top of page
Search

by Info @Brand Zone | October 9, 2023


Muling umapela ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa publiko na maging mapagmatyag at gumawa ng mga hakbang bilang pag-iingat laban sa iba't ibang uri ng mapanlinlang na aktibidad dulot ng ransomware attack noong Setyembre 22, 2023.

Ayon sa state-insurer, nagsimula na umano ang mga hacker sa pagpapakalat ng datos na nakuha mula sa mga workstation ng mga empleyado ng PhilHealth. Upang matulungang maprotektahan ang mga miyembro mula sa pagiging biktima ng mga oportunista, mariing inirekomenda ng PhilHealth ang pagpapalit ng password sa mga online account, pagkakaroon ng multi factor authentication, pagsubaybay sa mga kahina-hinalang aktibidad sa kanilang online accounts, hindi pagbubukas at pag-click sa mga kahina-hinalang email at link, at hindi pagsagot sa mga kaduda-dudang tawag at text messages.

"Gamit ang ninakaw na data, malamang na target ng mga hacker ang mga miyembro sa pamamagitan ng mga tawag, email o text message. Sundin po natin ang payo ng mga awtoridad na huwag mag click sa mga kaduda-dudang link o magbigay ng mga password o OTP. Mas mainam na huwag pansinin ang mga kahina-hinalang tawag, at sa halip ay burahin na lang ang text o email mula sa hindi kilala at kahina-hinalang nagpadala," paalala ng PhilHealth Chief na si Emmanuel R. Ledesma, Jr.

Umapela rin ang state health insurer na iwasang ikalat ang leaked data dahil mayroon itong parusa sa ilalim ng batas. Kamakailan lamang ay sinabi ng mga awtoridad na posibleng umabot sa 20 taong pagkabilanggo ang mga hackers, habang ang sinumang indibidwal o organisasyon na mapatutunayang nag-download, nag-proseso o nag-bahagi ng naturang nakaw na data ay mananagot din dahilan sa hindi awtorisadong pagproseso ng personal na impormasyon at maaaring humarap sa kasong kriminal.

Iginiit pa ng PhilHealth na malugod at handa itong harapin ang anumang pagdinig na ipapatawag ukol sa nasabing insidente. Lubos na nakikipagtulungan din ang PhilHealth sa mga ahensyang nagsasagawa ng imbestigasyon tulad ng National Privacy Commission, National Bureau of Investigation at Philippine National Police.

“Bilang responsable sa mga impormasyon ng ating mga miyembro, nakahanda po kaming makipagtulungan sa mga imbestigasyon para lalong mapagbuti ang aming cybersecurity system. Makakaasa po ang publiko na may malaking kabutihang dulot ang pangyayaring ito para maging mas mabuti ang ating serbisyo sa miyembro,” diin pa ni Ledesma.

Ipinahayag din ng PhilHealth na nito lamang Oktubre 06, 2023, 100 porsiyento ng mga aplikasyon na ginagamit ng publiko o public facing apps ay nagbalik na kabilang dito ang website, Member Portal, eClaims para sa electronic submission ng mga claim sa ospital, at EPRS para sa mga remittance ng employer. Ang mga application server naman na tumutugon sa mga serbisyo sa frontline ay inihahanda na rin upang magbalik normal ang operasyon.



 
 
  • BULGAR
  • Oct 9, 2023

ni Jenny Rose Albason @News | October 9, 2023




Magandang balita ang sasalubong sa mga motorista dahil sa inaasahan na big-time rollback sa pump prices bukas, Oktubre 10.


Nag-anunsyo rin ang mga lokal na kumpanya ng langis ng pagbabawas ng hanggang P3.05 per liter.


Sa magkahiwalay na advisories, sinabi ng mga kumpanya na ibababa nila ang presyo ng gasolina sa P3.05 per liter habang ang diesel naman ay P2.45 per liter.


Bababa rin ang presyo ng kerosene ng P3 per liter. Ipapatupad naman ng Shell at Seaoil ang price adjustments pagsapit ng alas-6:00 ng umaga ng Martes.


Ito ay dahil sa pangamba ng mataas na interest rate na nagpababa ng global demand, ayon kay Rodela Romero, assistant director ng Department of Energy (DOE) Oil Industry Management Bureau.



 
 

ni Mai Ancheta @News | October 8, 2023




Hindi na naabutan ng isang 23-anyos na kandidato sa pagka-chairman ng Sangguniang Kabataan ang eleksyon sa October 30, makaraang atakehin sa puso habang naglalaro ng basketball sa Davao City.


Kinilala ang biktima na si Philipp Saladio, Jr., residente ng Bgy. Tawan-Tawan, Davao City.


Kasama si Saladio sa liga ng basketball bilang selebrasyon ng Araw ng Barangay Malagos at batay sa CCTV footage, biglang napaluhod ang biktima, sumubsob sa sahig at nawalan ng malay matapos ipasa ang hawak na bola.


Agad isinugod si Saladio sa ospital subalit binawian ng buhay sanhi ng umano'y cardiac arrest.


Sinabi ng ina ng biktima na si Melanie na akala niya ay natisod lang ang kanyang anak habang pinapanood ito sa paglalaro kaya hindi ito lumapit.


Hindi inakala ng ina ng biktima na ito na pala ang huling paglalaro ng anak sa basketball dahil hindi nito alam na may sakit ito.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page