top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | Enero 20, 2024



KATANUNGAN

  1. May boyfriend ako, pero parang ayaw niya pang mag-asawa, samantalang ako ay gusto ko nang mag-asawa. 33-anyos na ako habang 29 palang ang boyfriend ko at parang marami pa siyang pangarap at gustong gawin sa buhay. 

  2. Pero sabi ko sa kanya, kahit mag-asawa na kami, hangga’t hindi pa kami nagkakaanak ay magagawa pa rin naman niyang tapusin ang kanyang masteral at mag-review o mag-take ng board exam, pero tengang-kawali siya sa sinasabi kong ‘yun. 

  3. Kaya ang balak ko ay pilitin siya para maikasal na kami. What I mean is, gagawa ako ng paraan na hindi na siya makakaatras pa na pakasalan ako. Tama ba ang balak kong ito?

  4. Gusto ko ring malaman kung siya na ba ang mapapangasawa at makakasama ko sa pagbuo ng maligaya at panghabambuhay na pamilya? 


KASAGUTAN

  1. Hindi mo dapat pilitin ang iyong boyfriend sa isang bagay na hindi naman talaga niya gusto, lalo na kung ito ay may kaugnayan sa pag-aasawa o pagpapakasal. Dahil sa bandang huli, ang relasyon o buhay pag-aasawang papasukin n’yo, gayundin ang itatayo n’yong pamilya ang maaaring magdusa. 

  2. Kaya ang pinakamabuti mong magagawa ngayon ay hayaan mong magkusa ang iyong boyfriend na pakasalan ka dahil ito ang pinakamagandang relasyon o pag-aasawang gagawin ng isang lalaki. Kumbaga, ‘yung siya mismo ang nagpasya sa gusto na. Sa ganitong sitwasyon, tulad ng naipaliwanag na, higit na magiging matatag, maunlad at maligaya ang itatayo n’yong pamilya.

  3. Ganundin ang posibilidad na maaaring mangyari sa hinaharap basta’t ‘wag kang magmadali sa kasalukuyan n’yong relasyon. Ito ang nais sabihin ng kaisa-isang maganda na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na sa pag-aasawa, ‘pag hindi ka nagpadalus-dalos ng pagpapasya, tiyak ang magaganap — sa piling ng iyong boyfriend, magtatagumpay ang papasukin n’yong pag-aasawa at habambuhay nang magiging maligaya ang itatayo n’yong pamilya.

 

DAPAT GAWIN

Ayon sa iyong mga datos, Rachelle, ang inyong pagpapakasal ay nakatakdang mangyari sa susunod na taong 2025, sa edad mong 34 at 30 naman ang boyfriend mo. Ang nasabing pag-aasawa ay may pangako ng maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya, (Drawing A. at B. 1-M arrow a. at h-h arrow b.).  


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | Enero 17, 2024



KATANUNGAN

  1. May inaaplayan akong trabaho sa ngayon. Ano ba ang kulay ng damit na dapat kong suotin para suwertehin at matanggap kaagad ako? September 28, 1994 ang birthday ko.

  2. Balak ko ring mag-abroad. Kaya sana, pakianalisa na rin kung may Travel Line sa aking mga palad at kung ano’ng mangyayari sa aking career sa future at kung okey na ba ang signature ko? 

KASAGUTAN

  1. Maganda at okey na itong signature mo kung saan simpleng letrang “r” at “a” lang ang nasa unahang bahagi habang tinapos mo ang iyong lagda sa straight line o tuwid na guhit. Ibig sabihin, ituloy mo lang ang paggamit sa nasabing pirma at makikita mo, susuwertehin ka na higit lalo sa last quarter ngayong 2024 at magtutuluy-tuloy pa ang nasabing magandang kapalaran hanggang sa bumungad ang taong 2025.

  2. Ang kulang na lang talaga sa iyo kaya ayaw pang ngumiti nang husto sa karanasan mo ang mabuting kapalaran ay ang paggamit at pagsusuot ng kulay pula at puwede rin ang pink at dilaw na siyang mapalad mong mga kulay. 

  3. Oo, isa sa mapalad mong kulay ay ang dilaw o yellow, dahil ang birth date mong 28 ay may sumatotal na 1, nangyari ganu’n dahil ang 28 ay 2+8=10, 1+0=1. Habang ang zodiac sign mong Libra na nagsasabi namang mapalad ka rin sa mga kulay na pink at red. Ibig sabihin, kapag lagi kang gumamit at nagsuot ng kulay na dilaw, pink at red, mas mabilis kang susuwertehin at mas mabilis kang magtatamo ng magaganda at bonggang-bonggang kapalaran.

  4. Samantala, halos may namataang Travel Line (Drawing A. t-t arrow c.) sa kaliwa mong palad, pero parang wala naman guhit ng paglalakbay sa kanan mong palad. Ibig sabihin, kailangang pagsikapan mo talaga ang pag-a-apply sa abroad upang magkaroon ng positibong bunga ang iyong mga pagsisipag dahil kung hindi mo ipipilit nang husto ang gusto mong mangyari sa iyong buhay, sa halip, maghihintay ka lang ng tamang pagkakataon tulad ng nasabi na, malabong mapasaiyo ang magagandang kapalaran. Kaya tandaan mo rin ang kasabihang ipinamana sa akin ni Kuya Manoling, “Sa taong buo ang loob, ang yaman at ligaya ay lubos!”

 

DAPAT GAWIN

Ayon sa iyong mga datos, Seina, wala kang dapat gawin ngayon kundi mag-apply kahit saang kumpanya mo maibigan dahil ngayong 2024, sa edad mong 29 pataas, tuluyan nang ngingiti sa iyong buhay ang magandang kapalaran, matatanggap ka na sa inaaplayan mong trabaho at sa susunod na taong 2025, makapangingibang-bansa ka na rin hanggang sa tuluy-tuloy na ring umunlad ang iyong career.


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | Enero 15, 2024



KATANUNGAN

  1. May boyfriend ako at napansin kong kapareho ko siya ng palad. May dalawang Fate Line sa kaliwa at kanang palad namin, ano ang ibig sabihin nito?  

  2. Pareho rin kaming may Travel Line, ibig sabihin ba nito ay makapag-a-abroad kami at sa ibang bansa kami maninirahan?

  3. Ang plano kasi namin ay mag-apply sa Canada. Matutupad ba ang plano at pangarap naming ito? Maestro, sa palagay n'yo rin ba kami na ang magkakatuluyan?  


KASAGUTAN

  1. Kapag medyo hawig o magkapareho ang guhit ng palad ng magkasintahan o mag-asawa, tama ka, ibig sabihin nito ay compatible kayo sa isa’t isa, lalo na at nagkataong tugma at compatible rin kayo sa Astro-Numerology na pag-aanalisa.

  2. Samantala, kapag “doubled fate line” o “doubled career line” (Drawing A. at B. F-F arrow a.) sa kaliwa at kanang palad, ito ay nangangahulugan ng dalawang hanapbuhay o dalawang sabay na source of income sa iisang panahon. Puwede ring sabihing dalawa ang source of income o trabaho mo.

  3. Kaya kung ganito ang Fate Line (arrow a.) n’yo ng boyfriend mo, maliwanag na maliwanag na magiging maalwan o produktibo ang inyong career at aspetong pampinansyal. 

  4. Samantala, kapag pareho naman kayong may Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow b.) sa kaliwa at kanang palad, ito ay maliwanag na tanda na sa sandaling kayo ang nagkatuluyan, tulad ng inaasahan, pareho kayong makapag-a-abroad o matutupad nang kusa ang pangarap n’yong makapagtrabaho o maging immigrant sa Canada.

  5. Tungkol naman sa tanong mo na kung kayo na ang magkakatuluyan ng boyfriend mo. Eksakto ang tugon, kung saan hindi mo ba napansin, bukod sa pareho kayo ng Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow a.) at Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow b.), kitang-kita rin na iisa ang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow c.) sa kaliwa at kanan n’yong palad? Ibig sabihin, walang duda kayo na nga ang magsasama sa pagbuo ng isang maligaya at panghabambuhay na pamilya.

 

DAPAT GAWIN

Habang, ayon sa iyong mga datos, Chelssy, dahil magkamukha o halos magkapareho ang mga guhit sa kaliwa at kanang palad n’yo ng boyfriend mo at kung nagkataong kapwa medyo makapal o may energy ang inyong mga palad kapag sinalat, ibig sabihin ay tumatalbug-talbog, tiyak ang magaganap, hindi lang kayo magiging maligaya at compatible sa isa’t isa. Sa halip, uunlad din ang inyong pagsasama at anuman ang pangarapin n’yong dalawa, tiyak na matutupad ito tulad ng plano n’yong pag-i-immigrant sa Canada na nakatakdang mangyari sa taong 2026 at sa edad mong 33 pataas.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page