top of page
Search

ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | October 17, 2023


Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Deogracias ng Pampanga.

Dear Maestra,


Isa akong millenial pero naniniwala ako sa kahulugan ng panaginip na binabasa n'yo. Kaya, naisipan ko ring magpaanalisa.


Napanaginipan ko na may natanggap akong sulat na may mamanahin akong malaking halaga galing sa yumao kong tita.


Nagmamadali akong magsapatos para pumunta sa probinsya ng tita ko. Sa pagmamadali ko ay natapilok at nasugatan ang paa ko.


Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?

Naghihintay,

Deogracias

Sa iyo, Deogracias,


Ang ibig sabihin na may natanggap kang sulat ay makakatanggap ka ng hindi inaasahang balita mula sa kaibigan mo. Ang may mamanahin kang malaking halaga galing sa yumao mong tita, ay nangangahulugang hindi ito totoo, wala kang mamanahin galing sa kanya at kathang isip mo lang iyon.


Samantala, ang nagmamadali kang magsapatos para pumunta sa probinsya ng tita mo, natapilok at nasugatan ang iyong paa, ay nagpapahiwatig na makakapag-asawa ka ng babaeng nabibilang sa mahirap na angkan, at hindi rin siya maaasahan sa mga gawaing bahay.

Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna


 
 

ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | October 16, 2023


Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Ben ng Pangasinan.


Dear Maestra,


Napanaginipan ko na namasyal ako sa bagong zoo, nalibang ako nang husto sa iba’t ibang hayop na nakita ko. Ang pinakagusto ko ay ‘yung gorilya. Binigyan ko ito ng mansanas upang kainin niya. Ngunit, ‘di ko namalayan, may mga langgam pala sa paanan ko, at kinagat ako nito.


Ano'ng ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Ben


Sa iyo, Ben,


Ang ibig sabihin ng panaginip mo na namasyal ka sa zoo, nalibang ka nang husto sa iba’t ibang hayop, ay


makakaranas ka ng mga pagtitiis sa kasalukuyan mong hanapbuhay. Dadaan ka sa matinding kahirapan subalit ang lahat ng iyan ay malalampasan mo rin, ganap mo ring makakamit ang iyong tagumpay. Yayaman at kikilalanin ka rin sa inyong lugar.


Ang gorilya na siya mong pinakagusto sa lahat, ay nagpapahiwatig na ihanda mo ang iyong sarili sa hindi inaasahang kabiguan, dahil mabibigo ka sa kasalukuyan mong pinagkakaabalahan.


Ang binigyan mo ng mansanas ang gorilya para kainin niya, ay pansamantala lamang ang kabiguang mararanasan mo, dahil sa bandang huli, malalampasan mo rin ito.


Samantala, 'di mo namalayan na may mga langgam sa paanan mo at kinagat ka, ito ay babala na magkakaproblema ka sa pera. Dapat kang magtrabaho nang husto upang makaipon ka ng perang maipapadala mo sa iyong pamilya.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna



 
 

ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | October 15, 2023



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Delfin ng Caloocan.

Dear Maestra,


Napanaginipan ko na may malaking puno sa aming bakuran. Kaya lang, tuyot na ang mga sanga nito at lanta na ang mga dahon.


Nang lapitan ko ito may natanaw akong bahay ng bubuyog. Kukunin ko na sana ‘yung honey nang biglang dumating ‘yung mga bubuyog na namamahay ru’n.


Sinugod ako ng mga ito, tumakbo ako nang mabilis para makaiwas.


Ano’ng ibig sabihin ng panaginip ko?

Naghihintay,

Delfin

Sa iyo, Delfin,


Ang ibig sabihin ng panaginip mo na may malaking puno sa bakuran n’yo, pero tuyot na ang mga sanga at dahon, ito ay babala na makakaranas ka ng paghihirap sa buhay.


Magiging mailap sa iyo ang pagyaman kaya doblehin mo pa ang pagsisikap.


Ang may natanaw kang bahay ng bubuyog, ito ay paalala na kailangan mo magtrabaho at magsumikap upang makamit mo ang iyong pinapangarap.


Ang biglang dumating ang mga bubuyog, hinabol ka ng mga ito, tumakbo ka para makaiwas ay nagpapahiwatig na bagama’t dumaranas ka ng katakut-takot na paghihirap sa iyong pamumuhay, sa bandang huli ay makakamit mo rin ang iyong pinakaaasam-asam na pangarap.

Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna


 
 
RECOMMENDED
bottom of page