ni Pablo Hernandez @Prangkahan | October 7, 2025

SABLAY ANG PABIDA NI SEN. CAYETANO SA ‘SNAP ELECTION’ DAHIL PINAGTUTULUNG-TULUNGAN NA SIYA NGAYONG I-BASH NG MGA MARCOS LOYALIST, DDS AT PINKLAWAN-DILAWAN -- Sablay ang pabidang hamon ni Sen. Alan Cayetano na magsipag-resign ang lahat ng mga nakaupong opisyal ng pamahalaan mula presidente, bise presidente, mga senador at kongresista at saka magdaos ng snap election, at aniya para manumbalik ang tiwala ng publiko sa mga gov’t. elected official ay wala raw sinuman sa mga magri-resign ang lalahok sa halalan, na ibig sabihin hindi puwedeng kumandidato sa pagka-presidente at bise presidente sina Pres. Bongbong Marcos (PBBM), Vice Pres. Sara Duterte-Carpio, Naga City Mayor Leni Robredo o kaya si Sen. Risa Hontiveros, na ang lahat ng mga incumbent senators at congressmen hindi na rin puwedeng kumandidato.
Kaya natin nasabing sablay ang statement ni Sen. Cayetano dahil pinagtutulung-tulungan siya ngayon na i-bash ng mga Marcos loyalist, Duterte Diehard Supporters (DDS) at mga pinklawan at dilawang supporters, period!
XXX
PAGBUHAY SA KINASANGKUTAN NI PBBM SA PORK BARREL SCAM NI NAPOLES, RESBAK NI MANONG CHAVIT SA MGA ATAKE SA KANYA NI USEC. CASTRO -- Kay PBBM nag-boomerang ang mga atake ni Presidential Communications Office (PCO) spokesperson, Usec. Claire Castro kay business tycoon, former Ilocos Sur. Gov. Chavit Singson.
Matapos kasing sabihin ni Usec. Castro na paiimbestigahan nila sa Dept. of Justice (DOJ) si Manong Chavit kung may nilabag ito na batas sa panawagan na mag-resign na si PBBM, at dinagdagan pa na kaya lang daw kumakampi kay VP Sara ang dating gobernador ay dahil hindi naibigay ang hinihingi nitong puwesto sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), ay agad rumesbak ang former governor, ipinakita nito ang mga news clippings noon na nasangkot din sa pork barrel scam ni Janet Napoles ang noo’y Sen. Bongbong Marcos, boom!
XXX
ATAKE NI HARRY ROQUE KAY SEN. RISA, MISTULANG INILAGLAG DIN NIYA SI SEN. ESCUDERO SA ISYU NG P142.7B INSERTIONS O AMENDMENTS SA 2025 NATIONAL BUDGET -- Inatake nang todo ni former presidential spokesman Harry Roque si Sen. Risa Hontiveros dahil naglilinis-linisan lang daw ito nang sabihin ng senadora na hindi insertions, kundi amendment ang higit P3 billion proyekto niya, dahil ayon sa dating presidential spokesman ay iisa lang daw ang kahulugan ng insertions at amendments.
Sa tema ng sinabing ito ni Harry Roque na dahil sa tindi ng galit niya kay Sen. Risa ay mistulang inilaglag na rin ng former presidential spokesman ang kaalyado niyang si Sen. Chiz Escudero.
Ang palusot kasi ni Sen. Escudero nang mabulgar na nagsingit umano siya ng P142.7 billion sa 2025 national budget ay kesyo hindi raw ito insertions kundi amendments daw, pero sa statement ni Harry Roque, iisa lang ibig sabihin ng insertions at amendments na ‘ika nga, ito ay singit sa budget, period!
XXX
SAKIT-ULO NA ANG MGA PORK BARREL SENATOR AND CONGRESSMEN DAHIL HINDI NA SILA MAKAPAGSISINGIT NG ‘PORK’ SA DPWH AT UNPROGRAMMED FUNDS -- Ayon kay SP Sotto, napagkaisahan daw nila ni Sen. Sherwin Gatchalian na huwag nang isama sa second reading ng Senado ang "unprogrammed funds" sa 2026 national budget, na ibig sabihin nito, ay tila isi-zero budget na nila ito (unprogrammed funds) sa 2026 GAA (General Appropriations Act).
Hindi man aminin ay siguradong sakit-ulo ngayon ang mga pork barrel senatos and congressmen kasi hindi na sila makapagsisingit ng pork barrel sa Dept. of Public Works and Highways (DPWH) dahil mahigpit si Sec. Vince Dizon, hindi na rin sila makapagsisingit ng "pork" sa "unprogrammed funds" dahil isi-zero budget na ito nina Tito Sen. at Sen. Gatchalian, boom!





