top of page
Search

ni Lolet Abania | June 13, 2021




Isang restoran sa Quezon City ang nahuling lumabag sa health safety protocols matapos na mag-operate ngayong Linggo ng full capacity ng kanilang indoor dining sa kabila ng mahigpit na ipinatutupad na quarantine restrictions sa NCR Plus.


Lumalabas na ang restoran ay nag-accommodate ng mga customers para sa kanilang indoor dining nang 100% at wala rin itong Mayor’s Permit na nakapaskil dapat sa dining area.


Sa ngayon, ang National Capital Region at karatig-probinsiya ay nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) with heightened restrictions nang hanggang Hunyo 30.


Sa ilalim ng GCQ with heightened restrictions, ang indoor dining ay nasa 20 porsiyentong kapasidad lamang habang ang outdoor o al fresco dining ay 50% capacity.


Ayon sa mga awtoridad, ang naturang restaurant ay posibleng ipasara dahil sa ginawang paglabag. Gayunman, wala namang naging pahayag ang may-ari ng restaurant habang wala ring binanggit na iba pang detalye ang pulisya.

 
 

ni Lolet Abania | March 11, 2021




Pansamantalang ipinasara ang mga opisina ng Commission on Elections (Comelec) sa Intramuros, Manila nang dalawang linggo matapos na maitala ang pagkakahawa-hawa ng COVID-19 ng kanilang mga empleyado.


Sa isang pahayag ni Comelec Spokesperson James Jimenez, isasara ang main office at ang mga opisina ng regional election director ng National Capital Region, Region IV-A at Region IV-B mula Marso 11 hanggang Marso 24.


“We wish to assure the public, however, that work remains unhampered,” ani Jimenez.


“Preparations for the Palawan plebiscite as well as the 2022 national and local elections are underway and will continue to be undertaken by the officials and employees responsible,” dagdag pa ni Jimenez.


Hindi naman binanggit ni Jimenez ang detalye ng mga empleyadong tinamaan ng virus.


Gayunman, aniya, maaaring makipagtransaksiyon sa mga nasabing opisina sa regular na oras gamit ang kanilang official e-mail address at iba pang online communication platforms ng ahensiya.


Dagdag pa ni Jimenez, maaari ring pumunta sa official Facebook at Twitter accounts ng Comelec para matugunan ang iba pa nilang katanungan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page