top of page
Search

ni Lolet Abania | August 18, 2021



Nakasamsam ang mga awtoridad ng P4.2 milyong halaga ng mga COVID-19 rapid test kits sa isang operasyon sa Pasig City kahapon, ayon sa Philippine Air Force (PAF).


Sa isang statement na inisyu ng PAF ngayong Miyerkules, nasabat ng kanilang mga ahente at mga operatiba ng Quezon City District Field Unit-Criminal Investigation and Detection Group (QCDFU-CIDG) ang 21,000 Konsung brand na COVID-19 Rapid Test Kits sa isinagawang operasyon nitong Martes.


Ayon pa sa PAF, apat na lalaki ang inaresto sa umano’y ilegal na pagbebenta ng mga test kits online. Dinala ang mga suspek sa QCDFU-CIDG habang nahaharap sa kasong paglabag sa FDA Act of 2009 in relation to FDA Advisory No. 2020-016 o ang Prohibition of Online Selling of FDA Certified COVID-19 Antibody Test Kits.


“Rest assured, the PAF will continue to work hand-in-hand with different government units to apprehend individuals who are illegally selling COVID-19 Rapid Test Kits,” pahayag ng PAF.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | March 25, 2021




Arestado ang online seller na si Paulino Ballano dahil sa pagbebenta umano ng mga pekeng mamahaling produkto, kung saan 631 piraso ng luxury bags, wallet, scarf at iba pang leather goods na nagkakahalagang P68 milyon ang nasamsam habang nagla-live selling siya sa isinagawang operasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) na iniulat ngayong araw, Marso 25.


Giit pa ni NBI Executive Officer Agent John Ignacio, “Sa unang tingin n’yo, akala n’yo, original, pero peke ito. Unang-una, ang naaapektuhan dito, 'yung brand owner. Bukod du’n, pati ating gobyerno, naaapektuhan kasi nga itong mga ito, hindi nagbabayad ng tamang buwis.”


Batay sa ulat, ang luxury brand na nakabase sa Paris, France mismo ang nagreklamo sa NBI sa pamamagitan ng isang local firm laban sa umano’y pagbebenta ni Ballano sa online ng mga counterfeited products nila.


Paliwanag pa ng NBI, dadalhin ng mga awtoridad sa korte ang lahat ng nakumpiskang produkto at hihilingin na sirain ang mga ito upang hindi na magamit.


Kinilala rin ang suspek bilang isang direktor sa teatro. Karamihan sa mga kliyente niya ay mula pa sa Taiwan, US, Canada at United Arab Emirates. Katwiran pa niya, hindi lahat ng ibinebenta niya ay peke.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page