top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | October 1, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


INABANGANG ‘PASABOG’ NI SEN. ESCUDERO, WALANG NABULAGA -- Inabangan ng publiko ang sinabi ni Sen. Chiz Escudero na mayroon daw siyang "pasabog" sa gagawin niyang privilege speech.


Ito na ang siste, nang mag-privilege speech na si Sen. Chiz, wala namang nabulaga sa kanyang pasabog dahil nga ang sinabi niyang si Leyte Rep. Martin Romualdez ang nasa likod ng impeachment kay Vice Pres. Sara Duterte-Carpio ay matagal nang alam iyan ng publiko, nang aprubahan ng Kamara noong Feb. 5, 2025 ang mga articles of impeachment laban sa bise presidente ay alam na ng mamamayan na ang dating House Speaker ang pasimuno nito.


Maging ang sinabi ni Escudero patungkol sa kickback nina Cong. Romualdez at resigned Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co ay alam na rin ng publiko, dahil nga sinabi na rin ito ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya, at ni ret. Sgt. Orly Guteza sa hearing ng Senate Blue Ribbon Committee.


Dahil mga lumang isyu na ang "pinasabog" ni Sen. Chiz, nabuwisit na naman sa kanya ang netizens, pinutakti siya ng pamba-bash sa social media, boom!


XXX


DAHIL SA CLOSED-DOOR HEARING, PINAGDUDUDAHAN NA NGAYON ANG IMBESTIGASYON NG ICI SA MGA SANGKOT SA FLOOD CONTROL PROJECTS SCAM -- Pinagdududahan ngayon ng publiko ang isinasagawang imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa mga sangkot sa flood control projects scam dahil sa desisyon ng komisyon na gawing closed-door ang kanilang hearing.


Dapat atasan ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ang ICI na isapubliko ang hearing para makita ng publiko kung sino ang mga guilty at hindi guilty sa mga isinasangkot sa flood control projects scam, period!


XXX


MAY MGA ‘GHOST’ FLOOD CONTROL PROJECT NA, MAY MGA ‘GHOST’ FARM-TO-MARKET ROAD PROJECTS PA! -- Ibinulgar ni Sec. Francisco Tiu Laurel ng Dept. of Agriculture (DA) na may nadiskubre raw siyang mga "ghost" farm-to-market road projects worth P75 million sa Mindanao.


Grabe na talaga ang kurakutan sa Pilipinas, mantakin n’yo, may "ghost" flood control projects na, may "ghost" farm-to-market road projects pa, tsk!


XXX


SINDIKATO NG OIL PILFERAGE AT OIL SMUGGLING SA CAVITE, BATANGAS AT QUEZON, DAPAT LANSAGIN NINA PNP-REGION 4-A GEN. KENNETH LUCAS AT CUSTOMS COMM. ARIEL NEPOMUCENO -- Nadagdagan ang bilang ng mga sindikato ng "paihi" o oil pilferage at oil smuggling sa Cavite, Batangas at Quezon.


Dati ay sina alyas "Dondon Alahas," "Violago," "Amang" at "Aldo" lang ang may ganitong sindikato, ngayon ay nadagdag pa na sina alyas "JP Cruz," "Madick" at "Rico."


Dapat magsanib-puwersa sina PNP-Region 4-A Director, Brig. Gen. Kenneth Lucas at Customs Commissioner Ariel Nepomuceno na lansagin ang mga sindikatong ito dahil ang raket ng mga ilegalistang ito ay malinaw na economic sabotage, period!

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | September 30, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


SANGKATUTAK NA PERA NG BAYAN NA-SCAM NG MAG-ASAWANG DISCAYA KAYA SANGKATUTAK DIN ANG KANILANG BANK ACCOUNTS -- Nasa 427 bank accounts na may kabuuang P180 billion ng pamilya Discaya ang ipina-freeze na ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).


Patunay iyan na kaya sangkatutak ang bank accounts ng pamilya Discaya ay dahil sangkatutak din ang kanilang na-scam sa pera ng bayan, buset!


XXX


‘SUPOT’ ANG ‘PASABOG’ NI MARINE RET. SGT. GUTEZA, MAS PINAG-USAPAN ANG PAGIGING KOMEDYANTE NIYA SA SENADO, AT PEKENG AFFIDAVIT KAYSA SA ALEGASYON NIYANG KICKBACK NI REP. ROMUALDEZ -- Nang tawagin ni Sen. Rodante Marcoleta ang kanyang "surprise witness" na si retired Marine Sgt. Orly Guteza  noong September 25, 2025 sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee na magli-link kay Leyte Rep. Martin Romualdez sa pagtanggap ng kickback kay Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co kaugnay sa flood control projects scam, inakala talaga ng lahat na matinding “pasabog” ang ibubulgar nito sa publiko.


Ang problem, ang "pasabog" ni Guteza ay "supot" dahil nakita ng publiko na bukod sa nagkakandautal na ito sa kanyang binabasang salaysay, naging katatawanan pa siya sa Senado at pinagtawanan din siya ng publiko nang dalawang beses siyang pagalitan ni Sen. Marcoleta dahil naging kulang-kulang ang kanyang statement, at kalaunan ay nabulgar pa na peke ang kanyang affidavit matapos sabihin ni Atty. Petche Espera na pineke ang lagda niya sa notaryo ng salaysay ng retired Marine soldier.


Sablay talaga ang "pasabog" ni Guteza dahil imbes ang pag-usapan ng publiko ay ang pagtanggap umano ng kickback ni Cong. Romualdez mula kay Cong. Zaldy Co, eh ang mas pinag-usapan ng mamamayan ay ang peke niyang affidavit at pagiging "komedyante" sa pagdinig sa Senate Blue Ribbon Committee, boom!


XXX


MALI-LINK TALAGA SI REP. ROMUALDEZ SA KICKBACK DAHIL SA RAMI NG MGA KONGRESISTA, SI ZALDY CO NA KONTRAKTOR PA ANG GINAWA NIYANG CHAIRMAN NG HOUSE COMMITTEE ON APPROPRIATIONS -- Sa totoo lang, hindi naman talaga maiiwasan na maikonek si Cong. Romualdez sa sangkatutak na flood control projects na isiningit ni Cong. Zaldy Co sa 2025 national budget.


Sa dinami-rami kasi ng mga kongresistang puwedeng maging chairperson ng House Committee on Appropriations, eh mantakin n’yo, ang kontratistang kongresista pa na si Zaldy Co ang inilagay niyang mamuno sa makapangyarihang komite na ito (Appropriations) sa Kamara noong 19th Congress, at nang sumabog ang isyung flood control projects scam ay mantakin n’yo kara-karaka ay binigyan agad niya ito (Zaldy Co) ng travel authority para makapuslit palabas ng ‘Pinas, na sa ngayon ay palipat-lipat na ng bansang pagtataguan, buset!


XXX


PALUSOT NG MGA ‘LINGKOD-BAYAN’ NA KAPAG NABISTO NG PAGNANAKAW SA KABAN NG BAYAN, NAGKAKASAKIT AT NAGPAPAGAMOT SA ABROAD TULAD NINA ZALDY CO AT COA COMM. MARIO LIPANA -- Hindi lang si Cong. Zaldy Co ang nasa labas na ng bansa, kundi pati si Commission on Audit (COA) Commissioner Mario Lipana na isinangkot ni Dept. of Public Works and Highways (DPWH) former Usec. Roberto Bernardo sa flood control projects scam dahil nanghingi raw ito ng mga “proyekto” para sa misis niyang kontratista na si Malou Lipana.


Pareho ang alibi nina Cong. Zaldy Co at Comm. Lipana sa paglabas ng bansa, ang kongresista ay para raw magpagamot sa Amerika, na kalaunan ay nalaman na kung saan-saang bansa na raw ito nagtutungo para magtago, at sa parte naman ng komisyoner (Lipana), kaya umalis ng ‘Pinas para naman daw magpagamot sa Singapore.


Ganyan ang palusot ng mga ‘pekeng’ lingkod-bayan, na kapag nabisto ng pagnanakaw nila sa kaban ng bayan, mga nagpapanggap na nagkakasakit, lalabas ng bansa para raw magpagamot, pero ang katotohanan ay para magtago, mga pwe!



 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | September 29, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


WALANG IBANG DAPAT SISIHIN KUNG BAKIT NAGKA-PARTYLIST ANG MGA KONTRAKTOR, TRAPO AT POLITICAL DYNASTY, KUNDI ANG SC AT COMELEC -- Dahil sa pagkakabulgar ng flood control projects scam, nabulgar din na karamihan sa mga partylist representatives sa Kamara ay mga kontraktor, mga trapo at mga political dynasty na nagkamal sa kaban ng bayan na nasa Dept. of Public Works and Highways (DPWH).


Walang ibang dapat sisihin diyan kung kaya nakapagnanakaw sa kaban ng bayan ang mga kontraktor na may mga partylist kundi ang Supreme Court (SC) at Comelec.


Sa ilalim ng 1987 Constitution, nakasaad dito ay ang mga maaaring lang lumahok sa partylist election ay iyong mga marginalized sectors, pero noong April 2013 ay naglabas ng desisyon ang SC na puwede nang lumahok sa halalang pang-partylist ang mga political party at mga grupo na hindi kumakatawan sa mga sektor ng lipunan, at pagkaraan niyan ang ginawa naman ng Comelec ay tanggap nang tanggap ng mga partylist na lalahok sa halalan, mga partylist ng mga kontraktor, mga partylist na ang nasa likod ay mga trapo at political dynasty, tsk!


XXX


KUNG AKTIBONG SUNDALO PA ANG NASA LIKOD NI RET. SGT. GUTEZA NA NAG-LINK KAY MARTIN ROMUALDEZ SA KICKBACK, INDIKASYON IYAN NA MAY KAWAL NG PAMAHALAAN ANG DISKUNTENTO SA MARCOS ADMIN -- Sa interview ni Pinky Webb kay former Congressman Mike Defensor ay sinabi nito na isang kaibigang sundalo raw ang nagdala sa kanya kay ret. Marine Sgt. Orly Guteza, dating security consultant ni Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co at ito (Guteza) raw ang magpapatotoo na nagpapadala ang partylist representative ng kickback kay Leyte Rep. Martin Romualdez at dahil diyan ay ipinakilala ng dating congressman kay Sen. Rodante Marcoleta ang retired soldier na naging surprise witness sa Senate Blue Ribbon Committee.


Hindi pinangalanan ni Defensor ang kaibigan niyang sundalo, hindi rin niya sinabi kung aktibo pa ito sa serbisyo o retirado na.


Iyan ngayon ang dapat alamin ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief, Gen. Romeo Brawner kung nasa active service pa ang sundalong nasa likod ni Guteza dahil kung nasa serbisyo pa, indikasyon ‘yan na may kawal ng pamahalaan ang diskuntento sa Marcos administration, period!


XXX


PANG-AASAR NI SARAH DISCAYA NANG MAG-HEART FINGER SA MEDIA, INDIKASYONG HINDI SIYA NAGSISISI SA GINAWA NILANG ‘PANG-I-SCAM’ SA KABAN NG BAYAN -- Binatikos na naman ng publiko ang kontraktor na si Sarah Discaya dahil mistulang inaasar pa nito ang mamamayan nang mag-heart finger siya sa mga mamamahayag na nag-aabang sa kanya sa Dept. of Justice (DOJ).


Mababatikos talaga siya dahil ang inasal niyang ito ay pagpapakita na wala siyang pagsisisi sa ginawa niya at ng kanyang mister na si Curlee Discaya na ‘pang-i-scam’ sa kaban ng bayan, pwe!


XXX


RAKET NA ‘DICE’ NG RETIRED GENERAL SA TUGUEGARAO CITY DAPAT IPA-RAID NI COL. DARWIN URANI -- Isang retiradong heneral daw ang kasosyo sa raket na "dice" na nambibiktima sa residente ng Tuguegarao City.


Dapat aksyunan agad ito ni City Chief of Police, Col. Darwin Urani, ipa-raid niya ang puwesto ng "dice" na ito para matigil na ang raket ng retired general sa kanyang jurisdiction, period!


 
 
RECOMMENDED
bottom of page