top of page
Search

ni Nympha Miano-Ang- @Life and Style | April 7, 2022



ree

Napakaliit na lang ng bilang ng mga impektado ng COVID-19 sa bansa at nasa 377 na lang noong isang araw kumpara sa patuloy na pagdami pa ng nagkakasakit sa Shanghai, China na umabot ng 13,354 sa nakaraang 6 na araw. Salamat sa patuloy na pag-iingat ng bawat Pinoy sa sarili upang makaiwas sa nakamamatay na virus. Nakakaugalian na ang tamang pagsusuot ng facemask, madalas na paghuhugas ng mga kamay at paga-alkohol kapag nasa labas ng bahay, sumusunod sa health and safety protocol kahit saan magpunta at higit sa lahat 60% ang fully vaccinated at 10% ang boosted na sa 'Pinas.


Ang patuloy na pagbalanse rin sa tamang nutrisyon, ayon sa isang top-US based immunology expert na si Dr. Emmanuel U. Sarmiento, ngayong 2022 ang makatutulong upang mapanatiling malusog, masaya, maging aktibo at nage-ehersisyo habang nagbabalik sa dating routine ang buhay sa new normal. Isiniwalat niya ang tamang edukasyon bilang dagdag kaalaman para mapanatiling ligtas sa COVID-19 sa forum ng Boosted and Fit in the Pandemic sa Estancia de Lorenzo, The Luxe Pavilion sa San Mateo, Rizal. Ang resistensiya ng katawan kontra viruses at iba pang sakit ay nakasalalay sa pisikal na kondisyon, "Ang supplements kasi ay 'di masabing safe kasi may tinatawag tayong micronutrient malnutrition. You can feel healthy, but if your body is not taking the right amount of micronutrients from the food you eat, then you can still get malnutrition," dagdag ng kinilala ring top allergist at immunologist sa South Carolina noong 2020.


Mahalaga raw sa chemotherapy patients ang supplements na may immunity boosters maging sa nagpapagaling mula sa operasyon. Mabisa rin sa matatanda ang tamang supplements lalo na't humihina ang immunity. Epektibo rin sa pagpapalakas ng immunity ang mga sangkap na Vit. A, C, D, E, Thiamine, B6, B12,Zinc, Selenium, ginger at turmeric. Manatili rin sa pagkain ng sariwang nilulutong gulay o isda kaysa sa mga processed at packed foods para lumakas ang immune system.


Sa katunayan, nakatulong sa medical frontliners sa U.S. noong pandemya ang pag-inom ng immunoboost at ipinagpasalamat na lahat ng gumawa ng diyeta na ito ay hindi tinamaan ng COVID-19 bago pa lang nauso ang bakuna, bagamat may ilang dinapuan ng virus ay mild lang ang naging sintomas.


Pagdating sa tamang pagkain at makaiwas na madagdagan ang timbang, ayon kay Ms. Julianne Malong, malaking challenge ang pagpili ng masustansiyang diyeta. Anuman ang edad at problema sa kalusugan, nakasalalay dito ang tamang kinakain na hindi makasasama sa kalusugan. Ang sustansiyang nakukuha sa pagkain ay susi sa malusog na buhay. Simulan nang magkakain ng gulay, prutas at protina para manatili ang tamang timbang, maiwasan ang sakit sa puso at hindi tumaas ang blood sugar.


Limitahan ang pagkain ng matatamis na meryenda, kendi at softdrinks dahil nakatataba ito at delikado sa katawan. "Ang pagpapalakas ng katawan ay nagsisimula sa cardiovascular system, habang nagkakaedad dapat pleksibol ang katawan, malakas at matibay ang mental health o positibo habang aktibo," mungkahi ni coach Nix Quejada. "Ang regular na ehersisyo kahit 30 minuto bawat araw, kahit busy o abala sa trabaho, anumang oras ka available ay gawin na, tulad ng push ups, weight training, yoga, zumba, cycling or running. Sikaping makilahok sa mga healthy competition o kaya gumamit ng electronic step tracking o fitness tracking gadgets para makita ang pagka-aktibo."


Bukod sa nutrisyon, supplements at ehersisyo, ang pisikal na kakayahan at kalusugan ng isipan, ang siyang pipili para magkaroon din ng sapat na tulog, maiwasang magkasakit, hindi malululong sa alak, masigla sa pakikisalamuha at nakokontrol ang stress levels.


Ika nga, ang dahan-dahang pag-iibayo ng kalusugan mula sa maliit na paraan, ang magbibigay motibasyon na makakasanayan na habang tumatandang malakas at naipagpapatuloy ang pisikal na aktibidad kasama ng pamilya, nakakalahok sa fitness challenges, nakapaglalaro outdoors, nakagagawa pa ng gawaing bahay upang di dapuan ng COVID-19. Tanging ikaw lamang sa iyong sarili ang magbibigay ng positibong pagbabago sa buhay.


Panghuli, sa rami ng dumaranas ng pag-aalala o anxiety tulad ng ilang celebrities, ang meditation na isang sinaunang praktis ang epektibo para pampakalma, mapayapa at mabalanse ang emosyon at isipan. Ang meditasyon o mind-body therapies ay nakatutulong kontra anxiety, stress, fatigue, nagpapaganda ng mood, pampasarap matulog at nagpapaibayo sa kalidad ng buhay.

 
 

patuloy na ipinagluluksa ng naiwang mga anak



ni Nympha Miano-Ang- @Life and Style | December 02, 2021



ree


Parang pinagsakluban ng langit at lupa ang isang anak na labis ngayong nangungulila dahil sa magkasunod na pagpanaw ng kanyang mga magulang gawa ng komplikasyon sa COVID-19.

“Nagsimula ang lahat the day after my Father's birthday. August 10, 2021 ang birthday ni Dad.


Kinabukasan, nagka-fever na siya, akala namin dahil lang naambunan siya. On and off na ang fever niya and napansin ko na yellowish na ang kulay niya. Maybe dahil may kidney failure siya, naging normal na kasi sa amin na ganu’n siya dahil sa sobrang dami ng iniinom niyang gamot for his kidney, HB, diabetes etc. August 13, pati ako nilagnat, then sunod ‘yung mommy ko naman,” bungad na kuwento ni Dixie Takahashi Sagusay, bunso sa tatlong anak nina Thomas Laongan Antonio, 67 at Maria Delia Takahashi Tano Antonio, 61, na tubong Nueva Ecija.

“We were tested positive in antigen test, nagka-mild stroke ako, pero siguro dahil malakas ang resistensya ko, naka-recover ako agad, but my parents did not. Dinala ko silang dalawa sa hospital knowing na pati ako in pain pa noong August 19. Both confined, not allowed ang bantay. My father’s doctor called us, telling na he needs an emergency dialysis, ang sabi raw ng daddy ko ay tawagan kaming mga anak para kami ang magdesisyon.”


“Pero alam ko from last year pa nagsabi na siya sa akin na he will never undergo on a dialysis… never! Sinabi lang niya siguro sa doctor ‘yun para may maisagot lang siya. So, we made the decision na, ‘Sige, doc, kung ‘yan lang ang way na mapagaan ang karamdaman ng daddy namin, do it!’, pero hindi pa rin pumayag si daddy. Nilabanan niya ‘yung sakit niya nang mano-mano. Walang armas, walang dialysis. Ang tapang niya, ang tapang-tapang niya.


August 23, we stayed outside the hospital, du’n kaming tatlong magkakapatid natutulog.


Habang ang mga magulang namin ay both confined, si mommy nasa 5th floor while daddy is in the 7th floor.


Kumpleto kami, hindi nga lang kami magkakatabi. August 24, 6:00 am, nagpunta kami ng kapatid ko sa kung saan namin puwede dalhin ‘yung mga gusto namin ipaabot na gamit sa magulang namin. Du’n na namin nalaman na August 23 pa lang nang 7:00 pm, expired na ang daddy namin. Walang tawag mula sa mga doctors o staff. We were outside of the hospital lang.”


“Bakit hindi nakarating sa amin na wala na ‘yung father namin? Gumuho ang mundo namin, hindi namin alam kung paano i-comfort ang isa’t isa. Sobrang sakit, umiiyak kaming magkakapatid habang ‘yung mommy namin nasa 5th floor at lumalaban pa rin, gustong-gustong mabuhay."


“We have no choice kundi ipa-cremate si daddy. We were hoping that time na makaka-survive ‘yung mommy namin, siya ang inaasahan namin na mag-decide, whether dalhin sa cemetery ang urn ni daddy or stay sa bahay.”

ree

Idinagdag ng 34-anyos na si Dixie na lutang na lutang na ang kanilang isipan na magkakapatid sa ospital. Yumao ang kanilang ama na hindi nasabi sa kanilang ina dahil sa takot na puwedeng mangyari sa kanya. Walang kasama sa loob ng silid niya. “Because we were not allowed. Wala kaming communication to tell mommy na wala na si dad. Pero I know in my heart na ramdam na ni mommy ‘yun. Alam ko na alam na ni mommy. But after 15 days, pati siya tuluyan na ring namaalam. Can you imagine how we feel that time? And even up to now, ‘yung mawalan ka ng mga magulang, sobrang sakit na. How much more ‘yung mawala silang magkasunod, 15 days lang ang pagitan? Sobrang sakit, sobrang hirap!”

Sa puntong pinansiyal aniya, “Hindi kami pinabayaan ni Lord. May savings kami, may mga kaibigan, pamilya na tumulong sa amin. Pero sa panahong ‘yun, para sa akin, walang kuwenta ang pera. Walang nagawa ang pera para madugtungan ang buhay ng mga magulang ko.


Walang mayaman, walang mahirap sa COVID.”

“Dumating ako sa punto na natanong ko kung totoo bang may Diyos? Alam ko, kasalanan 'yun na matanong kung totoo ba Siya, natanong ko dahil sa sobrang sakit ng mga nangyari.


Patawad, Lord. Wala naman akong nakalimutang sabihin sa kanila, palagi ko naman sinasabi na mahal na mahal ko sila. Alam ko na ramdam nila ‘yun. Hanggang sa huling hininga nila, inilaban namin. Araw araw pa rin akong umiiyak, araw-araw iniisip ko ‘yung mga nangyari.”

Posible aniyang mula sa isang bisitang may virus nahawa ang kanyang ama noong kaarawan nito, “Yes, tinanong ko directly ‘yung tao. Siyempre, she will deny it, but no matter what, wala na, eh. Hindi na maibabalik ‘yung buhay ng parents ko. Sana lang, mas doble o triple ang naging actions niya bilang isang affected ng virus para hindi na nakahawa. Wala siyang konsensiya. Violator talaga siya, eh, hindi ko na naisip pa na mai-report siya kasi mas nauna siyang na-hospitalize after ng birthday ng dad ko, at saka naman na-confine ang parents ko. My dad has a lot of illness. My mom has her pneumonia and heart enlargement.”

Marami pa sanang plano silang magkakapatid para sa kanilang yumaong ama at ina, “May maayos naman kaming trabaho. Hindi man namin ma-afford ang mga mamahaling bagay na maibigay sa kanila dahil may mga kani-kanya rin kaming obligasyon sa sariling pamilya, pero ginagawan namin ng paraan lahat para sa mga magulang namin.”

Bilang isang sports enthusiast at marathoner, tibay ng puso at pagdarasal ang tanging kinakapitan ni Dixie upang maging matatag sa magkasabay na pagkawala ng kanyang magulang. “Being a survivor, walang ibang dapat gawin kundi ang magpakatatag.


Nangungulila ako, hinahayaan ko lang na maramdaman ko ‘yung sakit. Hindi ko pipilitin ang sarili ko na maka-move on dahil ang pagmo-move on, kusang mararamdaman ‘yan, hindi ‘yan puwedeng idikta sa sarili.


Dasal ko sa Diyos na gabayan ang mga magulang ko patungo sa lugar na dapat nilang kalagyan. Alalayan kaming mga naulila, bigyan ng lakas at panatilihing malusog at ligtas ang mga pangangatawan.”


 
 

ni Nympha Miano-Ang- @Life and Style | August 31, 2021



ree

Nitong mga nakaraan, may ilang mga paalala na naman tao sa ating mga kababayan na balak maging botante sa susunod na halalan. Baka nakakalimot na naman tayo sa mga dapat na maging batayan natin sa pagpili para hindi tayo magsisi sa huli. Heto uli at may tips tayo na dapat ninyong isaalang-alang mabuti, bago uli magluluklok ng karapat-dapat para sa inyo na maging isang pinuno ng bayan.


Napakahalaga sa tuwing boboto ng isang kandidato sa halalan, kilala mo kung sino ang iyong pipiliin. Kahit sinong pulitiko kapag gustong magsalita o kumampanya sa telebisyon, sa social media man o magpalabas ng advertisement ay gagawin niya. Pero alam mo na ang pinakamabilis at pinakamadaling paraan para mapag-aralan ang sinseridad ng isang pulitiko ay sa pamamagitan ng mabuting pagsusuri sa voting record nito. Heto ang ilang madaling hakbang para mapag-aralan ang voting record ng kandidato.

1.Pag-aralang mabuti ang grupo o partido na kanyang kinaaniban. Halimbawa, puwedeng subukan na hanapin sa website ang mga partido pulitikal na aktibo ngayon sa bansa. Hindi na natin babanggitin ang mga pangalan na iyan at hindi na natin iisa-isahin dito upang hindi tayo maging bias sa sinumang kandidato. Kung trapo ang isang pulitiko ay bigyang pansin muna ang mga bagong kumakandidato. Hindi porke sikat, mayaman at maimpluwensiya ay puwede na. Tandaan na nasa iyong mga kamay bilang mayoryang edukadong Pilipino ang kinabukasan ng ating bayan.


2. Tawagan ang opisina niya at magtanong sa bagay na gusto mong linawin hinggil sa kanyang pamumuno. Subukan din na humingi ng tulong kung alam mong siya ang makapagbibigay ng tulong sa iyong pangangailangan lalo na ngayong pandemya.

Hindi ka man gaanong nakuntento sa impormasyon na nakalap, pero ang pagtatanong na rin ang isang ehemplo na maaaring magpakuntento sa posisyon mo na makuha ang mga tamang sagot na kailangan. Halimbawa, ang simpleng tanong kung paano niya tinutulungan ang mga walang-bahay na mga palaboy na may mga sakit at mahina at kung anong assistance ang kanilang naibibigay sa mga ito ay isang mainam nang batayan mo para makumbinsi siyang mahusay siyang pinuno.


3. Isa-isahin ding i-research sa internet ang mga resume, bio-data at background ng kandidato na pinagdududahan mo ang track record maging ang iyong naiibigang pulitiko. Para magkaroon ka ng pagkukumpara. Alamin din ang mga proyektong nagampanan niya, mga natulungang asosasyon o organisasyon ng mga nangangailangang mamamayan, maging ang kapasidad niya kung aktibo sa paglilingkod o puro salita lang at yakyak lang, puro yabang at tamad namang lumabas ng opisina.


Tingnan din kung kayang makipagkamay este bawal ngayon yan o kumaway man lang at lumakad sa kahit kainitan ng panahon, humble o hindi nandidiri na lumapit sa mga mahihirap na mamamayan, hindi man makayakap sa amoy-lupang mga matatanda ay nagtatanong kung anong tulong ang kailangan nila lalo na sa mga institusyon ng matatanda.


Inuutos agad sa mga magulang na huwag pabayaang marurumi at gusgusin ang mga bata sa kalye, maglakad nang walang reklamo at pinagpapawisan sa bawat paglilingkod niya. Higit sa lahat ay laging may nakahandang ngiti at magaang kausap hindi lang ng mayayaman lalo na nang kapus-palad.


4.Huwag na huwag kaagad maniniwala sa mga nakikitang hitsura niya sa telebisyon. Ang mga ganitong ads na rin ay pawang mga pakunwari lang at idinisenyo para makuha ang iyong atensiyon at paghanga. Magsaliksik mabuti hinggil sa kandidato at matalinong bumoto.


5. Piliin ang kandidatong mula sa pinakamababang uri ng kanyang posisyon ay hindi naging mapagsamantala o naging abusado sa kanyang kapangyarihan. Hindi na-involve sa anumang maanomalyang transaksiyon o pang-uumit sa buwis ng taumbayan. Suriing mabuti ang kapasidad sa damdamin ng pagiging tapat sa paglilingkod at totoo ang kanyang prinsipyo na pagsilbihan ang mamamayan.


Mahalagang piliin ang kandidatong matalino, matalino sa pakikipaglaban sa kapakanan ng nakararami at hindi lang ng iilan. Sana sa limang simpleng tips na ito ay matutunan natin na makapili ng tamang iluluklok na susunod na mga mamumuno sa ating bansa o maging mismong Pangulo ng ating bansa o iba pang pinuno ng lehislatibo sa 2022.





 
 
RECOMMENDED
bottom of page