top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| April 29, 2021



Dear Maestro,

Maaari n’yo bang talakayin ang aking kapalaran kung ano ang dapat kong gawin upang ako ay magtagumpay sa materyal na bagay at pag-ibig? Ako ay may birth date na 9 sa destiny number na 8. Magtatagumpay ba ako at magiging maligaya balang-araw? September 9, 1988 ang birthday ko.

Umaasa,

Lyka ng Banilad, Nagcarlan, Laguna

Dear Lyka,

Sigurado namang magtatagumpay ka sa materyal na bagay, dahil ang destiny number mong 8 (9+9+1988=2006/ 20+06=26/ 2+6=8) ay talaga namang yumayaman. Ang problema lamang ay kung kaya mong mag-ipon o magpundar ng kabuhayan, dahil naman sa birth date mong 9 na medyo may pagkabulaksak at pagkamayabang.


“Simpleng buhay” ang pormula sa lahat ng iyong problema upang matupad mo ang iyong pangarap na magtagumpay sa larangan ng materyal na bagay at pag-ibig. Tandaan mo ‘yan.


Halimbawa, nagkaroon ka ng maraming pera. Huwag mo namang gawing araw-araw ay masarap ang inyong ulam at malaking halaga ang ibinibigay mong allowance sa mga bata at halos buwan-buwan ay nagsa-shopping kayo. Sa halip, tulad ng nasabi na, “simpleng ulam” lang na medyo tipid tulad ng gulay ang ipakain mo sa iyong mga anak at imbes na palaging mag-shopping, sa palengke na lang kayo mamili upang mas makamura.


Isa pang halimbawa, may cellphone ka na, huwag ka nang bumili ng latest model, gayung buo pa naman at napakikinabangan ang dati mong cellphone. Sa ganyang paraan, kung simpleng pamumuhay lamang ang ipamumulat mo sa iyong mga anak, magkakaroon ka ng masinop na ugali na mamanahin pa ng mga bata, na sa bandang huli ay hahantong sa isang mas maunlad at masaganang pamumuhay.


Gayundin, kapag nagkapera ka, huwag mong pagandahin ang inyong bahay. Sa halip, basta malinis at maayos, may kulay berde o metallic blue at puwede rin ang pink ang kulay ng dingding. May mga berde at bulaklaking halaman sa bakuran, ayos na ‘yun. Huwag mong piliting makipagpaligsahan ng pagandahan ng bahay sa iyong mga kapitbahay tapos mangungutang ka para magawa mo ‘yun. Sa ganyang paraan na simpleng bahay pero malinis at kaaya-ayang tirahan, sa simple-simpleng diskarte lamang, uunlad at yayaman ka.


Tama, sa ganyang paraan umuunlad ang mga Taong Otso na tulad mo, na may destiny number na 8. Ang susi o pormula, marunong silang mamuhay nang simple at iniiwasan ding magmayabang sa lipunang kanilang ginagalawan, hanggang kamugat-mugat mo, mayamang-mayaman na pala ang Taong Otso na ‘yun sa inyong lugar dahil hindi sila mayabang at natutunan nilang mamuhay nang simple.


Sa pag-ibig naman, talagang medyo malungkot ang nagiging karanasan ng mga taong may birth date na 9 tulad mo dahil masyado silang “idealistic”. ‘Yun ang sinasabi nating may kayabangan sila at gusto nilang mapangasawa ay ‘yung mas magaling sa kanila.


Ang ibig sabihin ng “mas magaling sa kanila”, halimbawa ay college graduate, kinikilala sa lipunan o mayaman ang gusto nilang mapangasawa. Kaya sa bandang huli, dahil sobrang mapili sa pag-ibig ang mga Taong Nueve, hindi nila namamalayan na “naubusan” na sila ng pamimilian hanggang sa abutin nila ang pagtandang dalaga o binata na hindi dapat mangyari sa iyong karanasan.


Samakatuwid, huwag kang maghanap ng “perfect partner” gayung obvious naman sa iyong sarili na ikaw ay hindi perpektong nilalang.


Sa halip, kilalanin mong mabuti ang iyong sarili. Sino ka ba talaga, ano ang iyong mga kapasidad at talento? ‘Pag alam mo na kung sino ka, ang katulad mo ng estado ng pamumuhay ang hanapin at piliin mong maging partner. Maaari rin namang medyo mas mababa ang antas sa iyo ng lalaking ito, pero mabait at masinop din sa pamumuhay. Sa ganyang paraan, liligaya ka sa pag-ibig at mas madali pang matutupad ang pangarap mong umunlad at magkaroon ng isang maalwan at panghabambuhay na pamilya.


Ayon sa iyong Love Calendar, upang lumigaya sa buhay-pag-ibig, isaalang-alang ang mga taong isinilang sa zodiac sign na Capricorn, Taurus, Pisces, Cancer at kapwa mo Virgo, na may mga birth date na 2, 11, 20, 29, 5, 14, 23, 7, 16 at 25.


At kung susundin mo ang mga rekomendasyong inilahad sa itaaas, tulad ng simpleng buhay at pagpapakatao, na hindi masyadong mayabang at mapagmataas, uunlad ka at mas magiging maligaya, na magsisimulang mangyari at maganap sa taong 2032 sa edad mong 44 pataas.

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| April 24, 2021



Dear Maestro,

Naisipan kong sumangguni sa inyo upang malaman kung ano ang posibleng mangyari sa relasyon namin ng boyfriend ko, kung compatible ba kami at kapag kami na ang nagkatuluyan, magiging matagumpay at magiging maligaya rin ba ang itatayo naming pamilya? September 28, 1992 ang birthday ko at May 10, 1990 naman ang boyfriend ko.


Umaasa,

Ms. Libra ng Tagum City, Davao del Norte


Dear Ms. Libra,

Kapag ang dalawang strong number ay nagsama tulad ng birth date mong 28 o 1 (ang 28 ay 2+8=10/ 1+0=1) at nagkataon 1 rin ang birthday ng boyfriend mo (dahil ang 10 ay 1+0=1), ang tendency ay maaaring magkahiwalay din kayo sa bandang huli.


Ibig sabihin kasi ng “strong number” na tulad n’yo na kapwa nagtataglay ng number na 1, ay may pagkamayabang, ma-ego, arogante, ma-pride at may pagka-atribida. Dagdag pa rito, mahilig makipagtalo na hindi naman nagpapatalo o nagpaparaya. Sa halip, ang gusto niya ay palaging siya ang panalo. At dahil ang birth date na 28 o 1 na siya ngang birth date mo ay strong number, gayundin ang birth date na 10 o 1 ay strong number din na birth date ng boyfriend mo, kaya tulad ng nasabi na, pareho kayong mayabang at ma-ego.


Dahil dito, kapag nagsama ang dalawang indibidwal na kapwa ma-ego, ma-pride, mayabang at parehong akala mong buong-buo ang loob, ano ang palagay mong mangyayari?


Tama ang sagot mo, kumbaga sa usapan ng mga istambay, “magpapataasan sila ng ihi” hanggang sa wala sa kanilang magpatalo o magpasensya. At kapag nagdedebate sa isang maliit na bagay, palalakihin nila ito nang palalakihin hanggang sa tuluyang lumala ang kanilang debate na mauuwi na sa totoong pag-aaway at tampuhan.


At dahil walang nagpapatalo, magiging “pattern” na ng pagsasama nila ang ganu’ng sitwasyon. Kumbaga, palagi silang nagpapagalingan hanggang sa bandang huli, dahil hindi makakatiis ang isa’t isa, sa pagiging “strong personality” nilang dalawa ay magkakahiwalay din sila. Sapagkat ang tendency ay ang palagi silang nagpapagalingan at walang nagpapatalo, kaya sa bandang huli, ang kanilang relasyon ay talo dahil maaaring sa paghihiwalay din sila mauuwi.


Sinasabi ko sa iyo ang mga bagay na ‘yan, hindi para paghiwalayin kayo ngayon. Bagkus, inaanalisa lang natin ang takdang kapalaran o ang mangyayari sa inyong relasyon, na sa matuling salita, sinasabi ko sa iyo ‘yan, upang ngayon pa lang, kailangang may isa na inyong may strong number ang dapat matutong magpakumbaba o magsakrispiyo upang maging successful ang nasabing relasyon.


May mga naitala pa ngang kaso na parehong strong number na magkapareha na kapag nag-aaway ay nagpupukulan sila ng mga gamit. Buti na lang, bukod sa mayabang, ma-ego at ma-pride ang mga taong may strong number na 1 ay magaling din silang umilag, kaya kapag pinukol ng kanyang kapareha ang isa, hindi siya tinatamaan at nakakatakbo pa agad.


Ang problema, paano kung hindi na makailag? Paano kung habang tumatakbo ay nadapa ka? At paano kung higit na asintado ang pumupukol sa umiilag? ‘Yun nga ang masakit na senaryo sa buhay ng kapwa may strong number, malamang na grabeng magkakasakitan sila— emotionally at physically.


Hindi tulad sa dalawang mag-asawang may weak number. Magkasakitan man sila ng isang beses, mas mauuna ang takot na masaktan ang kanyang kapareha o kung makasakit man ang isang taong may weak number, agad niya itong pinagsisisihan.


Hindi tulad ng mga taong may strong number, kapag nakasakit siya ng kapwa, iba ang nasa isip niya, sa loob-loob niya, “Buti nga sa iyo, kulang pa nga ‘yan, eh. Kasi ayaw mo sa aking maniwala, ang tigas-tigas ng ulo mo, siguro naman ngayon magtatanda ka na!”


Ganu’n kawalang-hiya ang mga taong may strong number sa sandaling nahusto at nag-apoy na talaga ang galit nya sa kanyang asawa. Kahit anong pananakit ang kanyang ginawa, siya pa rin ang tama at may katwiran dahil ipinanganak siyang ganu’n. Sa pagkakaalam kasi niya, dahil siya ang nakasakit at kung sino ang nakasakit, siya pa ang tama.


In short, para maging maligaya ang relasyon ng parehong may strong number, tulad ng nasabi na, kailangang may isang magpaka-weak sa kanila.


At kapag may nagpa-under sa mag-asawang may strong number, yumayaman din sila at habambuhay ding nagiging maunlad at maligaya ang kanilang pamilya.

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| April 22, 2021



Dear Maestro,

Marami kaming pagkakautang ngayon at sandamakmak din ang mga naniningil. Tanging pagtaya-taya na lang sa lotto ang inaasahan namin upang makaahon sa kahirapan at minsan ay nakatatanggap ng tulong sa malalayo naming kamag-anak. Sa ngayon ay nabubuhay pa rin kami sa utang kaya hirap na hirap kami.

Kaya sana ay magbigyan n’yo rin ako ng suwerteng kulay, numero at petsa kung kailan dapat tumaya upang masapol ko ang jackpot. October 18, 1976 ang birthday ko.


Umaasa,

Nitz ng Santa Inez, Tanay, Rizal

Dear Nitz,

Ayon sa zodiac sign mong Libra, birth date na 18 o 9 (ang 18 ay 1+8=9) at destiny number na 6 (10+18+1976=2004/ 20+04=24/ 2+4=6), ikaw ay tunay na mapalad tuwing sasapit ang araw ng Martes, Huwebes at Biyernes, higit lalo kung ang nasabing mga araw ay natapat sa petsang 3, 12, 21, 30, 6, 15, 24, 9, 18 at 27. Sa panahong nabanggit, lalo na sa buwan ng Oktubre hanggang Disyembre, magsuot ka ng kulay pula. Sa ganyang paraan, mas madali mong mahihigop ang suwerte at magandang kapalaran na may kaugnayan sa materyal na bagay.


Bukod sa nasabing mga petsa at araw sa itaas, ikaw din ay mapalad sa numerong may sumatotal na 5, 8 at 6, tulad ng 14, 23, 32, 41, 17, 26, 35, 44, 15, 24, 33, 42 at iba pang mga kauri nito. Maaari mo ring subukan ang 5, 16, 28, 24, 34 at 41, gayundin ang 7, 19, 23, 27, 33 at 44.


Habang ang batong opal na ipinalamuti sa silver o batong opal na ipinalamuti sa gintong singsing ay magsisilbing talisman na pantaboy ng kamalasan at panghigop na rin ng magandang kapalaran.


Upang masigurado ang malaking panalo, maghanap ka ng lotto outlet na ang kulay ng bubong at dingding ay pula at may teller o kahera na may mahabang buhok at sexy ang pangangatawan.


Ang nasabing lotto outlet ang magpapatama sa iyo ng malaking halaga bago matapos ang taong 2021 o susunod na taong 2022 sa edad mong 46 pataas.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page