top of page
Search

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | June 25, 2021



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Gabriel ng Cebu.


Dear Maestra,

Napanaginipan ko na nasa sementeryo ako at biglang may dumapong ibon sa tabi ko. Ang ganda ng ibon dahil kumikislap ang mga pakpak nito. Pinatuka ko ng dinurog na tinapay ang ibon at maya-maya, ito ay lumipad. Tapos naglakad ako sa paligid ng sementeryo at nakakita ako ng buto ng patay at mga bungo. Ano ang ibig sabihin nito? Natatakot ako sa panaginip ko at hindi makatulog.

Naghihintay,

Gabriel


Sa iyo, Gabriel,

Ang ibig sabihin ng panaginip mo tungkol sa ibon na may kumikislap na mga pakpak ay magkakaroon ng malaking pagbabago sa kasalukuyan mong sitwasyon. Kung dumaranas ka ng matitinding pagsubok ngayon, huwag kang mabahala dahil gaganda na ang takbo ng buhay mo at pagpapalain ka na.


Tungkol naman sa mga buto at bungo ng patay na nakita mo sa panaginip, huwag kang mabahala o mag-isip ng hindi maganda dahil ang ibig sabihin nito ay magmamana ka ng malaking halaga mula sa kamag-anak mo na malaon nang namayapa. Kasama ka sa Will and Testament na iniwan niya.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

 
 

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | June 24, 2021



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Flor ng Bataan.


Dear Maestra,

Single ako at breadwinner ng aming pamilya. Gusto kong malaman ang kahulugan ng panaginip ko. Nasa isang lugar ako na tahimik at panatag na panatag ang kalooban ko dahil walang gumugulo sa akin. Bigla na lang may dumating na magarang sasakyan at ang nakasakay du’n ay reyna ng isang kinikilalang palasyo at napakaganda niya. Ano ang ipinahihiwatig ng panaginip ko?

Naghihintay,

Flor


Sa iyo, Flor,

Maraming salamat sa pagsangguni mo sa akin tungkol sa iyong panaginip. Ikinagagalak kong ipabatid sa iyo na napakaganda ng ipinahihiwatig ng panaginip mo dahil ito ay nangangahulugan na matatapos na ang mga pagtitiis mo. Magkakaroon na ng kalutasan ang mga problemang dinaranas mo sa kasalukuyan. Kung noon ay halos gusto mo nang sumuko sa buhay, ngayon ay kayang-kaya mo nang harapin ang mga pagsubok. Gayundin, pagpapalain ka at sasagana sa mga darating na araw.


Ang sabi mo ay may dumating na sasakyan at ang sakay nito ay reyna sa kinikilalang palasyo, ito ay nangangahulugan ng hindi inaasahang pagpapala sa buhay. May darating na grasya galing sa kamag-anak mo sa abroad. Bukod pa rito, madaragdagan din ang iyong pang-araw-araw na kita dahil na rin sa pagiging matiyaga at masikap mo sa iyong mga gawain. Nagpapahiwatig din ito na makapag-aasawa ka ng lalaking nagtatrabaho sa gobyerno.


Hanggang dito na lang, hangad ko ang katuparan ng iyong mga pangarap sa buhay.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

 
 

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | June 23, 2021



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Romy ng Bacolod.


Dear Maestra,

Sumainyo nawa ang pagpapala ng Dakilang lumikha sa araw na ito at sa darating pang mga araw. Binata pa ako at kasalukuyang naghahangad na mapasagot ang babaeng napupusuan ko. Napanaginipan ko na kasali ako sa karera ng bisikleta rito sa lugar namin. Muntik na akong hindi makahabol sa nangunguna dahil bigla akong binangga ng pinsan ko na kasali rin. Nagalit ako at sinigawan ko siya. Buti na lang, hindi ako natumba at nagawa kong ipagpatuloy ang pakikipagkarera. Pinatakbo ko nang mabilis na mabilis ang bisikleta ko hanggang malagpasan ko ang nasa unahan. Ako ang nanalo at binigyan ng parangal bukod sa cash prize. Ano ang ibig sabihin nito?


Naghihintay,

Romy


Sa iyo, Romy,

Maganda ang ipinahihiwatig ng panaginip mo. Ang ibig sabihin ng ikaw ang nanalo sa karera ng bisikleta ay magtatagumpay ka sa negosyong papasukin mo. Kikita ka ng malaki at ito ang simula ng iyong pagyaman.


Pati sa pag-ibig ay susuwertehin ka rin. Mapapasagot mo na ng “oo” ang babaeng matagal mo nang nililigawan. Sa kabilang dako, ayon sa panaginip mo ay nagalit ka sa pinsan mo dahil binangga ka niya. Ang ibig sabihin niyan, sa totoong buhay, siya ang pinakatapat sa iyo at nagmamalasakit nang husto sa kapakanan mo. Kaya huwag kang mag-isip ng hindi maganda sa pinsan mo, sa halip ay magtiwala ka sa kanya at pakisamahan mo siya nang maaayos.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

 
 
RECOMMENDED
bottom of page