top of page
Search

ni Jenny Rose Albason @News | October 11, 2023





Sinuspinde ng Commission on Elections (Comelec) ang voter registration para sa overseas voter sa Israel para sa 2025 midterm elections. Sa isang panayam, sinabi ni Comelec chairperson George Garcia na ginawa ang desisyon sa pulong ng en banc kaninang umaga.


“Nagdesisyon na kanina ang en banc na sinu-suspend na po natin ang registration ng mga kababayan natin sa Israel. Ayaw po nating isakripisyo ang kanilang buhay,” ani Garcia.


“Indefinite po ‘yung suspension natin at wala pa naman tayong pinag-iisipan kung mag-e-extend tayo. Ang importante, protektado at nasa maayos na kalagayan ang mga kababayan natin,” dagdag ni Garcia.


Kaugnay nito, ang voter registration para sa mga overseas voters para sa 2025 election ay nagsimula noong Disyembre 2022.


Ayon sa Comelec, mayroong 13,364 na rehistradong overseas voters sa Israel para sa 2022 national at local elections, kung saan 7,871 o 59% ang aktwal na bumoto. Noong Hulyo 17, 2023, mayroong 9,906 active overseas Filipino voter sa Israel.



 
 

ni Angela Fernando (JT) @News | October 11, 2023





Idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na "Linggo ng Lupong Tagapamayapa" ang Oktubre 10 hanggang 16 ng bawat taon upang palawakin ang kaalaman ng publiko sa tungkulin ng mga opisyal ng barangay para panatilihin ang kapayapaan sa isang komunidad.


Ang proklamasyong ito ay pinirmahan ni Executive Secretary Lucas Bersamin nitong Oktuber 9.


“There is a need to increase public awareness on the functions of the Lupong Tagapamayapa, and recognize the valuable contributions of the members thereof in the preservation and maintenance of peace and order in barangays,” saad ni Marcos.


Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), ang Lupon Tagapamayapa ay isang samahang naglalayong mabigyan ng superbisyon at masolusyunan ang mga hinaing o problema sa isang barangay.



 
 

ni Jenny Rose Albason @News | October 10, 2023




Sinusuri na ng Department of Energy (DOE) kung paano makakaapekto ang lumalalang hidwaan sa pagitan ng Israel at Palestine sa mga lokal na presyo ng petrolyo habang ang global prices ay tumaas sa unang araw ng kalakalan ngayong linggo.


“Sa biglang pagsalakay sa Israel, tumaas ang presyo sa unang araw ng trading this week" ani DOE-Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero sa isang panayam.


Matatandaang noong Sabado, naglunsad ng malawakang pag-atake sa Israel ang Hamas, isang Palestinian Islamist group, na naging dahilan ng pagtaas ng presyo ng petrolyo, na may international benchmark na Brent crude na tumaas ng 4% o nasa $88 per barrel.


Nang tanungin kung paano maaapektuhan ang mundo sa pagtaas ng presyo ng krudo sa mga local pump prices, sinabi ni Romero na hindi pa rin malinaw dahil kailangang isaalang-alang ng industriya kung paano gagalaw ang mga presyo para sa buong linggo ng kalakalan.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page