ni Jasmin Joy Evangelista | February 8, 2022

Nag-iimpake na umano si Pangulong Rodrigo Duterte ng kanyang mga gamit upang agad na makaalis sa Malacañang sa sandaling matapos ang kanyang termino.
"Nag-iimpake na nga ako eh. 'Yung iba ipinadala ko na, 'yung madala sa barko, binarko ko. You know the small things, 'yung mga tokens, 'yung mga bronze, 'yun ang inuna ko, 'yung mga mabigat," ani Duterte sa kanyang taped public briefing na inere nitong Lunes.
Handa na umano ang pangulo na lisanin ang Malacañang at i-welcome ang bagong pangulo.
"I await the day of turnover. Matikman ko rin 'yung feeling ng outgoing president. I will be the one to meet the new president, then I will invite him here for a tete-a-tete," sabi ni Duterte.
"Nag-iimpake na po ako. I have a little over 3 months, so I should be out by March, hindi ko na paabutin ng Abril. Hindi na rin ako matutulog dito. Kung saan dalhin ng Panginoong Diyos, magpraktis na ako ng tulog doon," dagdag pa niya.
Sa sandali umanong makaalis na siya sa Palasyo, pupunta na lamang siya rito araw-araw upang gawin ang kanyang mga trabaho sa nalalabi pang araw sa kanyang termino.
“Magpunta na lang ako dito for day-to-day trabaho, what's left of the things we have to work on," pahayag pa ni Duterte.
Nagsimula ang termino ni Duterte noong June 30, 2016, kung saan siya ang pumalit kay dating Pangulong Benigno Aquino III. Matatapos ang kanyang termino matapos ang anim na taon.






