay guided ng mga ordinances na ipinasa ng kani-kanilang local government units (LGUs).


Binanggit ni Malaya na pitong LGUs sa Metro Manila ang nag-aprub ng mga ordinansa ng paghihigpit sa mga galaw ng mga hindi bakunadong indibidwal.


Kabilang sa mga nasabing ordinances ay ang Caloocan City Ordinance No. 0959, Quezon City Ordinance No. 3076, San Juan City Ordinance No. 2022-1, Valenzuela City Ordinance No. 976, Pateros City Ordinance No. 2022-01, Las Piñas City 02-2022, at Taguig City No. 62.


“The other LGUs in Metro Manila are currently in the process of deliberating their respective ordinances which should pass next week,” sabi ni Malaya.


Una nang inaprubahan ng Metro Manila Council (MMC), kabilang dito ang 17 alkalde, na ang mga unvaccinated residents sa National Capital Region (NCR) ay inaatasan na manatili sa bahay maliban kung kukuha at bibili ng mga essential goods at services habang ang NCR ay nasa ilalim ng Alert Level 3.


“We are doing this to protect the unvaccinated themselves because they are prone to critical illness and hospitalization and we need to protect our health care system from being overwhelmed with the exponential rise of coronavirus cases because of the Omicron variant,” sabi ni Malaya.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page