top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| September 28, 2021



Dear Maestro,

Mula nang matuklasan ko ang mga artikulo ninyo sa BULGAR, regular na akong nagbabasa nito at naisipan kong sumangguni sa inyo dahil napansin ko na palagi akong minamalas sa buhay at parang ang lupit ng tadhana sa akin. Ilang beses na akong sumubok na mag-abroad pero palagi itong palpak.

Ano ba ang dapat kong gawin para mawala na ang mga kamalasan sa aking katawan? Sana ay maturuan ninyo ako ng paraan upang suwertehin naman ako. Isa pa, okey na ba ang aking lagda o may dapat pang baguhin para gumanda nang tuloy-tuloy ang aking kapalaran, lalo na sa pagpasok ng taong 2022? March 2, 1991 ang birthday ko.


Umaasa,

Chona ng Karuhatan, Valenzuela City

Dear Chona,

Simple lang ang paraan para suwertehin ang isang Pisces na tulad mo, na may birth date na 2 at may destiny number na 7 (3+2+1991=1996/ 19+96=115/ 11+5=16/ 1+6=7). Ang birth date mong 2 at destiny number na 7 ay itinuturing na weak number, kaya magsuot ka ng “final color” na black, na siyang ginagamit ng mga may weak number sa “do or die” na labanan.


Sa kulay na ito sinasabing, ‘yan talaga ang pang-final countdown para sa iyong karanasan, ‘yun bang tinatawag na taya lahat pati pato at panggulo, kumbaga sa laro ng mga bata na teks ng cards noong year 70’s hanggang 80’s.


Kapag palagi o araw-araw kang nagsuot ng kulay na itim, may mala-dramatikong pangyayaring darating sa buhay mo dahil ang itim ay siya ring kulay ng “evil” at “anino”, na nakapagtatakang ‘pag nagsindi ka ng kandila, hindi ba’t apoy o liwanag lang ang iyong gusto o kailangan, pero kusang nagkaroon ng anino ang nasabing kandila?


Sa lahat ng liwawag, palaging may anino dahil ang totoo nito, ang itim o kadiliman ay co-equal ng tinatawag nilang ‘good’. Pero sa mas malalim ng pilosopiya, ang totoo ay pareho lang ang dilim at liwanag, at ang “evil at good” ay iisang manipestasyon lamang ng kapangyarihan o paglalang.


Bumalik tayo sa kulay na itim na siyang grand finale na kulay para sa mga weak number na bigo sa buhay, tulad ng number mong 2 at 7. ‘Yan muna ang gawin mo at makikita mo na sa taon ding ito hanggang 2022, may malaking pagbabago na magaganap sa iyong career at sa mismong buhay, kapalaran at mundo mo.


Dahil ang mangyayari, simula ngayon, ikaw ay tatawagin nang “woman in black” na siya ngang pinakamagarang kulay para sa mga may weak number na tulad mo.


Pero dapat kapag nagsuot ka ng black, mag-eksperimento ka munang magtakda ng simpleng layunin, at habang naka-itim ka, tingnan mo kung matutupad ang itinakda mong layunin. Kapag ito ay natupad, tulad ng naipaliwanag na, ang mga taong may weak number ay binibigyan ng lakas at buwenas ng kulay na black.


Actually, hindi nga “true color” ang black, sa halip ‘yan ang anino ng liwanag na kasing kapangyarihan din ng light. Dahil sabi ng Diyos, “Let there be light!” o magkaroon ng liwanag, nagulat pa Siya dahil kasabay ng liwanag, may anino na may sariling kapangyarihan na kasing lakas ng kapangyarihan ng liwanag.


Kaya kung sinabi ng Diyos na magkaroon ng araw, pero sa kabilang banda ay nagkaroon din ng gabi, gayundin ‘pag sinabi Niyang magkaroon ng maganda, palagi namang may kakambal na pangit. Ang nasabing “duality” o power of “duality of things”, tunay ngang may magkaparehong lakas at kapangyarihan.


Ganu’n ang kapangyarihan ng black o dilim — palaging kasama sa paglikha— dahil tulad ng nasabi na, “co-equal” siya ng bawat ginagawa at lakas.


Pero kung sawa ka na sa kasusuot ng kulay itim, puwede mo ngayong ipamalit ang kulay ng liwanag na golden yellow o kahit anong kulay na dilaw. Ang dalawang ito ang palagi mong isuot at siguradong susuwertehin ka na sa bawat layuning pagsisikapan mong maabot.


Samantala, okey na ang ikalawa mong lagda, habaan mo na lang ang dulong bahagi at sikaping maging straight line. Sa ganyang pirma, tuloy-tuloy ka nang aasenso at liligaya.


Kapag nasunod mo na ang mga simpleng rekomendasyon sa itaas, tiyak ang magaganap sa last quarter ng taong ito hanggang sa pagpasok ng 2022, sa edad mong 31 pataas, maraming uri ng iba’t ibang suwerte at masaganang kapalaran ang walang duda at kusang darating sa iyong karanasan.

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| September 27, 2021



Dear Maestro,

May dyowa akong tomboy at okey naman ang samahan namin. Gusto kong malaman kung panghabambuhay na ba kami kahit maraming kumokontra sa relasyon namin? Dati na akong nagka-boyfriend, pero niloko niya lang ako, kaya ngayon ay masasabi kong maligaya na ako sa karelasyon ko kahit pareho kaming babae. Gayundin, parehas kaming masaya at magkasundo kapag magkasama kami. Sa katunayan, niyayaya na niya akong magsama para hindi na kami magkahiwalay pa.

Sa palagay ninyo, Maestro, dapat na ba akong sumama sa kanya at siya na ba ang makakasama ko habambuhay? Aries ang zodiac sign ko sa birthday na April 9, 1994 at Scorpio naman ang karelasyon ko na isinilang noong November 12, 1993.


Umaasa,

Ms. Aries ng Punta, Santa Ana, Manila

Dear Ms. Aries,

Malaki ang posibilidad na kayo na ng karelasyon mo ang magsama habambuhay, sapagkat ayon sa Depth Astrology o malalimang pagsusuri ng mga planetang nagkukubli sa bawat zodiac sign, ang Aries na zodiac sign mo ay nagtataglay ng ruling planet na Mars, tulad ng ruling planet ng Scorpio na zodiac sign ng karelasyon mo.


Ibig sabihin, halos magkaparehong planeta ang umiiral sa inyong kapalaran, kaya madali kayong pinagtagpo ng tadhana at naghigupan ng damdamin at lakas. Dagdag pa rito, masasabi ring madali kayong nagkaroon ng kakaibang atraksiyon sa isa’t isa na maaaring sa bandang huli ay kayo na ang magkakatuluyan at magsasama habambuhay.


Sa pangkalahatang obserbasyon, pangkaraniwan nang kapag immoral ang relasyon, alam nating lahat at madalas nating sabihin na nakapagtatakang ka-compatible ng Scorpio ang halos lahat ng zodiac sign.


Dahil para sa isang Scorpio, walang ibang higit na mahalaga kundi ang unique at kakaibang panlasa sa larangan ng relasyon at kakaibang panlasang seksuwal kung saan sa kaibuturan ng kanilang pagkatao, sa ganu’ng kakaiba at ‘di pangkaraniwang relasyon sila tunay na lumiligaya at nasasarapan.


Dagdag pa rito, nagkataon din ang birth date mong 9 ay katugma ng birth date na 12 o 3 (ang 12 ay 1+2=3) ng dominanteng karelasyon mo dahil ang inyong mga numero ay parehong napabibilang sa series of 3-6-9.


Kung ang karelasyon mo ay may kayumangging kulay ng balat na siyang madalas mahigop o maakit ng mga isinilang sa zodiac sign na Aries at madalas din kayong gumagamit ng pula at itim at nagsusuot ng sumbrero o cap, sigurado na ang magaganap. Bagama’t maraming kontra sa relasyon ninyo, wala silang magagawa dahil sa bandang huli, iiral pa rin ang pagiging magka-compatible ninyo kaya walang puwersang makahahadlang pa sa inyong pagmamahalan. Dahil dito, panghabambuhay na kayong magsasama nang maligaya.

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| September 23, 2021



Dear Maestro,

Totoo pala ang sinasabi ninyo na kapag Taong Dos ay mahina ang loob. Naranasan ko ito dahil dati akong nag-aaral ng college, pero dahil sa kahirapan ay napilitan akong huminto. Sinubukan kong magtrabaho na lang kaya kung saan-saan ako nag-apply. Nagbunga naman ang mga pagsisikap ko, isang beses akong nakapagtrabaho sa isang drug company, pero contractual lang kaya pagdating ng six months ay nabakante ako at simula noon, hindi na ulit ako nakapagtrabaho.

Sa ngayon, 31-anyos na ako at wala pa ring permanenteng trabaho at girlfriend, pero may nililigawan ako, kaya lang, parang malabo niya akong sagutin dahil wala akong trabaho. Gusto kong magbago ang buhay ko, kaya naisipan kong sumulat sa inyo. Sa ngayon kasi, marami na rin akong karamdamang iniinda, pero hindi ako nagpapatingin dahil nahihiya akong makabigat pa sa mga magulang ko na naghihirap ngayon.

Sana sa pamamagitan ninyo, magkaroon naman ng direksiyon ang buhay ko, kahit na kaunting pag-unlad at kaligayahan lang. May 2, 1990 ang birthday ko.


Umaasa,

Jherick Matungao, Bulakan, Bulacan

Dear Jherick,

Ang pinakamabuti mong magagawa ay mag-asawa na para mabalasa at magbago ang iyong kapalaran. Kapag kasi nag-aasawa ang isang tao, hinihigop niya ang kapalaran ng napapangasawa niya, at ganundin ang napangasawa mo. Kaya ang dati mong kapalaran ay mag-iiba na, habang ang kapalaran ng napangasawa mo ay ganundin.


Ganu’n ang hiwaga ng pag-aasawa. Nagagawa nitong baguhin ang mapangit na kapalaran ng isang tao, dahil hindi lang ang numero mong hawak ang iimpluwensiya sa iyong buhay kundi pati na rin ang numerong bitbit ng babae o lalaking iyong mapapangasawa.


Ang problema lang, sa kaso mo, Jherick, paano ka nga makapag-aasawa kung wala ka namang stable job? Bagama’t puwede ring wala kang stable job, basta’t may girlfriend ka na bigla mong yayayaing magtanan o magpasakal.


Subalit ang mas malalang problema mo ay wala ka pang girlfriend, kaya sadyang napakahirap talagang solusyunan ang suliranin mo sa kasalukuyan, na sa totoo lang ay nagdudulot din ito sa iyo ng mga psychological illness na nararanasan mo sa kasalukuyan.


Kaya sa pang-istatistikang tala sa Astrology, hindi nakakabigla na mapapansing karamihan sa mga Taong Dos (2), tulad nilang may bitbit ng numerong 2, 11, 20 at 29, kung hindi namamatay nang maaga, dalaga o binata pa, sila ay nabubuhay nang malungkot at nag-iisa – walang achievement sa buhay, paasa-asa lang at minsan ay kakalat-kalat lang sa kanilang mga kamag-anak at kabarkda.


Ayaw naman nating mangyari ‘yun sa buhay mo. Kaya ang unang paraan na magagawa mo, kung magkakaroon ka lang ng pagkakataon na magka-girlfriend, kahit wala kang trabaho, mas maganda kung bigla kang mag-asawa upang bigla ring magbago o mabalasa ang buhay mo.


Pangalawa, palagi kang magsuot ng kulay na itim, dilaw at iba pang strong color upang lumakas ang iyong loob na magpatuloy at lumaban sa bawat suliranin ng buhay na dumarating.


Pangatlo, maghanap ka ng mga kaibigan o kakilala na may strong number, tulad nilang mga isinilang sa petsang 1, 10, 19, 28, 8, 17, 26, 9, 18, 27, 6, 15 at 24, sila ang tutulong sa iyo sa lahat ng bagay upang lumakas ang iyong loob. Sa kanila ka magsasama, upang ang “strong personality o strong energy” nila ay masagap, mahigop at mapunta sa iyo. Basta tumambay ka lang palagi sa bahay nila at makikita mo, may malaking pagbabago paglipas ng isa hanggang dalawang buwan sa iyong buhay.


Pang-apat, ang pinakamahalaga sa lahat, ‘wag ka pa ring tumigil sa paghahanap ng trabaho at backer o padrino na tutulong sa iyo dahil may isang pagkakataon ulit sa iyong buhay na tutulungan ka ng nasabing mga strong number upang ikaw ay magkaroon ng trabaho. At sa bandang huli ay magkaka-nobya na rin, makapag-aasawa at magkakaroon ng masaya at panghabambuhay na pamilya.


Pang-lima, dapat mo na ring baguhin ang iyong lagda, na ipinapaloob mo sa bilog ang mga letra at salita. Tanggalin mo ang pabilog na hugis sa iyong lagda upang matanggal na rin ang hina ng iyong loob at takot na magkamali at mapulaan ng iba. Kapag nawala na ang bilog sa iyong lagda, makakalaya ka na at magkakaroon ng mas maunlad at maligayang pamumuhay.


Ang magandang kapalarang binabanggit na sa itaas, kung susundin mo ang mga simpleng rekomendasyon ay nakatakdang mangyari sa taong 2022 hanggang 2024 sa edad mong 32 pataas.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page