top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Palad | June 21, 2024



Kapalaran Ayon Sa Palad


KATANUNGAN

  1. May girlfriend ako ngayon at inaaya niya na akong magpakasal. Sa August kasi ay magti-32 na siya habang ako naman ay magti-34 na sa December. 

  2. Pero, hindi niya alam na may isa pa akong girlfriend, na kasalukuyang nasa abroad. Bihira lang kami mag-usap, ngunit hindi pa naman kami nagbe-break.

  3. Maestro, gusto ko lang malaman kung sino sa dalawang babaeng ito ang makakatuluyan ko? Ito bang nakakasama ko ngayon o ang girlfriend ko na nasa abroad? Ang nobya ko na nasa abroad ay isang beses sa isang buwan ko lang nakakausap, ang palagi niyang kinakatuwiran ay busy at maraming siyang trabaho sa abroad.

 

KASAGUTAN

  1. Makipag-break ka muna nang maayos sa girlfriend mong nasa abroad, bago ka magpasyang magpakasal d’yan sa girlfriend mo na kasalukuyang nandito sa Pilipinas.

  2. Sa ganu’ng paraan, kapag kinausap mo nang maayos ‘yung girlfriend mo na nasa abroad, ‘di ka na makokonsensya sa gagawin mo at wala ka na ring magiging problema kung sakali mang ikasal kayo ng girlfriend mo. 

  3. Samantala, ayon sa pag-aanalisang pang-Astrology, ang zodiac sign mong Capricorn ang nagsasabing kung sino sa dalawang girlfriend mo ang isinilang sa zodiac sign na Virgo o Taurus, siya ang posible mong mapangasawa, na madali namang kinumpirma ng mas mahaba at mas makapal na ikalawang Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow b.) kung ikukumpara sa maikli at medyo malabong unang Marriage Line (1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, ang “second girlfriend mo” na siyang narito sa Pilipinas, ang sure mong mapapangasawa sa ayaw at sa gusto mo. Sa bandang huli, siya na ang iyong makakasama sa pagbuo ng isang simple, pero maligaya at panghabambuhay na pamilya.

 

MGA DAPAT GAWIN

  1. Jerald, hindi naman maganda kung magpapakasal ka na sa kasalukuyan mong girlfriend na narito sa Pilipinas at pagkatapos ay hindi ka pa nakikipagkalas sa girlfriend mo na nasa ibang bansa.

  2. Sa madaling salita, ang pinakamainam mong dapat gawin ngayon ay kausapin ang girlfriend mong nasa abroad, at makipag-break. Nang sa gayun ay matupad at maganap na ang nakatakdang mangyari na sa susunod na taon, sa buwan ng Disyembre at sa edad mong 34 pataas, ang nobya mong narito sa Pilipinas ang siya mo na ngang mapapangasawa.


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Palad | June 19, 2024



Kapalaran Ayon Sa Palad


KATANUNGAN

  1. May boyfriend ako ngayon, at magli-limang taon na rin ang relasyon namin. Nangako kami sa isa’t isa na walang iwanan, at kapag dumating ‘yung time na may mangingibang-bansa sa amin, dapat magkasama pa rin kami. 

  2. Isa pa, nangako rin kami na walang mag-a-abroad o aalis  sa amin, ayokong magkalayo kami at natatakot din ako na baka hindi kami ang magkatuluyan.

  3. Actually, magkasama kaming nagtatrabaho sa private hospital. Kaya lang nagkaroon ng problema, tawag nang tawag sa akin ang ate ko, at gusto niya akong pasunudin sa Australia. Naroon kasi ang sarili niyang pamilya, kasama ang mga kapatid ko, kinukulit nila ako na ayusin ko na umano ang aking mga papeles.

  4. Maestro, paano naman ang pinangako namin na walang aalis sa amin? Ine-encourage ko naman siyang mag-apply sa abroad, ngunit ayaw niya at hindi pa raw niya priority ang pangingibang-bansa dahil may inaayos pa siya sa pamilya niya.

  5. Ano ba ang nakaguhit sa palad ko at ano ba ang dapat kong gawin? Kami na ba ang magkakatuluyan ng boyfriend ko o mauuwi rin sa hiwalayan ang relasyon namin?

 

KASAGUTAN

  1. Kung minsan, wala naman talagang nagagawa ang mga pangako o pangarap. Dahil kapag nakatakda na ang isang kaganapan, tanggihan mo man o hindi, hindi natin ito matatakasan. Tandaan mo na kapag nakatakda na ang isang pangyayari, kahit makapangyarihan ka pa, hindi mo ito mapipigilan.

  2. Ayon sa malinaw at malawak mong Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad, tiyak na makakapag-abroad ka. Ito rin ay senyales na hindi mapipigil ng pangako n’yo ang nakatakda. Kaya naman sa ayaw at sa gusto mo, matutuloy ka sa abroad at doon ka na rin maninirahan. 

  3. Pero ang nakakatuwa, dahil iisa lang naman ang makapal at malinaw na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad, kung matagal na kayong may relasyon ng boyfriend mo, kahit na magkalayo kayo ng boyfriend mo, sa bandang huli ang takdang kapalaran ang kusang gagawa at gagawa ng paraan upang muli kayong pagtagpuin ng tadhana, at para muling pagdugtungin ang inyong naunsyaming suyuan. Kapag dumating ang panahon na ‘yun, hindi na kayo magkakahiwalay, dahil tuluyan na kayong magsasama at bubuo ng isang maligaya at panghabambuhay na pamilya.  

 

MGA DAPAT GAWIN

  1. Ang buhay at kapalaran ng isang tao ay parang telenovela. Maraming kadramahan. May nakakaiyak at nakakatawang sitwasyon, pero nasa husay ng manunulat o nobelista kung paano ito patatakbuhin na siyang nagpapaganda ng isang palabas o istorya ng ating buhay.

  2. Ganundin ang bawat kapalaran ng tao, hindi mo alam ang ending pero isa lang ang alam mo, ikaw ang bida ng istorya at buhay mo ang script.

  3. Pero sa totoo lang, anuman ang gawin ng bawat tao, tulad ng nasabi na, hindi kayang iwasan ang nakatakda. Kaya naman lilipas ang mga tatlo hanggang apat na taon, sa taong 2027 hanggang 2028, muling magkikislapan ang ilaw ng entablado habang paisa-isang naglalaglagan ang mga dahon sa iyong paligid, saang lupalop ka man ng mundo, muli kayong pagtatagpuin ng tadhana para tuparin ang ipinangako n’yo sa isa’t isa – ang magmahalan, magsama ng wagas at magkaroon ng isang maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya (Drawing A. at B. 1-M arrow b.).


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | Ika-27 Araw ng Abril, 2024



 


KATANUNGAN

1. Apat na taon na kami ng boyfriend ko, at ang alam ko noon ay matagal na silang hiwalay ng misis niya. Pero, huli na nang malaman ko na hindi pa pala sila hiwalay, bale inilihim niya ‘yun sa akin. Ang gusto ko lang malaman, kami ba talaga ang para sa isa’t isa at siya ba ang nakatakda para sa akin? Pero, kung sila pa rin ng asawa niya ang nakatadhana, tatanggapin ko nang maluwag sa loob ko. Kung saan siya magiging masaya, roon din ako.

2. Naisipan ko sumangguni sa iyo, Maestro, para itanong kung ang mag-asawa ba na naghiwalay ay parehong hindi maganda at maayos ang Marriage Line o kahit isa sa kanila ang hindi maayos ang Marriage Line, magkakahiwalay ba talaga sila? 

3. Kung halimbawa naman na ganito ang sitwasyon, parehong maayos at maganda ang Marriage Line nila, pero dahil maraming nanggugulo sa kanila, maaari rin ba silang mauwi sa hiwalayan? 

 

KASAGUTAN

1. Ang totoo nito ay ganito, halimbawa sinasabi ng boyfriend mo na hiwalay na siya sa kanyang asawa, pero nakita mo na kapwa maganda ang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan niyang palad at nagkataong maganda rin ang Heart Line niya (Drawing A. at B. h-h arrow b.), hindi nabiyak o naputol, ang ibig sabihin nito, hindi siya nagsasabi ng totoo. Sapagkat, ang magandang Heart Line (arrow b.) at Marriage Line (arrow a.) sa kaliwa at kanang palad ay isang patunay ng maayos, stable at successful na family life. 

2. Ngayon, huwag mo nang intindihin kung anumang itsura ng Marriage Line o Heart Line sa guhit ng palad ng kanyang misis, dahil kani-kanya ‘yan nang dinadala at alalahanin sa buhay. Maaaring pangit ang Marriage Line ng kanyang asawa, dahil hirap na hirap na ito sa kakabuhat o kakadala ng mga problema nila, kaya pumangit ang Marriage Line at ang Heart Line niya. Samantala, ito ang asawa niyang pa-easy-easy lang at buhay binata ay pinagkalooban ng magandang Marriage Line at Heart Line dahil hindi niya iniinda ang mga problema at ine-enjoy niya lang ang kanyang buhay ngayon. 

3. Ganu’n iyon! Kani-kanya tayo ng guhit ng palad, depende na lang kung paano natin ina-appreciate ang tadhana at kapalarang ating pinapasan. 

4. Kaya kung wala kang makitang maganda at matinong Marriage Line (1-M arrow a.) at Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad, lalo na kung nagkataon pa na may Guhit ka ng Influence Line, na tinatawag natin na Guhit ng Immoral na Relasyon (I-I arrow d.). Ito ay isang kasiguraduhan na tama ang sinasabi mo sa mahaba mong sulat, ngayon pa lang tanggap mo na ang nakatakda na sa iyong kapalaran, ang maging isang kerida habambuhay.

 

MGA DAPAT GAWIN

1. Tunay ngang masarap umibig at magmahal, dahil ang totoo nito ang nasabing pag-ibig ay sadyang nakakalasing o sabihin na nating nakakabaliw.

2. Gayunman, minsan dapat tayong gumising sa katotohanan, na ang maling pag-ibig at maling pakikipagrelasyon ay sa pagsisisi at kalungkutan lang din hahantong. Kaya wala kang dapat gawin ngayon kundi wakasan ang kasalukuyang pakikipagrelasyon sa bf mo na may asawa na, para sa susunod na taon ay makalaya at makatagpo ka na ng isang bago at maaliwalas na pakikipagrelasyon hatid ng isang binata o walang pananagutan na nagtataglay ng zodiac sign na Scorpio.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page