- BULGAR
- Jan 7, 2024
ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | January 7, 2024
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Jacob ng Marikina.
Dear Maestra,
Halos araw-araw kong napapanaginipan ang tulay. Naglalakad umano ako sa harap ng tulay. Napanaginipan ko rin na nakasakay ako sa bangka, dumaan ang bangkang sinasakyan ko sa ilalim ng tulay.
Noong nakaraang gabi naman, napanaginipan ko na nakasakay ako sa barko at dumaan sa ilalim ng hanging bridge ‘yung barkong sinasakyan ko. Tanaw na tanaw ko umano ang agos ng tubig na malakas at rumaragasa.
Ano ang ibig sabihin ng mga panaginip ko?
Naghihintay,
Jacob
Sa iyo, Jacob,
Ang ibig sabihin ng panaginip mo na naglalakad ka sa harap ng tulay ay magtatagumpay ka sa iyong mga pangarap. Ang nakasakay ka sa bangka, dumaan ito sa ilalim ng tulay ay nagpapahiwatig na masasangkot ka sa gulo, pero hindi naman ito gaanong malala. Malulusutan mo rin ito hanggang sa tuluyan kang makaiwas.
Samantala, ang dumaan sa hanging bridge ang barkong sinasakyan mo, kitang-kita mo ang rumaragasang tubig ay senyales na makakamit mo ang tagumpay, ngunit hindi agad-agad. Depende ito sa iyong pagsusumikap at pagiging masigasig na abutin ang iyong mga pangarap. Iwasan mong tamarin upang ang pangarap mo ay agad makamtan.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




