top of page
Search

ni Eli San Miguel @Overseas News | Nov. 6, 2024



Photo: Kamala Harris at Donald Trump - Kamil Krzaczynski-AFP / Alex Brandon-AP


Nanalo na ang Republican na si Donald Trump sa walong estado sa halalan sa pagkapangulo ng United States nitong Martes, habang nakuha naman ni Democrat Kamala Harris ang tatlong estado at Washington, DC, ayon sa Edison Research.


Gayunpaman, nananatiling hindi tiyak ang resulta ng laban, dahil posibleng abutin ng ilang oras o araw bago matapos ang pagbibilang sa mga pangunahing battleground states.


Inaasahan ang maagang resulta, na nakatutok sa pitong swing states: Georgia, North Carolina, Pennsylvania, Arizona, Michigan, Nevada, at Wisconsin, kung saan ipinakita ng mga survey na dikit ang laban ng mga kandidato.


Pagsapit ng 8 p.m. ET, sarado na ang mga botohan sa 25 estado.


May 90 electoral votes na si Trump matapos manalo sa Kentucky, Indiana, West Virginia, Alabama, Florida, Oklahoma, Missouri, at Tennessee, habang si Harris ay may 27 mula sa Vermont, Maryland, Massachusetts, at Washington, DC.


Kailangan ng isang kandidato ng 270 electoral votes upang manalo sa pagkapangulo.

 
 

ni Eli San Miguel @World News | Nov. 5, 2024



Photo: Makikita sa larawang ito ang mga nasirang gusali sa southern port city ng Sidon, Lebanon - Mohammed Zaatari / AP


Inihayag ng Health Ministry ng Lebanon ngayong Lunes, na nagdulot ang 13-buwang digmaan sa pagitan ng Israel at Hezbollah ng higit sa 3,000 pagkamatay sa Lebanon.


Walang mga senyales na magtatapos ang digmaan, habang nagsasagawa ang Israel ng mga bagong operasyon na nakatuon sa imprastruktura ng Hezbollah sa buong Lebanon at sa ilang bahagi ng Syria, kasabay ng patuloy na pagpapaputok ng dosenang rocket ng Hezbollah patungo sa hilagang Israel.


Nagsimula ang Hezbollah na magsagawa ng mga rocket launch patungong hilagang Israel isang araw matapos ang sorpresang atake ng Hamas noong Oktubre 7, 2023, na nagpasiklab ng digmaan sa Gaza. Kaalyado ng Iran ang parehong Hezbollah at Hamas.


Mabilis na tumindi ang hidwaan noong Setyembre 23, na minarkahan ng matinding pambomba ng Israel sa timog at silangang Lebanon, kabilang ang mga timog na suburb ng Beirut, na nagresulta sa daan-daang pagkamatay at nagpalikas ng halos 1.2 milyong tao.

 
 

ni Eli San Miguel @Overseas News | Nov. 4, 2024



Photo: Oklahoma / @VALLY_BELL - X


Malalakas na bagyo at buhawi ang tumama sa Oklahoma nitong madaling-araw ng Linggo, na nag-iwan ng libu-libong tahanan at negosyo na walang kuryente.


Ayon sa mga otoridad, 11 tao ang kailangang dalhin sa ospital dahil sa mga natamong sugat. Karamihan sa pinsala ay naitala sa paligid ng Oklahoma City, ngunit may iba pang apektadong lugar sa estado.


Nagdulot ang mga bagyo noong umaga, ng mga tornado warning hanggang sa hangganan ng Arkansas. Nagdala ng malakas na ulan ang mga bagyo, na nagresulta sa rumaragasang mga pagbaha at isang sunog na dulot ng kidlat.


Mahigit 99,000 tahanan at negosyo ang nawalan ng kuryente, ngunit bumaba ito sa humigit-kumulang 24,000 sa hapon ng Linggo. Walang naitalang nasawi.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page