top of page
Search

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | June 11, 2021



Dear Maestra,

Ako ay isang ilaw ng tahanan at maligaya sa piling ng aking mga mahal sa buhay. Napakabait ng asawa ko. Masipag, maalalahanin, magiliw sa mga anak namin, mapagmahal at responsable. Halos wala na akong hahanapin pa sa buhay dahil kuntento na ako sa kasalukuyan kong pamumuhay. Subalit hindi ko alam kung bakit madalas kong mapanaginipan na pinagtataksilan ako ng asawa ko.

Sa panaginip ko, may babae siya na maganda, sexy at batang-bata pa. Dahil doon, bilang ganti, kinaliwa ko rin siya. Lihim akong nakipagmabutihan sa ibang lalaki nang lingid sa kanyang kaalaman. Ano ang ibig sabihin nito?


Naghihintay,

Lerma


Sa iyo, Lerma,

Ang ibig sabihin ng panaginip mo na may ibang babae ang asawa mo ay kabaligtaran sa tunay na buhay. Ibig sabihin, mahal na mahal ka ng asawa mo. Tapat siya sa iyo at mahal na mahal niya kayo ng mga anak mo. Kailanman ay hindi siya natutukso sa ibang babae.


Ang panaginip mo namang ikaw ay nakipagmabutihan sa ibang lalaki nang lingid sa kanyang kaalaman ay nagpapahiwatig na susubukan ka ng tadhana kung gaano mo kamahal ang iyong asawa. May darating na tukso sa buhay mo at malamang na hindi mo ito maiiwasan. D’yan na mawawasak ang magandang relasyon n’yo ng asawa mo.


Kaya ang maipapayo ko, ngayon pa lang ay umiwas ka na sa mga lalaking umaaligid sa iyo. Maging matatag ka sa tukso ng pag-ibig. Alalahaning ang masaya, payapa at magandang pamilya ay isang malaking pagpapala ng Diyos sa inyo. Bibihira lang ito at mabibilang mo sa daliri ang pamilyang may maayos at payapa ang pamumuhay. Magpasalamat ka sa Diyos dahil napabibilang ka sa may pamilyang matatag at maginhawa ang pamumuhay. Umiwas ka sa tukso ng balatkayong pag-ibig. Manatili kang tapat, mapagmahal at responsableng ilaw ng tahanan.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

 
 

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | June 10, 2021



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Gloria ng Pampanga.


Dear Maestra,

Isang mapagpalang araw ang bati ko sa inyo at sa lahat ng kasamahan n’yo r’yan sa BULGAR. Gusto kong ipaanalisa ang panaginip ko kagabi.

Napanaginipan ko na niyaya ako ng boyfriend ko na mag-check in sa isang magandang hotel. Pumayag naman ako agad dahil sa totoo lang, secretly married na kami. Nang magkita kami, nasurpresa ako dahil binigyan niya ako ng mamahalin at napakagandang bracelet. Siya rin mismo ang naglagay nito sa kamay ko. Ano ang kahulugan nito?


Naghihintay,

Gloria


Sa iyo, Gloria,

Ang ibig ipahiwatig ng panaginip mo na binigyan ka ng bracelet ng boyfriend mo ay mai-in love ka sa isang estranghero kahit ang sabi mo ay secretly married ka na sa boyfriend mo. Gayunman, ang sabi mo ay siya mismo ang nagsuot nito sa iyo, ang ibig sabihin nito ay mayaman ang mapapangasawa mo.


At dahil ikaw ay secretly married sa kasalukuyan mong boyfriend, isa lang ang ipinahihiwatig nito— mayaman at napabibilang sa prominenteng angkan ang boyfriend mo. Pag-igihin mo na lang ang pakikitungo sa kanya, gayundin, mahalin mo siya nang tapat at iwasang matukso pa sa iba, lalo na kung siya ay isang estranghero.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

 
 

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | June 09, 2021



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Jessa ng Ormoc.


Dear Maestra,

Kumusta na kayo? Tagahanga ako ng column n’yo at gaya ng iba pang mambabasa ng BULGAR, gusto ko ring ipaanalisa ang aking panaginip.

Napanaginipan kong nasa beach ako at masayang tinitingnan ang kalawakan, gayundin, ang sarap ng pakiramdam ko.

Maya-maya ay mayroong lumapit sa aking matandang lalaki at nililigawan ako. Dahil hindi ko siya type, binasted ko agad at ako ay lumayo. Paglingon ko, nakita ko na may kasama siyang matandang babae kaedad niya at masaya silang nagkukuwentuhan. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Jessa

Sa iyo, Jessa,

Maganda ang ibig sabihin ng panaginip mo tungkol sa kalawakan kung ito ay kasiya-siyang tingnan. Kaligayahan sa tahanan at pagkakasundo-sundo ang ibinabadya nito at walang puwang ang inggitan sa tahanan n’yo. May malasakit kayo sa isa’t isa at ang palaging hangad ay mapabuti ang inyong pamumuhay.


Sa kabilang dako, kung madilim ang ulap at tila uulan na parang hindi payapa ang kalawakan, ang ibig sabihin nito ay bako-bakong daan ang kakaharapin mo tungo sa pag-abot ng iyong pangarap. Ibig sabihin, maraming problema sasagupain mo. Mabuti na lang, ang sabi mo ay sarap na sarap kang pagmasdan ang kalawakan. Ang beach naman na tinutukoy mo, kung malinaw ang tubig nito, magandang kalusugan ang ibig sabihin at kasaganaan sa buhay na malapit nang mapasaiyo.


Samantala, ang matandang lalaki sa iyong panaginip ay nagbabadya rin ng financial success. Habang ‘yung matandang babae ay tagumpay sa pakikipagdeal ang ibig sabihin. Hanggang dito na lang, mag-ingat ka palagi. God bless you abundantly.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna


 
 
RECOMMENDED
bottom of page