top of page
Search

ni Lolet Abania | January 14, 2022


ree

Isasailalim ng pamahalaan ang National Capital Region (NCR) at tinatayang 50 iba pang mga lugar sa Alert Level 3 mula Enero 16 hanggang 31, sa gitna ng pagtaas ng COVID-19 cases, ayon sa Malacañang ngayong Biyernes.


Bukod sa Metro Manila, ang mga lugar sa ilalim ng Alert Level 3 simula sa Enero 16 ay Baguio City, Ifugao, Mountain Province, Dagupan City, Ilocos Sur, Santiago City sa Region 2, Cagayan, Angeles City, Aurora, Bataan, Bulacan, Olongapo City, Pampanga, Zambales, Rizal, Batangas, Cavite, Laguna, Lucena City, Marinduque, Romblon, Camarines Norte, Catanduanes, Naga City, Sorsogon, Iloilo City, Iloilo, Negros Occidental, Guimaras, Lapu-Lapu City, Bohol, Cebu province, Negros Oriental, Ormoc City, Biliran, Eastern Samar, Leyte, Northern Samar, Southern Leyte, Western Samar, City of Isabela sa Region 9, Zamboanga City, Zamboanga del Sur, Bukidnon, Iligan City, Misamis Occidental, Misamis Oriental, Davao del Sur, Davao del Norte, General Santos City, South Cotabato, Surigao del Sur, Agusan del Norte, Lanao del Sur.


Una nang isinailalim ng gobyerno ang mga lugar sa Alert Level 3 mula Enero 14 hanggang 31 ang Benguet, Kalinga, Abra, La Union, Ilocos Norte, Pangasinan, Nueva Vizcaya, Isabela, Quirino, Nueva Ecija, Tarlac, Quezon province, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Camarines Sur, Albay, Bacolod City, Aklan, Capiz, Antique, Cebu City, Mandaue City, Tacloban City, Cagayan de Oro City, Davao City, Butuan City, Agusan del Sur, Cotabato City.


Sa ilalim ng Alert Level 3, maraming establisimyento ang pinayagang mag-operate ng 30% indoor venue capacity subalit para lamang ito sa mga fully vaccinated individual at 50% outdoor venue capacity hangga’t ang mga empleyado ay fully vaccinated na.


Ipinagbabawal naman sa Alert Level 3, ang in-person classes, contact sports, funfairs/perya, at casinos na mga aktibidad at establisimyento.


 
 

ni Lolet Abania | January 11, 2022


ree

Ipatutupad sa National Capital Region (NCR) ang 10 PM-4AM curfew para sa mga kabataan na nasa edad 17 at pababa, ayon kay Metro Manila Council (MMC) chairperson Parañaque City Mayor Edwin Olivarez.


Sa isang interview kay Olivarez ngayong Martes, sinabi nitong bawal nang lumabas ng bahay ang mga menor-de-edad mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling-araw sa nasabing rehiyon.


Gayunman, ayon kay Olivarez, hindi pa napagkakasunduan ng mga Metro Manila mayors ang curfew hours naman para sa mga adults.


“’Yun pong ating curfew pinatutupad po natin ‘yan sa minor. Lahat po kami, local government unit (LGU) sa Metro Manila, may specific ordinance. ‘Yung atin pong mga 17 and below ‘yan po ay pinai-implement po ang ating curfew from 10 p.m. until 4 a.m.,” sabi ni Olivarez.


“Sa minor po ‘yan that is 17 years old and below, ‘yung po adults wala pa pong curfew na pinagkakasunduan po doon,” dagdag ng opisyal.


Matatandaang isinailalim ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang NCR sa Alert Level 3 mula Enero 3 hanggang 15, 2022, kasunod ng pagtaas ng mga bagong kaso COVID-19 infections sa bansa.


Sinabi ni Olivarez na ang MMC na binubuo ng 17 alkalde ay napagkasunduan na manatili ang NCR sa ilalim ng Alert Level 3 sa kabila na ang health care utilization rate ng rehiyon ay umabot na sa 55%.


“Base sa data na ibinigay ng DOH (Department of Health) ‘yung ating health care utilization rate ay umaabot ng 55%. Doon po sa pamantayan ng ating DOH at IATF ‘yung pong 70% na healthcare utilization rate doon po umaabot ‘yung Alert Level 4, so andoon pa po tayo sa Alert Level 3,” paliwanag pa ni Olivarez.


Subalit ayon kay Olivarez na ia-assess nila ang sitwasyon matapos ang isang linggo para malaman kung nagkaroon ng pagbabago health care utilization rate.

 
 

ni Lolet Abania | January 9, 2022


ree

Arestado ang dalawang indibidwal ngayong Linggo sa Commission on Election (Comelec) checkpoints ilang oras matapos ibinaba ang election gun ban na siyang hudyat para sa opisyal na pagsisimula ng election period na epektibo na sa bansa, ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO).


Sa isang interview kay NCRPO spokesperson Police Lieutenant Colonel Jenny Tecson, sinabi nitong ang unang insidente ay naganap sa Navotas bandang alas-2:20 ng madaling-araw, kung saan isang indibidwal ang tinanong at hiningan ng mga law enforcer sa isang checkpoint na magprisinta ng kaukulang dokumento at ID.


“Nu’ng bababa na po sana siya ay nalaglag sa kanyang shorts ‘yung calibre 38 [firearm] na ito naman ay nagresulta sa kanyang agarang pagkaaresto,” ani Tecson.


Sa Caloocan City naman, isang indibidwal ang naharang at sinita sa checkpoint dahil wala itong suot na helmet habang sakay sa motorsiklo.


“On the process po, nakitaan din siya ng baril. ‘Yun din ang nagresulta [sa pag-aresto] at wala kasi siyang maipakitang kaukulang dokumento,” sabi ni Tecson.


Ipinunto ni Tecson na ang parehong insidente ay mayroon ding initial violations dahil sa hindi pagsunod sa minimum public health standards gaya ng hindi pagsusuot ng face masks.


Gayunman, ayon sa opisyal, ang unang araw ng pagpapatupad ng election gun ban ay aniya, “successful” sa ngayon, kasabay ng pagbibigay ng maagang anunsiyo sa tulong ng mga concerned agencies.


“Masasabi natin na naging epektibo ang pag-uumpisa ng pag-establish natin ng Comelec checkpoints dito sa buong Kamaynilaan nitong madaling-araw kanina na nag-umpisa,” saad ni Tecson.


Una nang sinabi nitong Sabado ni NCRPO chief Police Major General Vicente Danao Jr. na lahat ng uri ng firearms na may lisensiya at permit to carry ay hindi papayagan na dalhin ng may-ari nito sa labas ng kanyang bahay sa panahon ng imposisyon ng Comelec gun ban.


Sa inisyu ng Comelec na Resolution No. 10728 ay nakasaad dito, “the prohibition on unauthorized firearms and bodyguards during the election period.”


Ipinagbabawal din sa nasabing resolution, “bearing, carrying or transporting firearms or deadly weapons outside residence or place of business and in all public places from January 9 to June 8, 2022 or for a total of 150 calendar days.”


Gayunman, sa ilalim ng resolusyon, ang Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, at Philippine Coast Guard at miyembro ng iba pang law enforcement agencies lamang ang exempted mula sa gun ban gayundin, hangga’t mayroon silang authorization mula sa Comelec at nakasuot ng itinakdang uniporme ng kanilang ahensiya habang isinasagawa ang kanilang official duty sa panahon ng election period.


Ang national at local elections ay gaganapin sa Mayo 9, 2022.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page