top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 27, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


KUNG HINDI IBINULGAR NI SEN. LACSON NA SANGKOT SA KATIWALIAN SI DIST. ENGR. ALCANTARA, AT KUNG HINDI RIN IPINA-ENTRAP NI CONG. LEVISTE SI DIST. ENGR. CALALO, MALAMANG NASA PUWESTO PA ANG 2 ‘KURAKOT’ SA DPWH -- Kung hindi pa ibinulgar ni Sen. Ping Lacson sa kanyang privilege speech na sangkot umano sa katiwalian sa mga ghost project at substandard na flood control projects sa 1st district ng Bulacan si Dept. of Public Works and Highways (DPWH)-Bulacan District 1 Engr. Henry Alcantara ay hindi pa ito sisibakin ni DPWH Sec. Manuel Bonoan, at kung hindi ipina-entrap ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste ang tangkang manuhol sa kanya na si DPWH-Batangas District 1 Engr. Abelardo Calalo ay hindi pa ito sisibakin ng DPWH secretary.


Ang nais nating ipunto rito ay dapat nang ibulgar ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ang top 15 contractors na nakakopo ng sangkatutak na flood control projects, at kasunod ay ang pagbubulgar ng Presidente sa mga substandard, iniwang mga nakatengga at ‘ghost’ projects ng mga kontraktor patungkol sa mga proyektong pangontra sa baha, ang dapat namang ginawa ni Sec. Bonoan ay agad-agad nagsagawa ng imbestigasyon at pinagsisibak ang mga DPWH-district engineers na sangkot sa mga anomalya, pero hindi ito nangyari. Kaya’t mabuti na lang may Sen. Lacson na nagbulgar ng ‘katiwalian’ ni Engr. Alcantara, at may Cong. Leviste na nagpa-entrap kay Engr. Calalo kasi kung walang nangyaring ganito, malamang nasa puwesto pa ang dalawang ‘kurakot’ na district engineer ng DPWH, period!


XXX


FLOOD CONTROL ‘GHOST’ PROJECT SA BULACAN SI PRESIDENTE PA NAKATUKLAS AT HINDI ANG DPWH HEAD, KAYA DAPAT SIBAKIN NA NI PBBM SI SEC. BONOAN -- Hindi si DPWH Sec. Bonoan kundi si PBBM ang nakatuklas sa flood control "ghost" project ng SYMP Construction Trading na pag-aari ni Sally Nicolas Santos sa Baliwag City, Bulacan.


Dapat talagang sibakin na ni PBBM si Sec. Bonoan at pagkaraan ay imbestigahan din ito sa flood control project scams, kasi mantakin n’yo, Presidente pa ang nakatuklas ng “ghost” project na flood control at hindi ang DPWH secretary, boom!


XXX


ASAHAN NA NG KAMARA NA MABA-BASH NG NETIZENS KAPAG HINDI ISINAMA SA IMBESTIGASYON ANG MGA CONG. NA SANGKOT SA FLOOD CONTROL PROJECT SCAM -- Tiniyak ng Kamara na magiging transparent at patas ang isasagawa nilang imbestigasyon tungkol sa flood control project scam.


Kapag pati ang mga kongresistang nasasangkot sa flood control projects scam ay inimbestigahan din ng House Committee on Public Accounts na pinamumunuan ni Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon at pagkaraan ay inirekomendang sampahan sila ng kaso sa Ombudsman ay tiyak hahanga ang publiko sa Kamara, pero kung hindi isasama sa imbestigasyon ang mga cong. na sangkot sa katiwaliang ito, asahan na nilang puputaktihin sila ng pamba-bash ng netizens sa social media, period!


XXX


HABANG NAGPAPABIDA SI YORME ISKO SA PAGGIBA SA MGA NAKAHAMBALANG SA MGA BANGKETA, PATULOY NAMANG NAMAMAYAGPAG ANG ‘LOTTENG’ SYNDICATE SA MANILA -- Habang nagpapabida si Mayor Isko Moreno sa pagpapagiba ng mga nakahambalang sa mga bangketa sa Maynila, patuloy namang namamayagpag ang "lotteng" syndicate nina "Boy Abang," "Lorna," "Paknoy," "Dani Bukol," "Anna," " Prades," "Tonton," "Lando," "Tata Ber" at "Simbulan" sa lungsod.


‘Ika nga, hindi lang mga nakahambalang sa bangketa ang dapat gibain ni Yorme Isko, kundi pati "lotteng" syndicate na nangraraket sa mga residente ng lungsod, boom!

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 26, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


DAPAT ISABATAS NA ANG DEATH PENALTY PARA MA-FIRING SQUAD ANG MGA NANG-I-SCAM SA PERA NG BAYAN – Noong nakaraang 19th Congress ay nag-file ang noo’y Zamboanga City 1st District Rep. Khymer Olaso ng panukalang batas na patawan ng death penalty sa pamamagitan ng firing squad ang mga kurakot na politicians at gov’t. officials.


Dahil sa nabulgar na pumalo na sa higit P1 trilyon mula year 2011 hanggang 2025 ang nakurakot daw ng mga politician, gov’t. officials at mga kasabwat nilang mga kontraktor, ang panukalang batas na ito ni Olaso ay dapat buhayin ngayong 20th Congress at dapat agad-agad isabatas na ito para ma-firing squad na ang mga nagsasabwatan sa pang-i-scam sa pera ng bayan, dali!


XXX


KUNG AFTER MAINTERBYU ANG MAG-ASAWANG DISCAYA, GINAWA NINA KORINA AT JULIUS IBINULGAR ANG FLOOD CONTROL PROJECTS SCAM UMANO NG MGA KONTRAKTOR NA ITO, PINUPURI SANA SILA  AT ‘DI BINA-BASH NG NETIZENS -- Patuloy pa ring bina-bash ng netizens sa social media sina broadcast journalist/vloggers Korina Sanchez at Julius Babao kahit itinanggi na nila na kesyo wala raw katotohanan ang ibinulgar ni Mayor Vico Sotto na sila ay binayaran umano ng tig-P10 milyon para pabanguhin sa publiko ang pangalan ng kalaban niya sa pagka-alkalde ng Pasig City na si kontraktor Sarah Discaya.


Kung ang ginawa sana nina Korina at Julius nang matapos ang interbyu nila sa mag-asawang Curlee at Sarah Discaya ay nagtungo sa Dept. of Public Works and Highways (DPWH) at inalam kung saan-saang lugar may mga flood control project ang mga construction firm ng mag-asawang Discaya dahil kaduda-duda ang yaman nila, at saka nila ibinulgar na maraming anomalya umano sa ginawang proyekto ng mag-asawang kontraktor na ito, sana ay pinupuri sila at hindi pinuputakti ng pamba-bash ng mga netizens, period!


XXX


PORK BARREL SENATORS AND CONGRESSMEN BAKA MAGSIPAGKANDIDATO NA SA PAGKA-GOVERNOR AT PAGKA-MAYOR KAPAG MGA LGU NA ANG MAG-AAPRUB SA DPWH PROJECTS -- Dahil sa nabulgar na mga anomalya sa flood control projects, ang nais na mangyari ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ay idaan muna sa mga local government units (LGUs) ang mga infrastructure project ng DPWH, at bago umpisahan ang proyekto ay dapat may approval ito ng mga gobernador at mayor.


Kapag nangyari iyan, naku malamang, ‘yung mga pork barrel senator and congressmen na sabit sa mga flood control project scams ay hindi na kumandidato sa pagka-senador at sa pagka-congressman, baka lahat sila tumakbo na sa pagka-gobernador at pagka-mayor, boom!


XXX


HINDI KATANGGAP-TANGGAP NA ANG DPWH NA SANGKOT ANG MAG-IIMBESTIGA SA FLOOD CONTROL PROJECT SCAMS -- Sabi ni DPWH Sec. Manuel Bonoan ay binigyan daw siya ng direktiba ni PBBM na imbestigahan niya ang mga sangkot sa flood control projects scam at dapat daw kasuhan para managot ang mga dawit sa anomalyang ito.


Kung ganu’n, kaya pala ayaw ni PBBM magtatag ng "Fact Finding Commission" na mag-iimbestiga sa flood control project scams ay dahil ipinagkatiwala na ng Presidente kay Sec. Bonoan ang imbestigasyon dito.


Sa totoo lang, hindi ito katanggap-tanggap sa publiko dahil mali ang desisyon ng Presidente na ang departamento ng pamahalaan na nasasangkot sa umano’y katiwalian, itong DPWH pa ang pinagkatiwalaang mag-imbestiga sa flood control project scams, tsk!


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 25, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


PUMALO NA PALA SA TRILYONES NA PERA NG BAYAN ANG ‘NA-SCAM’ NG MGA “BUWAYANG” DPWH OFFICIAL, POLITICIANS AT MGA MANGRARAKET NA MGA KONTRAKTOR?! -- Sabi ni Sen. Ping Lacson na sa nakalipas na 15-taon mula year 2011 hanggang 2025 ay nasa higit P1.9 trillion na ang nailaang budget sa Dept. of Public Works and Highways (DPWH).


At dahil nga nabulgar na karamihan sa mga flood control project ay "ghost projects," substandard (tinipid sa materyales) at iniwang nakatengga o nakatiwangwang, ay lumalabas ngayon na higit trilyong pisong pera ng bayan na ang napunta sa mga “kurakot” na DPWH officials, politicians at mga kasabwat nilang mga mangraraket na kontraktor, buset!


XXX


DAPAT PATI MGA SENADOR NA SANGKOT SA FLOOD CONTROL PROJECT SCAM IMBESTIGAHAN NG KOMITE NI SEN. MARCOLETA -- Matapos sabihin ni Sen. Migz Zubiri na hindi lang dapat sa mga taga-DPWH at mga kontraktor ituon ng Senado ang imbestigasyon sa flood control project scam, kundi pati sa mga kasabwat nilang mga pulitiko, mula congressmen at senators ay dapat imbestigahan din, ay sinegunduhan ito ni Sen. Lacson na nagsabing bukod sa mga kongresista, may mga sangkot din na mga senador sa scam na ito, at ang kanyang tinutukoy ay iyong mga nagsingit daw ng pork barrel sa national budget.


Isang malaking hamon kay Sen. Rodante Marcoleta, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee ang sinabing ito nina Sen. Zubiri at Sen. Lacson, na dapat pati mga kapwa nila senador na sangkot sa flood control project ay imbestigahan ng komite niya, at kapag nagawa niya ‘yan ay siguradong hahangaan siya ng taumbayan, period! 


XXX


MULA RAW SA ‘IN-SCAM’ NA PERA NG BAYAN ANG IPINAMBILI NG MAG-ASAWANG DISCAYA SA SANGKATUTAK NA LUXURY CARS -- Sa mga kontraktor, ang mag-asawang kontratista na sina Curlee at Sarah Discaya ang naba-bash ngayon nang todo sa social media.


May dahilan naman ang netizens na i-bash ang mag-asawang Discaya dahil sa interbyu sa kanila noon nina Korina Sanchez at Julius Babao ay ipinagyabang nila ang sangkatutak nilang luxury cars, eh ‘yun naman pala hindi raw sariling pera ang ipinambili sa mga mamahaling sasakyan na ‘yan, kundi pera raw na ‘in-scam’ sa kaban ng bayan, mga pwe!


XXX


LAHAT NG SANGKOT SA FLOOD CONTROL PROJECT SCAM KAPAG KINASUHAN NA DAPAT MARATHON HEARING ANG GAWING PAGLILITIS SA KORTE PARA KULONG AGAD SILA -- Siguradong kaso ang kakaharapin ng mag-asawang Discaya at iba pang kontraktor, pati mga pork barrel senator and congressmen, at mga “kurakot” sa DPWH na mga nagsabwatan sa ‘pang-i-scam’ sa kaban ng bayan na inilaan sa flood control project.


Sana kapag nakasuhan na sila, dapat ang paglilitis sa kanila ng korte ay gawing marathon hearing para "forthwith" o agad-agad na sila ay magsasama-sama sa kulungan, period!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page