top of page
Search

ni Lolet Abania | June 23, 2021



Pinag-iisipan na ng pamahalaan na mag-deploy ng mga skilled workers sa Germany, ayon sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA).


Bumuo ang Pilipinas at Germany ng isang technical working group para sa mga skilled workers sa ilalim ng Triple Win Agreement. Nauna rito, ang Pilipinas ay nakapag-deploy na ng mga nurses sa Germany sa ilalim ng nasabing agreement.


“Kaya ngayon, ipa-pattern nila ‘yung ating framework for the deployment of nurses doon sa other skills nila,” ani POEA Administrator Bernard Olalia sa isang interview ngayong Miyerkules.


Sa ngayon, pinag-aaralan ng technical working group ang posibleng itakdang qualifications para sa mga skilled workers.


At dahil sa ito ay kasunduan sa pagitan ng dalawang gobyerno, ang mga interesadong indibidwal ay maaaring mag-apply sa POEA.


“Nandiyan na po lahat ng other skills like, for example, sa medical field, sa technological field, sa IT, sa accountancy, sa engineering, sa lahat pa po ng professions na available,” sabi ni Olalia.


Kapag na-finalize na ang agreement at naihain na ang kailangang trabaho, maglalabas ng advisory ang POEA kung paano at kailan maaaring mag-apply. Gayunman, nagbabala ang ahensiya sa publiko na mag-ingat sa mga illegal recruiters.

 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | May 2, 2021



Pauuwiin na ang mga Pinoy sa India na nais bumalik sa Pilipinas kapag muli nang binuksan ang mga commercial flights at kapag inalis na ang mga ipinatupad na travel ban, ayon sa ambassador sa New Delhi ngayong Linggo.


Una nang ipinagbawal ang pagdating sa bansa ng mga manggagaling sa India dahil sa paglobo ng kaso ng COVID-19 doon. Sa teleradyo interview kay Ambassador Ramon Bagatsing, Jr., aniya ay 73 na ang mga Pilipinong nagpositibo sa COVID-19 sa India.


Aniya, “Ang report na sa amin is 73… it is all over India. India is very, very huge… 73 po ang naka-record sa amin but most of them… sa aking balita, wala pa namang ganu’n kaseryoso maliban lang sa dalawang nasawi.” Ayon din kay Bagatsing, dahil sa mga ipinatupad na travel ban at walang direct flights mula sa India papuntang Pilipinas, hindi pa mapapauwi ang mga Pilipino.


Aniya, “No matter how much we want to come up with the repatriation flight, it’s extremely difficult. Logistically difficult dahil wala ngang flights na papapasukin. At ngayon, nag-order ang gobyerno natin na bawal ang India, we have to follow that. Bagama’t Filipino citizen ito, we have to follow that.” Hindi rin naman daw ganu’n karami ang mga Pinoy sa India na nais nang umuwi sa Pilipinas.


Saad ni Bagatsing, “Hindi pa naman ganu’n karami. Although, isang Pilipinong gustong umuwi, kinakailangang tulungan natin. But on the logistic side, we need at least 150 passengers to make it viable. "Sabi ni (Foreign Affairs) Secretary (Teodoro) Locsin, habang 'di pa puwede 'yan, siguro 'pag June or middle of the month, 'pag medyo okay na. But otherwise, we wait until the commercial flights to resume and then we can do that."


Samantala, noong Sabado, nakapagtala ang India ng highest record na mahigit sa 400,000 kaso ng COVID-19 sa isang araw lang. Sa kabuuang bilang, umabot na sa mahigit 19.5 million cases ang naitala sa India at higit 211,000 ang mga pumanaw.


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | April 19, 2021



Aabot sa 1,300 overseas Filipino workers (OFWs) ang maaapektuhan ng 2 linggong travel ban sa Hong Kong dahil sa bagong COVID-19 strain, ayon sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA).


Ayon kay POEA Administrator Bernard Olalia, kalahati ng 2,600 manggagawa na nakatakdang pumunta sa Hong Kong ang maaapektuhan ng naturang travel restriction.


Simula bukas, April 20, isususpinde nang dalawang linggo ang mga flights papuntang Hong Kong mula sa India, Pakistan at Pilipinas dahil sa na-detect na N501Y mutant COVID-19 strain.


Pahayag ni Olalia, “Magkakaroon ng dalawang linggo na temporary suspension of deployment dahil nga sarado ‘yung kanilang border dahil sa pandemya.


“So kalahati ng 2,600 ay hindi makakaalis. More or less nasa 1,300 ang apektado roon sa pagpunta sa bansang Hong Kong.”


Nilinaw din ni Olalia na tuloy pa rin ang pagpoproseso at issuance ng Overseas Employment Certifications (OECs) sa kabila ng ipinatupad na travel ban.


Aniya. "Kahit may border closure or temporary suspension of flights, ang ating POLO (Philippine Overseas Labor and Office), POEA ay patuloy sa pagpoproseso ng documents.


"Ibig sabihin, ang POLO, tuloy po ‘yan. Ang accreditation sa POEA, tuloy po ‘yan, kasi may 60 days na validity period ang OEC, so kahit may temporary suspension, mag-aantay sila ‘pag na-lift iyon. Kapag na-lift in two weeks' time, valid pa rin ‘yung OEC na na-issue.”


Ayon din kay Olalia, kailangang makipag-ugnayan sa private recruitment agencies ang mga maaapektuhang OFWs.


Aniya, "Ang private recruitment agency, sila po ang may coordination sa stranded OFWs. May 2016 rules na kung saan in-amend at pinalawig natin ‘yung tinatawag na monitoring at assistance sa OFWs to include ‘yung ating mga stranded.”


 
 
RECOMMENDED
bottom of page