- BULGAR
- Aug 30
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 30, 2025

KUNG KUMILOS SA IBINULGAR NOON NI CONG. ANDAYA TUNGKOL SA KATIWALIAN SA FLOOD CONTROL PROJECT, SANA NOON PA MAY NAKULONG NA SA MGA SANGKOT SA PANG-I-SCAM SA MGA PROYEKTONG PANGONTRA SA BAHA -- Noong nabubuhay pa si Camarines Sur 1st District Rep. Rolando Andaya ay nanawagan siya sa Office of the Ombudsman noong January 9, 2019, na imbestigahan ang mga nasagap niyang impormasyon na may mga katiwalian daw sa mga flood control project ng Dept. of Public Works and Highways (DPWH), pero walang ginawa rito ang Ombudsman.
Kung sana inaksyunan ng Ombudsman ang ibinulgar ni Andaya, noon pa natigil ang flood control project scam, at sana noon pa may nakulong na mga kontraktor, DPWH officials at pork barrel politicians na sangkot sa pang-i-scam sa kaban ng bayan, period!
XXX
SANA TOTOONG HANDA SI PBBM NA MAGPA-LIFESTYLE CHECK AT HINDI PANG-UUNGGOY SA PUBLIKO TULAD NG GINAWA NG NAKARAANG ADMIN NA KESYO OPEN DAW SA PUBLIC ANG SALN NG NOO’Y PRES. DUTERTE PERO AYAW NAMAN IBIGAY NG OMBUDSMAN -- Matapos ipag-utos ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ang lifestyle check sa lahat ng opisyal ng pamahalaan ay hinamon siya ni Sen. Risa Hontiveros na bilang Presidente ng bansa ay dapat una raw ito na sumailalim sa lifestyle check. At ang hamon ng senadora ay tinanggap ng Malacanang na ayon kay Presidential Communications Office (PCO) spokesperson, Usec. Claire Castro ay lahat daw ng nasa executive branch, kabilang si PBBM ay magpapasailalim sa lifestyle check.
Sana hindi pang-uunggoy sa publiko ang statement na iyan ni Usec. Castro, at sana hindi tulad iyan ng ginawang statement ng noo’y presidential spokesman Harry Roque na kesyo open daw sa public ang Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN) ni dating Pres. Rodrigo Roa Duterte, pero nang may mga mamamahayag na nagtungo sa Ombudsman para kumuha ng SALN ng ex-president, ayaw ibigay ng noo’y Ombudsman Samuel Martires, boom!
XXX
MAGPA-LIFESTYLE CHECK DIN KAYA SINA VP SARA, SP ESCUDERO AT SPEAKER ROMUALDEZ? -- Handa na nga raw si PBBM na sumailalim sa lifestyle check.
Eh ang tanong: Pumayag naman kaya sina Vice Pres. Sara Duterte-Carpio, Senate President Chiz Escudero at Speaker Martin Romualdez na sumailalim din sa lifestyle check? Abangan!
XXX
DAPAT ANG KASONG BRIBERY GAWING NO BAIL -- Nakalaya na sa pamamagitan ng piyansang P150K si Batangas-DPWH District 1 Engr. Abelardo Calalo sa kasong bribery na isinampa sa kanya ni Batangas 1 District Rep. Leandro Leviste kaugnay sa tangkang panunuhol nito ng higit P3 million sa kongresista, na ang kapalit ay manahimik at huwag nang isama sa imbestigasyon ng Kamara ang P104M flood control project na in-scam umano ng isang kontratista.
Mantakin n’yo, P104M pera ng bayan ang na-scam sa jurisdiction ni Engr. Calalo, tapos nang mahuli sa panunuhol, matimbog sa entrapment operation ay P150K lang ang piyansa kaya laya agad.
Dapat pangunahan ni Cong. Leviste ang pagsulong ng panukalang batas na gawing no bail ang kasong bribery upang ang mga tulad ng DPWH district engineer na ito na nanunuhol para makapang-scam sa kaban ng bayan ay mabulok sa kulungan, period!




