- Israeli Rommelle San Miguel
- Apr 4, 2024
ni Eli San Miguel - Trainee @News | April 4, 2024

Nagbanta ang pangulo ng Botswana na magpadala ng 20,000 elepante sa Germany, dahil sa isang alitan tungkol sa pangangalaga sa kalikasan at pagbabawas sa importasyon ng mga “hunting trophies.”
Ayon sa Pangulo ng Botswana na si Mokgweetsi Masisi, dapat subukan ng mga German na mamuhay kasama ang mga elepante upang maunawaan ang isyu ng kanilang bansa.
Itinaas naman ng Germany ang posibilidad ng mas mahigpit na limitasyon sa pag-iimport ng mga hunting trophies dahil sa kanilang mga alalahanin sa pangangaso ng mga hayop ngayong taon.
Ipinaglalaban ni Masisi na kinakailangan ang pangangaso upang kontrolin ang pagdami ng mga elepante sa kanilang bansa.
Kumokontra ang Botswana, na may lumalaking populasyon ng mga elepante, sa panukala ng Germany at itinuturing itong hindi makatarungan na pakikialam sa kanilang mga usapin.
Kinikilala ang Botswana bilang tahanan ng 130,000 elepante, ayon sa African Wildlife Foundation.






