top of page
Search

ni Nympha Miano-Ang- @Life and Style | August 20, 2021




Malaking investment ang pagkakaroon ng sariling bahay. Sa usapin ng pungsoy, ang investment na ito ay hindi lang tungkol sa pera, kundi investment na rin sa kayamanan at kalusugan ng pamilya at relasyon.


Mahalagang mapa-pungsoy muna ang tahanan bago bilhin ito, bagamat ang pungsoy kadalasan ay may kamahalan at kung minsan imposible.


Heto ang ilang pangunahing pungsoy tips kung may natitipuhang bahay na bibilhin para masabing ito na nga ang iyong dream house.


Okey, sabihin na nating the price is right, nagustuhan mo na rin ang ugali ng nagbebenta at sinabi ng ahente na marami pa silang hinihintay na iba pang interesadong bumili.


1. Tsekin ang hitsura ng kalsada. Pansinin kapag nagda-drive ka patungo sa bahay. Obserbahan ang mga kalye sa paligid ng bahay. Walang dapat na kalyeng nakatumbok sa tahanan.


2. Ang bahay ay dapat naka-concave bend sa kalye, nakapaikot dapat ang kalye sa bahay kaysa ang nakalayo ang kalsada.


3. Hindi rin dapat nakatayo ang bahay sa dead end point ng kalye.


4. Kapag nakaikot o naka-encircle din sa bahay ang kalye ay hindi maganda.


5. Ang bahay ay hindi dapat nakatabi sa dalawang kalyeng magkasalubong.

6. Wala dapat kalye sa harap at likod ng bahay.


7. Ang mga bahay na malapit sa highway, riles ng tren, runways ng airport ay hindi rin maganda.

8. Iwasan ang bahay na masikip sa trapiko ang lugar.


9. Iwasan din ang bahay na nasa ilalim o malapit sa flyover bridges. Ang mainam na bahay ay malapit sa tahimik na kalye, streams o lawa. Ang mga bahay na malapit sa malaking katubigan ay maganda, basta ang kalyeng papasukin ay hindi nakatumbok sa bahay.


10.Obserbahan ang porma ng lupa sa bahay. Ang gusali na malapit sa bangin at bundok ay nakaaapekto sa pungsoy. Isang magandang dapat gawin ay tumayo sa labas ng bahay at luminga sa paligid. Sa isang apartment, mainam na sumilip sa bawat bintana at tingnan ang view.


11. Iwasan ang bahay na pinalilibutan ng nagtatayugang gusali. Pareho rin ito sa bahay na nakaharap sa bangin at malalaking bato.


12. Tingnan ang mga matatalim na dulo ng mga istruktura tulad ng gusali, matatalim na bubungan, sunud-sunod na mountain rocks o malalaking matatalim na dulo ng iskultura sa harap ng bahay. Negatibong enerhiya ang hatid nito sa tahanan.


13. Ang mga power stations malapit sa bahay at mga linya ng kuryente na sumasalabay sa ibabaw ng bubungan ay hindi rin magandang enerhiya.


14. Ang mga gusali, lugar na naghahatid ng sakit at kamatayan, sa bisinidad ay nakaaapekto sa pangit na enerhiya sa bahay. Iwasan ang bahay na dikit sa ospital, sementaryo, hospicio o katayan.


15. Obserbahan ang sitwasyon o ugali ng mga magkakapitbahay. Ika nga ‘No man is an island.’ Gaano man kaganda ang iyong bahay, ang Qi ang nakaapekto sa paligid ng magkakapitbahay.



(Itutuloy)

 
 

ni Nympha Miano-Ang- @Life and Style | August 16, 2021




Mahal mo ang iyong Ina, pero ang kanyang pagtatalak ay nakaka-stress. Kay aga-aga pa lang ay nagbubunganga na siya kahit sabihin niyang “para sa inyo ring kapakanan ang sinasabi ko!” Para kasing nakaka-pressure ang sinasabi niya na gawin agad ang ganito at ganyang bagay, pero para sa iyo ay hindi naman gayung kadali ang lahat ng gusto niyang ipagawa.


Kapag nagtatalak siya parang gusto niya talagang obligado mo nang gawin ang gusto niya na kapag tumutol ka, tiyak na masasaktan naman siya, magtatampo at iiyak. Ang hirap ding sagkain ang kanyang pagtatalak dahil paulit-ulit. Ikaw naman ay bubulong-bulong na lang at sasabihing, “hayan, talak na naman nang talak si nanay.”


Nagtatalak siya ng paulit-ulit para mapasunod ka na wala siyang pakialam kung maririnig ka man niyang bubulung-bulong bilang pagtutol. Tapos ay makikita mo na lang ang sarili na suko na at susunod na lang dahil talak siya nang talak.


1. Iwasang makipagtalo sa Nanay. Tiyak na patuloy ka niyang tatalakan. Hindi ka kahit kailan mananalo sa pakikipagtalo sa kanya.


2. Isipin kung ano ba ang dahilan ng pagtatalak ng Ina. Marami siguro siyang concern. Baka nababahala siya at natatakot na wala siyang magagawa para matulungan ka. Maaaring takot siya na hindi napakinggan, naku, maniwala sa hindi, kaya paulit-ulit niya iyang sinasabi. Maaaring gusto ka niyang dominahin o kumbinsihin na hindi siya nawawala sa inyong buhay.


3. Iwasan ang mga bagay na nagiging dahilan para magtatalak siya.


4. Sabihan si Mommy, na pinakikinggan mo siya at narinig ang kanyang sinasabi, ina-appreciate ang mga ideya at minamahalaga ang kanyang sinasabi at may sarili kang desisyon sa iyong ginagawa.


5. Tanungin siya kung nais niyang marinig ang iyong desisyon na ginawa. Matatanggap marahil ng nanay ang iyong pagsisikap na lagi siyang importante sa iyo kaysa ang hindi siya kasali. At least mabawasan ang pag-aalala niya at pagtatalak.


6. Sabihin sa kanya na nagmamalalasakit ka. Samahan siyang maupo at pag-usapan kung ano ang kanyang ikinababahala, hindi tungkol sa mga bagay na iyong magagawa, pero ang hinggil sa bagay na kanyang ikinababahala. Sa malumanay na pag-uusap na ganito ay mababawasan kahit paano ang kanyang pagtatalak.


7. Muli sabihin sa kanya kung gaano siya kahalaga sa pag-impluwensiya at paghubog ng iyong buhay. Ito’y para hindi na siya magtatalak, marerelaks pa siya at hindi na niya siguro ipipilit na matensiyon pa.


8. Sabihin sa kanya nang mahinahon at matatag na may edad ka na at may isip na hindi habang panahon ay siya ang dumodomina ng iyong buhay, pero welcome pa rin naman sa iyo ang mga paalala niya nang paulit-ulit pero sa mahinahon nang paraan.


9. Tulungan siya na kung paano makipag-usap sa iyo nang hindi nagbubunganga. Maaaring gusto niyang bigyan ng instructions. Hindi mo siya basta mapapatigil, nanay mo siya. Pero magagawa mong masabi niya ang kanyang takot, pag-aalala at payo na mas madali mo sigurong mapakinggan.


10. Maging mapagpasensiya. Hindi naman agad mawawala ang pagbubunganga ng ina. Walang puwedeng makapigil sa kanya, bahagi kasi ng trabaho ng nanay ang magpaalala.


 
 

ni Nympha Miano-Ang- @Life and Style | July 27, 2021



Ang dami na namang winasak na bahay ng nagdaang bagyong Fabian, para silang nademolis na kahit hanapan pa ng relocation site at bigyan ng maayos na paglilipatan ay patuloy pa rin silang bumabalik sa mapanganib na lugar na kanilang kinatitirikan. Tulad din sila ng mga residenteng nasunugan kaya wala nang sariling tahanan, diyan na ngayon dapat matuto kung paano mamumuhay ayon sa pangangailangan: pagkain, masisilungan, tulog at kapayapaan ng isipan.


1. Alamin ang mga pangangailangan at estimahin kung hanggang saan ka tatagal nang wala ang iba pang kailangan. Nagugutom ka ba? Maghanap ka na ng pagkain ngayon o ipagpatuloy ang hanapbuhay. Manatiling mabuhay dahil nariyan ang pamahalaan para makatulong sa kaunting makakain at masisilungan.

2. Giniginaw na ba kayo dahil patuloy ang pag-ulan at malamig ang gabi? Makisilong muna kung saan ligtas na mahatdan at may nakahanda namang evacuation center ang pamahalaan para sa mga apektadong pamilya. Huwag basta kakalat-kalat sa kalye at baka mapagkamalang namamalimos. Kung kayang bumili ng kape ay magkape. Move on at lumaban at magpatuloy lang sa buhay.


3. Alam mong nagiba na ang iyong bahay. May lugar ba kayong mapagsisilungan? Kung ayaw ninyo sa evacuation center, mas ligtas kung makikipanuluyan sa kaibigan o kaanak kaysa ang makipagsiksikan sa center. Delikado kasi kung sa ilalim kayo ng tulay o pakalat-kalat na matutulog sa daan dahil kayo ang pinaka-karaniwang target ng mga adik, mga nambibiktimang mga loko sa kalye at iba pang mga masasamang elemento. Sikaping humanap kahit paano ng masisilungan. Hingin ang tulong ng mga awtoridad. Makiusap sa kanila, magsalita nang maliwanag at tapat, iparamdam na desperado ka. Tanungin sila kung ano ang maaaring dalhin at hindi sa pakikisilong.


4. Habang nakikitira, sundin ang lahat ng mga regulasyon at batas sa lugar. Kung may curfew ay sundin. Para na rin sa kaligtasan ninyo ang paghihigpit nila. Kung may iba kang makikilala na nakikisilong sa lugar dahil sa naging biktima ng baha, sunog o demolisyon, mainam na may makakausap ka at maging positibo sa lahat ng aspeto habang walang matitirhan.


5. Kung may posibleng trabahong maibibigay sa’yo sa lugar na iyan, mas mainam. Diyan ka makapagsisimula ng bagong trabaho at pamumuhay. Tandaang nasa desperado kang sitwasyon at kailangang tanggapin anuman ang biyayang darating sa ikalawang pagkakataon.


6. Kapag may rasyon na pagkain, maging disiplinado. Kung dapat na pumila ay pumila nang maayos, huwag makipag-agawan ng pagkain kahit sa kapwa walang tirahan at pagkain. Matutong magsalita ng pakisuyo at magpasalamat kahit kanino. Huwag basta parang gutom at galit sa lahat ng bagay. Kung kailangan ng panalangin bago kumain ay makisabay na lang sa panalangin nila kung anuman ang ritwal mo sa sariling relihiyon. Ang pagpapasalamat sa Maykapal ang siyang magpapabago sa iyong ugali at magbibigay ito sa iyo ng lakas sa araw-araw.


7.Kung ang relocation area na napuntahan ay walang pagkain, tubig at iba pang serbisyo na madaling mapuntahan, gumawa na ng paraan. Kailangang gawin ang lahat para maka-survive. Huwag mananakit ng iba o manggugulang ng kapwa. Huwag magnanakaw sa mga tindahan. Kung ang gas stations, restoran at grocery stores ay may itinatapon na mga pagkaing malapit nang masira, puwede pa itong kainin o ang tinatawag na pagpag. Tingnan kung may makita pang maayos na nakabalot at at kung hindi pa panis ay puwede pang initin na mabuti at kainin.


8. Kung may sirang sasakyan, dito na lang muna matulog. Kailangan mong pa ring may proteksiyon ka habang may nasisilungan. Maging malikhain sa paghahanap ng tamang lugar habang walang bahay, pagtiiisan ang lahat ng kayang gawin at makain. Balutin ang sarili ng kumot para maiwasang makagat ng lamok at hindi malamigan kung sakaling umuulan.


9. Maging mabuti sa ibang tao para mas matahimik ka at huwag kang maiinggit sa kapwa. Maging handa na depensahan ang sarili sakaling may ibang gumugulo pa sa iyo.

10. Maging matalino, masayahin, ngumiti at awit-awitan na lamang o sipul-sipulan ang mga pangyayari. Sa maniwala ka o hindi kapag ganito kapositibo ang iyong ugali at lakip pa ang awitin sa puso higit na maililigtas mo ang iyong sariling isipan at buhay laban sa mga desperadong pangyayari.


11.Kailangang manatiling tahimik at malayo sa iba pang masamang elemento. Tanggapin ang responsibilidad sa mga gagawin at aminin sa sarili na wala ka nang bahay ngayon. Kailangan kang magsikap ngayon kung paano aayusin ang buhay at magkaroon uli ng sariling bahay bukod sa pagkakaroon ng regular na hanapbuhay.


Alam n’yo bang marami akong kakilala na mga kabataan noon na mas lalong naging masikap ngayon at may magaganda nang bahay at sariling mga lote dahil ayaw na nilang magbalik sa dating buhay na squatter na laging ginigiba at dinedemolis. Huwag magpakatamad o madespera. Sa halip pag-ibayuhin ang espiritwal na pananaw. Ang mahalaga ay buhay ka at may pag-asa pang nag-aabang para sa tulad mo na bahay lamang ang nawala. Iyan ang kapangyarihan ng milagro. Sa kabila ng mga nangyari sa buhay, ang mga pagsubok o paghamon na iyan ay lalampasan mo rin. Marami ka pang panahon para mag-isip at maging positibo. Maging matatag sa pag-iisip. Sabihin lagi sa sarili na"Heto ako, ito ngayon ang hinaharap kong problema at kailangan kong lampasan at labanan at wala nang makakapigil pa sa akin." Palakasin ang pananampalataya at palakasin ang tiwala sa Diyos.




 
 
RECOMMENDED
bottom of page