- BULGAR
- Sep 4, 2020
ni Thea Janica Teh | September 4, 2020

Natagpuang wala nang buhay ang dating Ozamiz City councilor na si Ricardo “Ardot”
Parojinog sa detention cell nito sa Ozamiz Police Station ngayong umaga ng Biyernes.
Ayon kay PNP Chief Camilo Cascolan, “No violence was noted” sa pagkamatay ni Parojinog.
Inaasahang dadalo sana ngayong araw sa isang hearing si Parojinog sa Ozamiz City.
Iniutos na ni Cascolan sa police chief ng PNP Custodial Center security team sa ilalim ni
PLtCol Jiger Noceda at lahat ng personnel na naka-duty kagabi na sumailalim ang mga ito sa imbestigasyon.
Si Ardot ay kapatid ni dating Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog Sr. na pinatay kasama ang 15 katao sa pagsalakay ng mga pulis kaugnay sa pangangalakal ng droga ng pamilya noong 2017. Wala si Ardot nang mangyari ito.
Matatandaang nagbigay ng P5 milyong pabuya si Pangulong Duterte noong 2017 sa kung sino ang makakahanap sa pamilya Parojinog. Ito ay dahil sa mga alegasyong nakapataw dito kaugnay sa ilegal na droga.
