top of page
Search
  • BULGAR
  • Apr 12, 2024

ni Eli San Miguel - Trainee @News | April 12, 2024




Inihayag ng health ministry ng Peru noong Huwebes na may naitalang 117 na pagkamatay dahil sa dengue ngayong taon.


Itinuturing ang bilang na ito na tatlong beses na mas mataas kaysa sa 33 noong parehong panahon ng 2023. Umabot naman sa 135,000 ang hinihinalang kaso ng dengue.


Nitong linggo, inihayag ng gobyerno ng Peru na ipinasa na ang isang "emergency decree" upang ipatupad ang espesyal na mga hakbang sa ekonomiya para suportahan ang paglaban sa pagkalat ng sakit, na pinaniniwalaan ng mga eksperto na lalo pang pinalala ng pagbabago ng klima.


Nag-aalala na ang mga eksperto sa kalagayan sa Peru dahil nagpapakita ang kasalukuyang sitwasyon ng kakayahan ng lamok na Aedes Aegypti na magdala ng dengue sa mga bagong lugar.


Laganap ang karamihan ng mga kaso sa mga baybayin at hilagang bahagi ng bansa, kasama ang Lima.

 
 

ni Eli San Miguel - Trainee @News | April 11, 2024




Inihirit ng isang U.N. climate chief noong Miyerkules na dapat nang kumilos sa loob ng dalawang taon ang mga opisyal ng gobyerno, malalaking negosyante, at mga bangko upang pigilan ang lumulubhang climate change.


Ayon sa mga siyentipiko, mahalaga na bawasan sa kalahati ang mapanganib na greenhouse gas emissions sa 2030 upang pigilan ang pagtaas ng temperatura ng higit sa 1.5 Celsius na magdudulot ng mas labis at malubhang init.


Sinabi ni Simon Stiell, ang Executive Secretary of the United Nations Framework Convention on Climate Change, na mahalaga ang susunod na dalawang taon sa pagliligtas ng ating planeta.


"We still have a chance to make greenhouse gas emissions tumble, with a new generation of national climate plans. But we need these stronger plans, now," aniya.


Ipinanawagan niya na magdagdag ng mas maraming pondo para sa klima sa pamamagitan "cheaper financing for poorer countries, new sources of international finance such as a tax on shipping emissions, and reforms at the World Bank and International Monetary Fund."


"Every day finance ministers, CEOs, investors, and climate bankers and development bankers, direct trillions of dollars. It's time to shift those dollars," dagdag ni Stiell.

 
 

ni Eli San Miguel - Trainee @News | April 10, 2024




Pinalikas ng Russia at Kazakhstan ang mahigit sa 100,000 katao dahil sa matinding pagkatunaw ng niyebe, na nagdulot ng malubhang pagbaha sa rehiyon.


Naapektuhan ng pagbaha ang maraming bayan sa Ural Mountains, Siberia, at mga bahagi ng Kazakhstan malapit sa mga ilog tulad ng Ural at Tobol, na umabot sa pinakamataas na antas sa loob lamang ng ilang oras, ayon sa mga lokal na opisyal.


Bago matapos ang araw noong Martes, ayon sa gobernador ng rehiyon, umabot sa 9.31 metro (30.5 talampakan) ang antas ng Ilog Ural sa Orenburg, isang lungsod na may populasyon na nasa 550,000. Itinuturing na kritikal ang antas dahil lumampas na ito sa 9.30 metro.


Pangatlo sa pinakamahabang ilog sa Europe ang Ilog Ural, na dumadaloy sa Russia at Kazakhstan patungo sa Dagat Caspian.


Hindi naman agad naging malinaw kung bakit sobrang lala ng baha ngayong taon, kahit na taunang nangyayari ang pagkatunaw ng niyebe sa Russia. Ang hirit ng mga eksperto, climate change ang sanhi sa pagbaha nang mas madalas sa buong mundo.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page