top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Apr. 22, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

SENATORIAL LINE-UP NG PAMILYA DUTERTE KUMPLETO NA, SA ADMINISTRASYON KULANG NG ISA -- Ang dating 10 kandidato sa pagka-senador ng pamilya Duterte ay naging 12 nang umanib sa kanila si Sen. Imee Marcos na kumalas sa “Alyansa ng

Bagong Pilipinas” ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM), at kukunin namang guest candidate ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio si Las Piñas City Rep., senatorial candidate Camille Villar.


Kumpleto na ang 12 senatorial candidate ng mga Duterte, at sa kabilang banda naman, kulang ng isa ang mga kandidato ni PBBM sa pagka-senador dahil nga ayaw na ni Sen. Imee na maging parte pa ng senatorial slate ng Marcos administration.


Sa kasaysayan ng pulitika sa ‘Pinas, ngayon lang nangyari na hindi kumpleto ang 12 senatorial candidate ng administrasyon, period!


XXX


MATAPOS IENDORSO NI VP SARA SA PAGKA-SENADOR SI MARCOLETA, MALAKI ANG  TSANSA NITO NA PUMASOK NA SA TOP 12 SENATORIAL SURVEY -- Matapos iendorso ni VP Sara ang kandidatura sa pagka-senador nina Sen. Imee at Cong. Camille ay inendorso naman ng bise presidente sa pagka-senador si Sagip Partylist Rep. Rodante Marcoleta.


Dahil diyan ay asahan nang sa mga susunod na araw ay papasok na rin sa top 12 senatorial survey si Marcoleta, abangan!


XXX


SEN. PADILLA DAPAT NANG MAGBITIW SA PAGIGING PDP PRESIDENT -- Binatikos ng mga miyembro ng Partido Demokratiko ng Pilipino (PDP) ang party president nila na si Sen. Robin Padilla dahil sa pag-iendorso nito ng mga kandidato sa pagka-senador na hindi miyembro ng kanilang political party.


Kung hindi babawiin ni Padilla ang endorsement niya sa mga candidate na hindi naman nila ka-partido, ang dapat gawin ng senador ay mag-resign na lang siya bilang pangulo ng PDP, boom!


XXX


BAKA IKATALO NI MAYOR ALONG MALAPITAN ANG STL NG MGA CHINESE -- May impormasyon na humihina na raw ang suporta ng mga taga-Caloocan City kay Mayor Along Malapitan dahil wala raw itong ginagawang aksyon sa panawagan ng Catholic church para mapa-stop ang Small-Town Lottery (STL) na inu-operate ng mga Chinese sa lungsod.


Dapat kumilos na si Mayor Along sa panawagan sa kanya ng Catholic church kasi kung patuloy niya itong dededmahin, iyang STL ng mga Chinese ang magiging sanhi ng pagkatalo niya sa pagka-alkalde ng Caloocan City, period!

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Apr. 21, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

DEDMA LANG SI VP SARA SA IMPEACMENT SA KANYA, ALAM NIYANG IPAPA-STOP NG SC DAHIL SA TEKNIKALIDAD -- Sinabi ni Atty. Romy Macalintal na dahil sa desisyon ni Senate Pres. Chiz Escudero na sa July 2025 pa uumpisahan ang impeachment trial kay Vice Pres. Sara Duterte-Carpio, malaki raw ang posibilidad na dahil sa teknikalidad ay ipapabasura ng Supreme Court (SC) ang impeachment case laban sa bise presidente.


Isinampa raw kasi ng Kamara ang impeachment case kay VP Sara sa panahon ng 19th Congress na kinapapalooban ng mga senador na nagwagi noong 2022 elections kaya’t dapat daw ang mga senador na nakasama rito (19th Congress) ang didinig sa naturang kaso, at hindi ang mga bagong mahahalal na senador na mag-uumpisang manungkulan sa 20th Congress sa pagsapit ng July 1, 2025.


Kaya naman pala parang dedma lang si VP Sara sa impeachment case sa kanya dahil alam na niya na kapag humirit siya sa SC na ipabasura ang impeachment case sa kanya dahil sa teknikalidad ay awtomatik, ipapa-stop ng SC ang impeachment laban sa kanya, period!


XXX


FAKE NEWS ANG IKINALAT NOON SA SOCIAL MEDIA NA BABAYARAN NI BBM ANG UTANG NG BANSA ‘PAG NAGING PRESIDENTE SIYA, MAS LALO PANG NABABAON NGAYON SA UTANG ANG ‘PINAS -- Sa ulat ng IBON Foundation, sa loob lang ng 32 buwan sa puwesto ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ay nakautang na ang administrasyon nito ng higit P4.64 trillion sa iba’t ibang financial institutions sa mundo.


Patunay iyan na fake news lang ang ikinalat sa social media ng mga Marcos loyalist noong 2022 presidential election na babayaran ni Marcos, Jr. ang lahat ng utang ng Pilipinas kapag siya ang nanalo at naging presidente, kasi nang maging Pangulo, lalong nabaon sa utang ang Pilipinas dahil sa kauutang ng Marcos administration, boom!


XXX


KAHIT NAKAKULONG, TODO-KAMPANYA PA RIN SI EX-PDU30 SA KANYANG MGA KANDIDATO SA PAGKA-SENADOR -- Sa paglabas ni Honeylet Avancena sa compound ng International Criminal Court (ICC) jail matapos niyang dalawin ang partner niyang si ex-PDu30 ay sinabi nito sa mga tagasuporta ng dating pangulo na ang bilin daw ng ex-president, dapat vote straight ang mga Duterte Diehard Supporters (DDS) sa mga kandidato ng PDP sa pagka-senador.


Diyan makikita na kahit nakakulong, todo-suporta at nagagawa pa rin ni ex-PDu30 na mangampanya para maipanalo ang 10 niyang kandidato sa pagka-senador, period!


XXX


31% DAW GUMINHAWA ANG PAMUMUHAY SA MARCOS ADMIN? PARA NAMANG FAKE SURVEY IYAN -- Sa inilabas na survey ng SWS ay 31% daw ng mga pamilyang Pinoy ang nagsabi na gumanda raw ang kanilang pamumuhay sa Marcos admin.


Walang duda, fake survey iyan kasi ang daming naghihirap na mga Pinoy sa taas ng presyo ng mga bilihin at bayarin, tapos iaanunsyo ng SWS na maraming pamilyang Pinoy na ang guminhawa raw ang buhay sa ilalim ng Marcos admin, boom!


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Apr. 17, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

SA PAGKALIGAW NG LANDAS, SUNDIN KAYA NI PBBM ANG PANGHIHIKAYAT SA KANYA NG ATE IMEE NA MAGMUNI-MUNI NGAYONG SEMANA SANTA? -- Ngayong Semana Santa ay hinikayat ni Sen. Imee Marcos ang kanyang kapatid na si Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na magmuni-muni dahil hindi na raw tama ang tinatahak na landas ng administrasyon nito.


Ang tanong: Sundin naman kaya ni PBBM ang payo sa kanya ng kanyang Ate Imee? Abangan!


XXX


NILAMPASO NI VP SARA SA SURVEY SINA PBBM, SP ESCUDERO AT SPEAKER ROMUALDEZ -- Sa latest survey na inilabas ng Pulse Asia patungkol sa apat na matataas na opisyal ng bansa ay nilampaso ni  Vice Pres. Sara Duterte-Carpio sa rating sina PBBM, Senate President Chiz Escudero at Speaker Martin Romualdez.


Nakakuha si VP Sara ng mataas na marka sa performance rating na 59%; pumangalawa si SP Escudero sa rating na 39%; pumangatlo lang si PBBM sa rating na 29% at kulelat si Speaker Romualdez sa rating na 14%.


Patunay ang survey na iyan na sa kabila ng samu’t saring mga alegasyon laban kay VP Sara ay marami pa rin sa mamamayan ang nagmamahal at nagtitiwala sa kanya, period!


XXX


SA LAKI NG LAMANG NI VP SARA KAY PBBM SA SURVEY, KAPAG NANGAMPANYA NANG TODO, TIYAK MANANALO LAHAT NG KANDIDATO NIYA SA PAGKA-SENADOR -- Sina PBBM at VP Sara ay kapwa may mga sinusuportahang kandidato sa pagka-senador.


Sa laki ng lamang ni VP Sara kay PBBM sa survey ng Pulse Asia, na kung mangangampanya nang husto ang bise presidente para sa mga kandidato niya sa pagka-senador ay malaki talaga ang posibilidad na manalo ang lahat ng kanyang kandidato, at sa kabilang banda, malaki rin ang posibilidad na walang mananalo sa mga kandidato ni PBBM, boom!


XXX


APAT NA ARAW NA STOP MUNA KURAKUTAN, PAGKATAPOS NG SEMANA SANTA BALIK NA NAMAN SA PANGUNGURAKOT ANG MGA KURAKOT -- Ngayon ay Huwebes Santo na, at bukas ay Biyernes Santo at saka sunod ang Sabado de Gloria at Linggo ng Pagkabuhay kaya’t asahang sa apat na araw na iyan ay stop muna ang korupsiyon sa gobyerno.


Ang dahilan kaya stop muna ang mga kurakot sa pangungurakot ay dahil walang transaksyon sa gobyerno ng Huwebes Santo at Biyernes Santo at wala rin pasok sa Sabado de Gloria at Linggo ng Pagkabuhay.


After ng Semana Santa, o pagsapit ng Lunes o April 21 ay dahil may pasok na, may transaksyon na sa gobyerno ay asahan nang balik na naman sa kurakutan ang mga tiwali sa pamahalaan, tsk!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page