- BULGAR
- Mar 16, 2024
ni Angela Fernando - Trainee @News | March 16, 2024

Inaprubahan ng Israel nu'ng Biyernes ang potensyal na pagsalakay sa Gaza City of Rafah habang patuloy ding umaasa sa tigil-putukan sa pamamagitan ng planong magpadala ng isa pang delegate sa Qatar para sa mga usapin hinggil sa posibleng kasunduan sa mga bihag kasama ang grupong Hamas.
Nagpahayag ang opisina ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu na pumayag ito sa plano na atakihin ang lungsod sa timog kung saan nagtatago ang mahigit sa kalahati ng 2.3-milyong residente ng Gaza matapos ang limang buwan na mga pag-atake.
Ang mga global na kaalyado at kritiko ay nanawagan kay Netanyahu na pigilin ang pag-atake sa Rafah, sa takot ng malawakang pagkasawi ng mga sibilyan.
Giit ng Israel, ito ay isa sa mga huling tahanan ng Hamas na pinangako nilang wawakasan.
Siniguro naman nilang ma-e-evacuate ang mga mamamayan ng Gaza.
Samantala, sinabi ng White House national security spokesperson John Kirby na hindi pa nakakahanap ang United States ng plano para sa Rafah, ngunit nais nila itong makita.
Sinabi rin nito sa isang regular na briefing na ang proposal ng Hamas para sa tigil-putukan para sa mga bihag ay nakapaloob sa mga limitasyon ng kung ano ang posible.
Matatandaang nagpresenta ang Hamas ng isang proposal para sa tigil-putukan sa Gaza sa mga mediator at sa U.S., na kasama ang pagpapalaya ng mga bihag na Israeli kapalit ng kalayaan para sa mga bilanggong Palestinian, kung saan 100 sa kanila ay nagsisilbi ng panghabambuhay na sentensya, base sa isang source na nakita ng Reuters.






