top of page
Search

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | August 02, 2021



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Jeffrey ng Cagayan.


Dear Maestra,

Gustung-gusto kong basahin ang mga kahulugan ng panaginip sa inyong kolum dahil libang na libang ako sa pagbabasa. Dahil d’yan, gusto kong magpaanalisa ng mga panaginip ko. Napanaginipan kong nakadungaw ako sa bintana namin. May nakita akong agila na lumilipad at ang ganda-ganda nitong tingnan, tapos isinara ko na ang bintana. Pumunta ako sa alaga kong lovebirds pero wala sila sa hawla, sa halip, ang nakita ko roon ay ‘yung eagle na nakita kong lumilipad.

Noong isang gabi, elepante naman ang napanaginipan ko. May elepante na nakapasok sa bakuran namin. Ano ang ipinahihiwatig ng mga panaginip ko?


Naghihintay,

Jeffrey


Sa iyo, Jeffrey,

Ang ibig ipahiwatig ng panaginip na nakakita ka ng eagle lumilipad ay magtatagumpay ka sa kasalukuyan mong gawain. Kumbaga, abot-kamay mo na ang iyong mga pangarap o matutupad na ang mga minimithi mong makamit sa buhay.


‘Yung nakita mo sa hawla ang eagle sa halip na ang alaga mong lovebirds, ito ay nagbababala na may binabalak na hindi maganda sa iyo ang mga lihim mong kaaway. Pinaplano nila na pabagsakin ka sa kasalukuyan mong kalagayan dahil naiinggit sila sa tagumpay na nakamit mo sa buhay.


Ang elepante sa panaginip mo, maganda ang ipinahihiwatig nito. Ibig sabihin, malalagpasan mo ang mga pagsubok sa buhay, gaanuman ito kabigat. Ang kalusugan mo ay magiging maganda rin kung saan ligtas ka sa anumang uri ng karamdaman.


Hanggang dito na lang at nawa’y patuloy mong subaybayan ang aking kolum at huwag kang magsasawang magpaanalisa ng mga panaginip mo.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

 
 

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | August 01, 2021



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Lauro ng Cebu.


Dear Maestra,

Magandang araw sa inyong lahat, nawa’y sapitin kayo ng bati ko na wala nang baha at iba pang negative forces sa kapaligiran. Single pa ako pero may balak na akong pakasalan dahil gusto ko nang lumagay sa tahimik. Sawa na ako sa pagiging single at gusto ko nang magkapamilya. Gusto ko ring ipaanalisa sa inyo ang mga panaginip ko.

Una, napanaginipan ko ‘yung sweetheart ko na nakahiga sa aking kama. Nagulat ako dahil nakapasok siya sa kuwarto ko at humiga. Tapos napanaginipan ko naman noong isang gabi na may narinig akong tunog ng bells. Malakas ‘yung tunog kaya dinig na dinig ko. Anu-ano ang ibig sabihin ng mga panaginip ko?


Naghihintay,

Lauro


Sa iyo, Lauro,

Ang ibig sabihin ng panaginip na nakita mo ang iyong sweetheart na nakahiga sa kama mo ay depende kung masaya ba, nakangiti ba siya o malungkot at parang may sakit. Kung siya ay masaya at nakangiti sa panaginip mo, ibig sabihin ay tapat siya sa iyo at mahal na mahal ka niya. Pero kung malungkot at parang maysakit siya, ito ay nangangahulugan na kunwari lamang ang pag-ibig niya sa iyo, kumbaga, hindi ka niya totoong mahal o may iba siyang mahal.


Samantala, ang bells na narinig mo ay depende rin kung anong klase ang tunog ng mga ito. Kung masaya ang tunog, ibig sabihin, mapo-promote ka sa trabaho at kung may business ka, suswertehin ang iyong negosyo, kumbaga, magpo-prosper at lalago ang business mo at magiging simula ito ng iyong pagyaman. Kung ang tunog naman ng bell ay parang nagbibigay-babala na may hindi magandang nagaganap sa paligid, ito ay nagpapahiwatig na mag-isip ka munang mabuti bago mo pagpasyahan ang mga gusto mong gawin. Huwag kang padalos-dalos o atat na pasukin ang mga bagay na inilalapit sa iyo dahil may posibilidad na maloko ka. Mag-ingat ka sa pagpapasya. Gamitin mo ang pakiramdam, talino at talas ng isipan upang hindi malinlang.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

 
 

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | July 29, 2021



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Rosalinda ng Marikina City.


Dear Maestra,

Nais kong ipaanalisa ang panaginip ko. Matagal na akong biyuda at nangangarap na makapag-asawa ulit upang magkaroon ng katuwang sa buhay. Aaminin ko sa inyo, nahihirapan na akong mamuhay nang walang kaagapay dahil malungkot at sobra na akong napapagod.

Napanaginipan ko na natagpuan ko na ang magiging katuwang ko sa buhay at nakahanda siyang pakasalan ako dahil nag-propose siya sa akin. Niyaya niya akong mamasyal sa napakagandang garden at doon niya ko sinurpresa. May hawak siyang maliit na gift box at nang buksan ko ay iba’t ibang jewelries ang laman, mayroong singsing, kuwintas, hikaw, relo at bracelet na pawang napapalamutian ng batong hiyas na kumikislap-kislap. Tuwang-tuwang ako, ano ang ibig sabihin ng panaginip kong ito?


Naghihintay,

Rosalinda


Sa iyo, Rosalinda,

Kapag ang isang biyuda tulad mo ay nanaginip na natagpuan na ang lalaking handang magpakasal sa kanya, ito ay nangangahulugan na matutuloy ang kasal niya sa lalaking ito nang mas maaga sa inaasahan. At dahil sabi mo ay biyuda ka, may posibilidad na matuloy ang iyong kasal sa lalaking pinapangarap mo. Kaya paghandaan mo na itong mabuti dahil hindi magtatagal, mayroon ka nang kaagapay sa buhay gaya ng hinahangad mo.


Ang mga alahas na inabot niya sa iyo nang siya ay mag-propose, ito na rin ang regalo niya sa nalalapit ninyong kasal. Ito ay nangangahulugan na mahal ka niya at nakahanda siyang makasama ka habambuhay. Nagpapahiwatig din ito na bibiyayaan kayo ng mga anak na mababait at matatalino.


Samantala, ang kuwintas ay halos ganundin ang kahulugan — speedy marriage. Madaliang pag-aasawa sa isang lalaking mayaman at may mataas na posisyon sa kanyang pinapasukan. Ang bracelet naman ay nangangahulugan na malaking suwerte pa ang darating sa magiging asawa mo. Makakahawak siya ng malaking halaga o may matatanggap siyang pera.


Kaya ngayon pa lang ay matuwa at magpasalamat ka na sa Diyos dahil dininig Niya ang hiling mo. Anuman ang kalagayan mo ngayon, mababago na ‘yan tungo sa pag-unlad at kasaganaan. Gayundin, matatapos na ang pagtitiis at sakripisyo mo sa buhay sa lalong madaling panahon.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

 
 
RECOMMENDED
bottom of page