top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | October 4, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


KUNG MAY MGA NAMATAY SA BAHA SA MGA LUGAR NA MAY FLOOD CONTROL PROJECT ‘GHOST’ AT ‘SUBSTANDARD’ ANG MAG-ASAWANG DISCAYA, DAPAT SAMPAHAN DIN SILA NG KASONG RECKLESS IMPRUDENCE RESULTING TO HOMICIDE -- Ibinulgar ni Sec. Vince Dizon ng Dept. of Public Works and Highways (DPWH) na 1,214 flood control projects ang nakopo ng mga construction firms ng mag-asawang Curlee Discaya mula year 2016 hanggang 2025 at ang lahat ng mga “proyekto” nilang ito ay substandard, iniwang nakatiwangwang at mayroon din mga “ghost” project.


Dapat alamin ng mga otoridad kung may mga kababayan tayong mga namatay sa baha sa mga lugar kung saan may “ghost” flood control project, “iniwang nakatiwangwang” at “substandard” projects ang mag-asawang Discaya, at kung sakaling meron at marami, dapat bukod sa malversation of public funds, dapat sampahan din ng kasong multiple reckless imprudence resulting to homicide ang mag-asawang scammer na ito, period!


XXX


SAGAD SA BUTO ANG KASAMAAN NG MAG-ASAWANG DISCAYA, PROYEKTO SA DOH PARA SA HEALTHCARE NG MAMAMAYAN GINAWANG 'GHOST' HOSPITAL AT 'GHOST' HEALTH CENTER -- Ibinulgar din ni Sen. Sherwin Gatchalian na marami ring proyektong nakuha ang mag-asawang Discaya sa Dept. of Health (DOH) na natuklasang mga "ghost" hospital at "ghost" health center.


Sagad talaga sa buto ang kasamaan ng mag-asawang Discaya, kasi mantakin n’yo, pati ang para sa health care ng mamamayan, in-scam pa, mga pwe!


XXX


DAMI NA NGANG KONGRESISTANG KONTRAKTOR SA KAMARA, DINAGDAGAN PA NG COMELEC -- Ang isa sa mga bagong miyembro ng Kamara na iprinoklama ng Comelec bilang kapalit ng na-reject na Duterte Youth Partylist, na si Ang Probinsyano Partylist Rep. Alfred Delos Santos ay mula sa pamilya ng mga kontraktor.


Pambihira talaga ‘tong Comelec kasi mantakin n’yo, ang dami na ngang mga

kongresistang kontraktor sa Kamara, dinagdagan pa, buset!


XXX


SEN. JINGGOY ESTRADA, HINDI NA SAFE SA FLOOD CONTROL PROJECTS SCAM, HINDI PA RIN SAFE SA 'PORK BARREL SCAM' -- Ni-reject ng Sandiganbayan ang hirit ni Sen. Jinggoy Estrada na idismis ang kaso niyang graft na may kaugnayan sa "pork barrel scam."


Kung ganu’n, bukod sa pagkakadawit ngayong flood control projects scam ni Sen. Jinggoy ay hindi pa rin pala siya "safe" sa kinasasangkutan niyang "pork barrel scam" noon, boom!


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | October 3, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


SA P207B ‘NA-SCAM’ NG MAG-ASAWANG DISCAYA, P180B LANG ANG NA-FREEZE KAYA DAPAT I-SEARCH WARRANT ANG MANSYON NILA BAKA ROON NAKATAGO ANG P27B -- Sa kuwentada ni Senate Pro Tempore Sen. Ping Lacson ay nasa P207 billion ang kabuuang pera ng bayan na nasa Dept. of Public Works and Highways (DPWH) ang ‘na-scam’ ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya mula year 2016 hanggang year 2025 sa raket nilang flood control projects scam, at ayon naman sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) ay 427 bank accounts na may kabuuang halaga na P180B ng pamilya Discaya ang kanila nang ipina-freeze.


Aba teka, P207B minus P180B, ibig sabihin may natira pang P27B, at kung wala ang halagang iyan sa bangko ay malamang itinago sa bahay.


Dapat humirit ng search warrant sa korte ang mga otoridad at halughugin ang mala-palasyong bahay ng pamilya Discaya para mabawi ang P27B na iyan dahil pera ‘yan ng bayan at hindi ng pamilya Discaya, period!


XXX


MAJORITY NG MGA SENADOR, PRO-DUTERTE PA RIN – Nasa 15 senador ang bumoto sa resolusyon na humihiling sa International Criminal Court (ICC) na pansamantalang palayain si former Pres. Rodrigo Roa Duterte (FPRRD) at isailalim ito sa house arrest (sa Davao City), tatlong senador naman ang kumontra, dalawang senador ang nag-abstain at apat na senador ang hindi nakaboto dahil absent.


Nang pagbotohan ang pag-remand o pagbalik sa Kamara ng mga article of impeachment kay Vice Pres. Sara Duterte-Carpio ay 18 senador ang pumabor at nang pagbotohan ang pag-archive sa mga kasong impeachment sa bise presidente ay 19 na senador ang pumabor.


Patunay iyan na ang majority senators sa ‘Pinas ay mga pro-Duterte, boom!


XXX


MAY PAKIALAM ANG LAHAT NG PILIPINO KAYA IMBESTIGASYON NG ICI SA FLOOD CONTROL PROJECTS SCAM DAPAT ILANTAD, HUWAG IKUBLI SA PUBLIKO -- Sabi ni Presidential Communications Office (PCO) spokesperson Usec. Claire Castro na hindi raw makikialam ang Malacañang sa desisyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na closed-door hearings sa flood control projects scam.

Ibig sabihin na "hindi makikialam" ay aprub kay Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na ikubli ng ICI ang isinasagawa nilang imbestigasyon sa mga sangkot sa flood control projects scam.


Ang lahat ng Pilipino ay may pakialam sa nabulgar na flood control projects scam dahil pera ng bayan ang kinulimbat ng mga kurakot, kaya dapat ilantad sa publiko ang imbestigasyon, huwag ikubli para walang makalusot sa mga sangkot sa pagbabakaw sa kaban ng bayan, period!


XXX


KOMITE NI CONG. RIDON ANG NAKATUKLAS NA MAY MGA SENADOR NA SANGKOT SA FLOOD CONTROL PROJECTS SCAM, KAYA DAPAT PAYAGAN NA NI SPEAKER BOJIE DY NA MAGSAGAWA ULI ITO NG IMBESTIGASYON -- Sana payagan na ni Speaker Bojie Dy ang House Infrastructures Committee ni Bicol Saro Partylist Rep. Teddy Ridon na muling magsagawa ng imbestigasyon sa mga sangkot sa mga maanomalyang proyektong pangontra sa baha.


Dapat isipin ni Speaker Dy na ang komite ni Cong. Ridon ang nakatuklas na may mga senador na sangkot sa anomalya nang ibulgar dito ni DPWH-Bulacan 1st, former Asst. District Engr. Brice Hernandez na nakatanggap ng kickback sa flood control projects scam sina Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Joel Villanueva, hanggang lumutang pa ang mga pangalan nina Sen. Chiz Escudero, former Senators Bong Revilla, Nancy Binay, resigned Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, Commission on Audit (COA) Comm. Mario Lipana.


Kung hindi dahil sa komite ni Bicol Cong. Ridon, hindi malalaman ng publiko na may mga senador na sangkot sa flood control projects scam, kaya't sana iaprub na ni Speaker Dy na magsagawa uli ng imbestigasyon ang House Infrastructures Committee sa maanomalyang flood control projects ng DPWH, period!

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | October 2, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


MALAMANG MAG-ALA NEPAL AT INDONESIA ANG PILIPINAS KAPAG SA ICI CLOSED-DOOR HEARING INABSUWELTO SI EX-HOUSE SPEAKER ROMUALDEZ -- Halimbawa na sa closed-door investigation ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ay lumabas na hindi sangkot sa flood control projects scam si Leyte Rep. Martin Romualdez kaya hindi siya isinama sa mga kinasuhan, eh sa tingin ba ng independent commission na ito na dahil secret hearing ang kanilang ginawa ay mapapaniwala nila ang publiko na hindi sangkot sa anomalya ang dating House Speaker?


Ang nais nating ipunto rito ay dapat nang isapubliko ng ICI ang kanilang ginagawang imbestigasyon para makita ng mamamayan kung sino ang mga totoong sangkot at hindi sangkot sa flood control project scam dahil kapag si Romualdez sa pamamagitan ng kanilang closed-door investigation ay inabsuwelto nila ito at hindi isinama sa mga kinasuhan, kahit pa sabihing totoong hindi ito sangkot sa flood control projects scam, siguradong magagalit ang taumbayan at iyong ayaw nating mangyari na mag-ala-Nepal at Indonesia ang Pilipinas, ay baka mangyari na, boom!


XXX


MAHIRAP PANIWALAAN NA HINDI SANGKOT SA FLOOD CONTROL PROJECTS SCAM SI ROMUALDEZ -- Si Rep. Martin Romualdez ay pinsang buo ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM), at ang pinsan na ito (Romualdez) ng Pangulo ang siyang nagtalaga sa noo’y Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co bilang chairman ng House Committee on Appropriations noong 19th Congress, at ang noo’y House Speaker Romualdez ang siyang nag-aprub sa Kamara ng year 2023, 2024 at 2025 national budgets na may mga nakapaloob na sangkatutak na flood control projects kaya’t napakahirap talagang paniwalaan na hindi sangkot sa pang-i-scam sa kaban ng bayan si Romualdez.


Gustong makita ng mga Pilipino sa pamamagitan ng live telecast ang mga magiging katanungan ng ICI members at mga kasagutan ni Romualdez kaya’t dapat isapubliko na ang ICI investigation para kung sakaling iaabsuwelto nila ang pinsan ng presidente, ay kapani-paniwala ito sa mata ng publiko, period!


XXX


DAPAT ATASAN NA NI PBBM ANG NBI AT PNP-CIDG NA MAGSANIB-PUWERSA SA PAGTULONG SA ICI SA IMBESTIGASYON SA FLOOD CONTROL PROJECTS SCAM -- Masyadong malawak, halos lahat ng mga lugar sa bansa ay may mga flood control projects at sa rami ng mga nasasangkot sa anomalya, mga pulitiko, mga kontraktor at Dept. of Public Works and Highways (DPWH) officials ay baka tapos na ang termino ni PBBM hindi pa tapos ang imbestigasyon, marami pa ang hindi nakakasuhan.


Kung nais ni PBBM na madaling matapos ang imbestigasyon ay atasan na niya ang National Bureau of Investigation (NBI) at PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na magsanib-puwersa sa pagsisiyasat at pagtuklas sa mga pulitiko, mga kontraktor at DPWH officials na sangkot sa mga flood control project scam sa kanilang mga nasasakupan, at ang lahat ng makakalap na ebidensya ay i-turnover sa ICI.


Kapag ginawa iyan ni PBBM ay tiyak madaling matatapos ang imbestigasyon, at "forthwith" o agad-agad maipapakulong ang lahat ng sangkot sa anomalya, kasi nga ang bawat region sa bansa ay may mga tanggapan ang NBI at PNP-CIDG, period!


XXX


KAILAN KAYA IPAPAHULI NINA MAYOR MALAPITAN, GEN. PROTACIO AT COL. GOFORTH ANG MGA MANGRARAKET SA CALOOCAN CITY? -- Hanggang ngayon ay tuloy pa rin ang raket na jueteng, STL-bookies at lotteng nina alyas "Carlo,"  "Oye" at "Edmond" sa Caloocan City.


Kailan kaya ipapahuli nina Mayor Along Malapitan, Northern Police District (NPD) Director, Brig. Gen. Jerry Protacio at Caloocan City chief of police, Col. Joey Goforth ang tatlong mangraraket na ito sa Caloocan City, abangan!


 
 
RECOMMENDED
bottom of page