top of page
Search

ni Jasmin Joy Evangelista | March 2, 2022



Umabot na sa 190 overseas Filipino worker ang tinamaan ng COVID-19 sa Hong Kong, ayon sa Philippine Consulate General in Hong Kong.


Ayon kay labor attache Atty. Melchor Dizon, nasa 16 na OFW ang naka-recover sa COVID-19 habang ang iba ay nagpapagaling pa sa isolation facilities.


Para sa mga OFW na hindi makabalik kaagad sa kanilang mga employer matapos ang pagkakaroon ng virus, may inilaan na boarding house ang Philippine Overseas Labor Office para sa mga ito.


Ayon pa kay Dizon, mayroong tatlong OFW na kanilang na-assist kung saan kinausap nila ang employer ng mga ito dahil nag-alangan umanong tanggapin sila matapos magpositibo sa COVID-19.


"Wala pa kaming reports na sila ay tinerminate. Ang termination dito ay kailangang i-report sa immigration. Hindi puwede 'yung basta lang ite-terminate," ani Dizon.


Sakaling mag-terminate ng OFW na nagka-COVID-19 ang employer, magbabayad ito ng penalty na HK$100,000.

 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | February 28, 2022



Nasa 35,000 overseas Filipino workers (OFWs) sa Taiwan ang qualified sa bagong permanent residency program sa naturang bansa na nakatakdang magsimula sa Abril, ayon kay POLO Taipei Labor Attaché Cesar Chavez Jr.


Ayon kay Chavez, eligible ang mga naturang OFW sa mga kondisyon na itinakda sa ilalim ng bagong Ministry of Labor measure.


Sa ilalim ng initial guidelines, maaring makakuha ng Alien Permanent Resident Certificate (APRC) ang mga foreign workers kung pasok ang mga ito sa required tenure na anim na taong pagtatrabaho sa Taiwan, bukod pa sa hiwalay na limang taon na employment.


Bago pa man ilabas ang bagong sistema na ito, pinapayagan lamang ang mga manggagawa sa manufacturing industry sa maximum na 12 taon, at ang mga empleyado naman bilang caretakers at domestic workers ay hanggang 14 na taon.


“Ito ‘yung nakikitang solusyon ng Taiwanese government, kasi may mga shortage din sila sa workers kaya pinapayagan na nilang maaaring mag-qualify ‘yung mga matatagal na dito sa Taiwan,” ani Chavez sa isang panayam.


“Ayaw na nilang bitawan ito, kaya binigyan nila ng option na pwedeng magkaroon ng permanent residency based on the length of service and upgraded skill,” patuloy niya.


Ayon pa kay Chavez, kailangang ma-reclassify o ma-upgrade ang skills ng mga manggagawa pagkatapos ng anim na taon na pagiging empleyado at kailangan ding manatili muna sila sa bansa ng karagdagang limang taon pa, o kabuuang 11 taon, bago sila maging qualified sa naturang programa.


Ngayon ay mayroong mahigit 140,000 Filipino workers sa Taiwan, 85% sa mga ito ay nasa manufacturing habang ang 15% ay mga caregivers o domestic workers.


“Gustong gusto ng mga employer dahil magagaling ang mga Pinoy diyan, kahit minimum supervision lang or kahit iwanan mo ‘yan ay naa-accomplish ‘yung trabaho, so gustong gusto tayo diyan,” ani Chavez.

 
 

ni Lolet Abania | February 27, 2022



Dalawampu’t dalawang Filipinos na apektado ng invasion ng Russia sa Ukraine ang naghihintay na ng kanilang repatriation sa bansa, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).


Sa isang tweet ngayong Linggo ni DFA Undersecretary Sarah Lou Arriola, sinabi nitong sa kabuuang bilang na Pinoy, apat ang nasa western city ng Lviv sa Ukraine, habang 13 ay nasa Warsaw, Poland, at 5 naman sa Moldova.


Ayon pa kay Arriola, anim na Pinoy na ang nakabalik sa bansa. Kinumpirma naman ni Arriola sa isang interview na ang 13 na nasa Poland ay naghahanda nang umuwi ng Pilipinas. Aniya, ang mga naturang Pinoy ay tumawid sa Polish border mula sa Ukraine at nakasama na ni DFA Secretary Teodoro Locsin, Jr.



Ipinahayag din ni Arriola na 181 Filipinos ang lumipad patungong Lviv mula sa capital city Kyiv, kung saan maraming nagaganap na sagupaan.


Ilang Pinoy naman aniya, ang ayaw na iwanan ang nasabing bansa dahil sa mga asawang nilang Ukrainians. Ayon pa kay Arriola, mayroon ding mga Pinoy household service workers sa Kyiv na nagsabing mag-e-evacuate sila kasama ang kanilang mga employers.


Ngayong Linggo (oras sa Manila), ipinahayag ni Ukranian President Volodymyr Zelenskiy na ang mga tropa ng kanilang bansa ay patuloy na lalaban sa mga Russian forces.


Una nang sinabi ng DFA na ang mga nangangailangan ng repatriation assistance ay pinapayuhang kontakin o tawagan ang Philippine Embassy sa Poland sa pamamagitan ng mga sumusunod na detalye:


• Email: (warsaw.pe@dfa.gov.ph)

• Emergency Mobile Number +48 604 357 396

• Office Mobile Number +48 694 491 663

• Philippine Honorary Consulate General in Kyiv, Ukraine -- Mobile Number +380 67 932 2588


Maaaring makontak ang DFA sa kanilang Facebook page.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page