top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 2, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


PARA MAGTIWALA ANG MAMAMAYAN SA ICI, ISAPUBLIKO LAHAT NG MGA SEN. AT CONG. NA MAY INSERTIONS SA BICAM -- Nawala ang tiwala ng publiko sa itinatag ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na Independent Commission for Infrastructure (ICI) dahil nagsagawa ito ng closed-door investigation sa mga sangkot sa flood control projects scam, na ‘ika nga kahit inanunsyo na ng ICI na isasapubliko na nila ang kanilang mga next hearing ay matabang pa rin ang pagtanggap dito ng mamamayan.


Kung nais ng ICI na makabawi sila ng pagtitiwala ng publiko, simple lang ang dapat nilang gawin at ito ay gumawa sila ng sarili nilang website at ilagay dito ang lahat ng mga senador at kongresista na nag-insert sa bicameral budget hearing ng mga flood control project, period!


XXX


POLITICAL FAMILY NG ESPINA SA BILIRAN, KINASUHAN NG PLUNDER, DAPAT GANYAN ANG GAWIN SA IBANG MAY POLITICAL DYNASTY NA NASASANGKOT SA KATIWALIAN, BUONG ANGKAN KASUHAN -- Isang nagngangalang Lord Allan Garcia ang nagsampa ng kasong plunder sa Ombudsman laban sa magkakapatid na sina Biliran Gov. Roger Espina, Vice Gov. Roselyn Espina-Paras, Rep. Gerryboy Espina at sa anak ni Gov. Roger na si Naval, Biliran Mayor Gretchen Espina, na ayon sa nagrereklamo ay sangkot ang pamilya Espina sa mga substandard at mga depektibong infrastructure project sa lalawigan.


Kung totoo ang alegasyon at sa huli mapatunayang guilty ang political family na ito sa Biliran ay maaari pala silang magsama-sama sa kulungan.

Aba’y iyan pala ang magandang gawin ng mamamayan sa mga political dynasty, kung may ginawang katiwalian, ang buong angkan nila, sampahan ng kasong plunder, boom!


XXX


MALA-PALASYO, MALA-MALL NA BAHAY NG PAMILYA DISCAYA KUMPISKAHIN DIN AT ISUBASTA -- Sa Nobyembre 15, 2025 ay uumpisahan na ng Bureau of Customs (BOC) ang pagbebenta sa mga smuggled na luxury cars ng pamilya Discaya.


Sana kapag ang lahat ng luxury cars ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya ay naisubasta na, ang next na kumpiskahin ng gobyerno at isubasta ay ang mala-palasyo at mala-mall na tirahan ng pamilya Discaya, kasi hindi naman nila pera ang ginasta sa pagpapagawa ng napakarangya nilang mga bahay kundi mula ‘yan sa pera ng bayan na in-scam nila, period!


XXX


PARAMI NANG PARAMI ANG MGA KURAKOT KAYA PARAMI RIN NANG PARAMI ANG MGA NAGHIHIRAP SA ‘PINAS -- Sa latest survey ng Social Weather Stations (SWS) ay 50% o kalahati ng populasyon ng pamilyang Pilipino ang nagsabi na nananatili silang mahirap sa panahon ng Marcos administration.


Dahil parami nang parami ang mga kurakot sa bansa, hindi naman talaga kataka-taka na parami rin nang paraming pamilyang Pinoy ang patuloy na nakakaranas ng hirap sa ‘Pinas, tsk!


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 1, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


MGA SANGKOT SA FLOOD CONTROL SCAM NA MAKUKULONG SA CITY JAIL AT MAG-IINARTE NA MAY SAKIT PARA MAGPA-HOSPITAL ARREST SA MGA DE-AIRCON NA PRIVATE HOSPITALS, TABLADO -- Sinabi ni Sec. Jonvic Remulla ng Dept. of the Interior and Local Gov't. (DILG) na wala raw silang paiiralin na "hospital arrest" sa mga sangkot sa flood control projects scam dahil ayon sa kanya ay may medical facility naman daw ang Quezon City jail.


Kumbaga, parang sinabi na rin ni Sec. Jonvic na sa liderato niya bilang DILG chief ay tablado ang mga flood control suspects na mag-iinarte na may sakit para magpagamot o magpasailalim sa hospital arrests sa mga de-aircon na private hospital, boom! 


XXX


SI MIKE DEFENSOR NA NAGSABING NASA PANGANGALAGA RAW NG MARINES SI RET. SGT. GUTEZA, SINUPALPAL NG NAVY SPOKESPERSON -- Sinupalpal ni Philippine Navy (PN) spokesperson, Capt. Marissa Martinez si former Anak-Kalusugan Partylist Rep. Mike Defensor sa sinabi niyang nasa pangangalaga raw ng Philippine Marines (PM) headquarters si retired Marine Sgt. Orly Guteza, ang dating sundalo na nag-link kina Rep. Martin Romualdez at former Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co sa bilyun-bilyong pisong kickback sa flood control projects scam.


Sabi kasi ni Capt. Martinez, wala raw sa headquarters ng Philippine Marines si Guteza at never daw itong kakanlungin dahil retirado na ito, ibig sabihin ay sibilyan na kaya’t wala nang kinalaman sa kanya ang Philippine Marines.

Sa maikling salita, fake news ang idinadaldal ni Defensor kaya sinupalpal siya ng spokesperson ng Philippine Navy, ang puwersa ng militar na may kontrol sa Philippine Marines, period!


XXX


MALALALIM NA ATAKE NI CONG. KIKO BARZAGA NA PINU-POST SA KANYANG SOCIAL MEDIA ACCOUNT, TILA ‘DI SIYA ANG MAY GAWA, KAPAG TINANONG ANG KAHULUGAN NG KANYANG POST, TUGON NIYA ‘MEOW, MEOW’ -- Ang mga malalalim na atakeng pinu-post sa social media account ni Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga laban kay Pres. Bongbong Marcos (PBBM), sa mga miyembro ng gabinete, mga senador at mga kongresista ay parang hindi mismo siya ang may gawa.


Dahil diyan ay lumalabas na tila totoo ang sinabi noon ni Sen. Ping Lacson na may mga gumagamit lang kay Cong. Kiko para umatake nang umatake sa social media.

Nasabi natin ito kasi kapag tinanong ng mga mamamahayag si Cong. Kiko patungkol sa mga atakeng post niya sa social media, ang kadalasang sagot niya ay "meow, meow" na hango sa "meow, meow" ng alaga niyang pusa, boom!


XXX


PATI BUDGET NG MGA MAGSASAKA SA FARM-TO-MARKET ROAD ‘IN-SCAM’ NG WALANGHIYANG ZALDY CO -- Sinabi ni Dept. of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Vince Dizon na sangkot din daw si Zaldy Co sa mga ghost at natenggang farm-to-market roads.


Ganyan kawalanghiya si Zaldy Co dahil pati pala budget sa mga proyekto para sa mga magsasaka, ‘in-scam’ niya, buset!



 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | October 31, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


SA MGA SANGKOT SA FLOOD CONTROL PROJECTS SCAM, UNANG BATCH MAKUKULONG SA CITY JAIL SINA SEN. JINGGOY, SEN. JOEL, ZALDY CO AT 3 PA? -- Inirekomenda na ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) kay Ombudsman Boying Remulla na sampahan ng mga kasong plunder at graft and corruption na may kaugnayan sa flood control projects scam sina Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Joel Villanueva, former Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co, Dept. of Public Works and Highways (DPWH) former Usec. Roberto Bernardo, Commission on Audit (COA) Commissioner Mario Lipana at Caloocan City former Rep. Mitch Cajayon.


Dahil diyan ay nakikini-kinita na ng publiko na sa mga sangkot sa flood control projects scam ay sina Sen. Jinggoy, Sen. Joel, Zaldy Co, Bernardo, Lipana at Cajayon ang unang batch na makukulong sa Quezon City jail, ang kulungang inihanda ni Dept. of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla sa mga sangkot sa pang-i-scam sa kaban ng bayan, abangan!


XXX


KAPAG NAGKATAON, SEN. JINGGOY, KULONG NA SA PORK BARREL SCAM, KULONG PA SA FLOOD CONTROL PROJECTS SCAM -- Ibinasura ng Supreme Court (SC) ang hirit ni Sen. Jinggoy Estrada na i-dismiss na rin ang kinakaharap pa niyang 11-counts ng kasong graft and corruption na may kaugnayan sa pork barrel scam, dahil ayon sa senador, ang mga kaso niyang ito (graft and corruption) ay kahalintulad din daw ng kaso niyang plunder na dinismis na noon ng korte.


Ayon sa SC, magkaiba ang mga kasong graft at plunder ni Sen. Jinggoy, na ibig sabihin na-dismiss man siya sa kasong plunder, ay tuloy pa rin ang paglilitis sa kanya sa mga kasong graft and corruption.


Naku, kapag nagkataon na guilty ang maging hatol sa korte sa mga kasong ito kay Sen. Jinggoy ay makukulong pala siya sa dalawang isyu na may kinalaman sa pang-i-scam sa kaban ng bayan, kulong na sa pork barrel scam, kulong pa sa flood control project scam, boom!


XXX


PARANG IBINIDA NG MGA TAGA-CAAP NA MGA ‘INUTIL’ SILA DAHIL WALA SILANG KAALAM-ALAM NA NAIPUSLIT NI ZALDY CO PALABAS NG ‘PINAS ANG ISANG PRIVATE PLANE AT 2 HELICOPTER -- Kinumpirma ni Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Director General Raul Del Rosario na naipuslit na ni Zaldy Co palabas ng Pilipinas ang tatlo nitong air assets. Unang naipuslit patungong Singapore noong Aug. 16, 2025 ang Gulfstream 350 private plane, magkasunod naipuslit noong Aug. 20 at Sept. 11, 2025 ang dalawang Agusta Westland helicopter na ngayon ay nasa Malaysia.


Mantakin n’yo, sa panahon na iyan ay kainitan na ng imbestigasyon sa flood control projects scam na kinasasangkutan ni Zaldy Co, tapos nagawa pa ng "tulisang" kongresista na ito na maipuslit palabas ng bansa ang kanyang tatlong air assets nang walang kaalam-alam ang mga taga-CAAP. Kumbaga, sa inanunsyong ito ni Del Rosario ay para na rin nilang ibinida sa publiko na silang mga taga-CAAP ay mga ‘inutil’ sa puwesto, mga pwe!


XXX


SA CITY JAIL DIN KAYA IPAPAKULONG NI SEC. JONVIC REMULLA SINA ATONG ANG, GRETCHEN BARRETTO AT IBA PANG SANGKOT SA MISSING SABUNGEROS -- Matapos ianunsyo ni Senior Asst. State Prosecutor Charlie Guhit ng Dept. of Justice (DOJ) Charlie Guhit na submitted na for resolution ang mga kasong kidnapping with serious illegal detention at multiple murder laban sa mga sangkot sa missing sabungeros, ay agad inatasan ni PNP Chief, Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr. ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at mga local police units na kapag may warrant of arrest na ay dakpin agad sina gambling tycoon Atong Ang, dating actress Gretchen Barretto at iba pang sangkot sa kasong ito.


Kung sakali na arestado na sila, sa city jail din kaya sila ipakulong ni DILG Sec. Jonvic Remulla? Abangan!


 
 
RECOMMENDED
bottom of page