top of page
Search

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | August 14, 2021



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Shirley ng Zambales.


Dear Maestra,

Nagpapasalamat ako dahil nagkatotoo ‘yung meaning ng panaginip na ipinaanalisa ko sa inyo noong nakaraang linggo. Nakaiwas ako sa isang gulo na dapat ay daranasin ko. Sinunod ko ‘yung payo ninyo na talasan ang aking isipan at huwag patol nang patol sa mga sinasabi ng kunwari ay kaibigan pero kaaway pala. Kaya heto na naman ako at sumasangguni sa inyo tungkol sa panaginip ko kagabi.

Napanaginipan ko na magulo ang buhok ko at kulay gray na ito, pero nang kukunin ko ‘yung suklay, biglang namanhid ang mga kamay ko. Hindi ko na ito maigalaw para suklayin ang magulo kong buhok, tapos ang dumi-dumi rin ng mga kamay ko. Ano ang ibig sabihin nito?


Naghihintay,

Shirley


Sa iyo, Shirley,

Natutuwa naman ako sa balita mo na nagkatotoo ang kahulugan ng panaginip na ipinaanalisa mo sa akin at nakatulong ang maikling payo na sinabi ko sa iyo para makaiwas ka sa gulo.


Tungkol naman sa panaginip mo kagabi, ang ibig sabihin ng magulo mong buhok at kulay gray na ito ay babala na huwag kang makisali sa mga tsismisan. Iwasan mo rin ang pagiging madaldal dahil may posibilidad na mapaaway ka dahil sa pakikipagtsismisan nang wala namang batayan. ‘Yun namang biglang namanhid ang mga kamay mo at marumi ang mga ito, ibig sabihin niyan ay mahihirapan kang makaiwas sa gulo. Nagpapahiwatig din ito na dobleng ingat ang gawin mo kung ayaw mong malagay sa magulong sitwasyon na magdudulot sa iyo ng kahihiyan at pagiging mababa ng tingin sa iyo ng iyong mga kapitbahay.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

 
 

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | August 13, 2021



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Ronaldo ng Taguig.


Dear Maestra,

Bakit ganu’n ang panaginip ko? Mabait naman akong tao, tapat makisama at hindi kailanman nag-iisip ng panlalamang sa kapwa, pero napanaginipan ko na dinaya ko ‘yung kaibigan ko. Nagawa ko siyang lokohin, gayung napakabait niya sa akin.

May kasabihan tayo na kung ano ang ginawa mo sa kapwa mo, gagawin din sa iyo nang hindi mo inaasahan. Ganyan ang nangyari sa akin sa panaginip dahil ako naman ang niloko at dinaya ng babaeng pinakamamahal ko. Pinagtaksilan ako ng dyowa ko. Ano ang ipinahihiwatig ng panaginip kong ito?


Naghihintay,

Ronaldo


Sa iyo, Ronaldo,

Kabaligtaran ang kahulugan ng panaginip mo. Ang ibig sabihin ng niloko o dinaya mo ang kaibigan mo ay kikilalanin ka sa pagiging tapat sa iyong kapwa. Pararangalan ka sa pagiging honest mo.


‘Yun namang ikaw mismo ang niloko, dinaya o pinagtaksilan ng dyowa mo, ito ay nagpapahiwatig na mapagkakatiwalaan mo siya at maaasahan sa lahat ng sandali. Handa siyang makasama mo habambuhay, paglilingkuran ka niya nang buong katapatan at mamahalin hanggang kamatayan.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

 
 

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | August 12, 2021



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Rosalie ng Pangasinan.


Dear Maestra,

Nais kong malaman ang kahulugan ng aking mga panaginip.

Napanaginipan ko kahapon na napaso ako, hindi lang isang beses kundi madalas. Palagi akong napapaso tuwing mag-iihaw ako ng barbeque.

Noong isang gabi naman, napanaginipan kong dinalaw ko ‘yung kaibigan kong bulag. Pag-uwi ko ng bahay, biglang lumabo ang mga mata ko hanggang hindi na ako makakita. Nabulag din ako tulad ng kaibigan ko. Ano ang ibig sabihin ng mga panaginip ko?


Naghihintay,

Rosalie


Sa iyo, Rosalie,

Ang ibig sabihin ng panaginip na napaso ka, hindi lamang isang beses kundi maraming beses, ito ay nagpapahiwatig na magtatagumpay ka sa anumang hinahangad mo sa buhay pati na ang pinakamimithi mong marating kahit hindi ito madaling makamit. Gayundin, malalagpasan mo ang mga sagabal at mararating mo ang tugatog ng tagumpay.


‘Yun namang dinalaw mo ang kaibigan mong bulag, ito ay nangangahulugan na lalapit sa iyo ang isa sa mga kaibigan mo upang hingin ang iyong tulong. Ang sabi mo ay nabulag ka rin gaya ng kaibigan mo, ito ay nagpapahiwatig na ikaw mismo ang malalagay sa kagipitan at kakailanganin ang tulong ng iyong mga kaibigan sa lalong madaling panahon.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

 
 
RECOMMENDED
bottom of page