top of page
Search

ni Jasmin Joy Evangelista | September 24, 2021


ree

Mayroon daw nakikitang epekto sa ngayon ang granular lockdowns na ipinapatupad sa Metro Manila.


"So although nagsimula ang pagbaba ng bilang ng kaso under MECQ, ngayon wala pa tayong nakikitang spike so maaari nating masabing effective naman ang ipinatutupad nilang granular lockdown, effective so far," ani OCTA Research Fellow Guido David.


Para naman kay MMDA Chairman Benhur Abalos, "maganda" ang mga nagiging resulta nito.


"So far, ang masasabi ko po personally talagang maganda po ang naging resulta. In fact, ang ating mga kaso ay tuloy po sa pagbaba dito 'no, halos nagpa-plateau na. Sinasabi ng DOH from 19.83 percent 'yung growth rate, naging 12.88 na lang po," ani Abalos.


Pero dagdag niya, “Baka mamaya mag-enjoy tayong masyado it goes without saying importante pa rin ang granular lockdown, of course importante ang minimum health protocols because we must learn how to live with the virus."


Umaasa naman ang Malacañang makabalik na ang lahat sa dati nating buhay at maging maligaya ang darating na Pasko dahil sa dami ng nabakunahan sa Metro Manila.


"So ako naman po'y umaasa na as we hit 70 percent at soon 80 percent 'no, 'yan naman po talaga iyong target population na proteksiyon natin eh baka naman makabalik tayo nang kaunti sa dating mga buhay natin. Sa tingin ko po, talagang mas magiging maligaya ang Pasko ngayong 80 porsiyento na halos ang bakunado sa Metro Manila," ani Presidential Spokesperson Harry Roque.


Samantala, nagpaalala naman ang Department of Interior and Local Government na hindi ito mangyayari kung hindi ipapares sa pagsunod sa protocols.


Napapansin daw kasi ng ahensiya na may mga apektadong residente na tumangging magpa-test.


Kaya nagpaalala ang kalihim na may batas laban sa hindi pagre-report kung nahawahan ng COVID-19 at may kulong at multa para sa mga lalabag nito.

 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | September 18, 2021


ree

Ipinauubaya na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga LGU kung gagawing biglaan o magbibigay ng abiso sa mga lugar na ila-lockdown.


"Kung minsan po ang ginagawa ng mga LGUs para hindi umalis, at lumipat ng ibang bahay 'yung mga ila-lockdown, ay kaagad-agad nilang nila-lockdown ang isang lugar. But will leave it now to the discretion of the LGUs kung sila ba ay biglang magla-lockdown lamang or magbibigay sila ng advance warning sa mga lugar na ito," ani DILG Undersecretary Jonathan Malaya.


Sa naunang panayam sinabi ni Malaya na estrikto ang "no entry, no exit" policy sa mga na-lockdown. Sa katunayan, pati ang mga may balak o schedule para magpabakuna ay hindi rin pinapayagang makalabas.


Matatandaang umalma ang mga residente dahil sa mga biglaang lockdown na ipinatupad sa ilang lugar sa NCR.


Pangamba naman nila, maaapektuhan ang kanilang hanapbuhay at ang mga nakaambang bayarin gaya ng renta, tubig, at kuryente.


Sinabi naman ni Parañaque City Mayor at Metro Manila Council Chairman Edwin Olivarez na dapat itong silipin ng gobyerno dahil walang pinansiyal na ayuda ang national government kapag granular lockdown.

 
 

ni Lolet Abania | September 17, 2021


ree

Hindi papayagan ang mga kustomer na mag-avail ng mga dine-in services sa National Capital Region (NCR) kapag walang maipakitang vaccination cards, ayon sa Restaurant Owners of the Philippines (Resto Ph).


Naging epektibo ito kahapon, ang unang araw ng pagpapatupad ng Alert Level 4 sa NCR sa gitna ng COVID-19 pandemic.


Sa ilalim ng Alert Level 4, ang outdoor o al fresco dining services sa mga restaurants at kainan ay makakapag-operate ng hanggang 30 porsiyento ng venue/seating capacity, anuman ang vaccination status ng indibidwal.


Sa kabila nito, ang indoor dining o dine-in services ay papayagan sa limitadong 10 porsiyento ng venue/seating capacity subalit para lamang ito sa mga indibidwal na fully vaccinated o bakunado na kontra-COVID-19, kabilang na rin dito na papayagan sila sa outdoor o al fresco capacity.


Ayon kay Resto Ph president Eric Teng, kailangan lamang ng mga fully vaccinated customers na magpakita ng kanilang local government unit (LGU)-issued vaccination card para mabigyan ng dine-in services.


“We reminded our members to be vigilant with enforcing the safety protocols. We post signs asking guests to present their vaccine card before being seated indoors,” ani Teng.

“Surprisingly, there are numerous guests wanting to dine indoors without vax cards, who have to be turned away, unless there are outdoor dining spaces available,” dagdag niya.


Nilinaw naman ni Teng na habang ang mga hindi pa nabakunahan na indibidwal ay hindi pa pinapayagan para sa indoor dining aniya, “unvaccinated guests are allowed to dine outdoors. They only need to be vaccinated to dine indoors.”


Gayunman, sinabi ni Teng, “overall, the day has been positive for restaurant operators.”

Laking pasalamat din ng Resto Ph sa naging desisyon ng gobyerno sa pagsasailalim sa Metro Manila sa Alert Level 4.


Matatandaang ipinahayag ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez na nasa P180 milyon sa revenues ang inaasahan upang mabawi ng mga restaurants, salons, at barbershops ang pagkalugi kung saan pinayagan nang mag-operate sa ilalim ng Alert Level 4 sa limitadong kapasidad.


Gayundin, sa parehong kapasidad ng limitadong indoor at outdoor dining na mga establisimyento, ang ipapatupad para sa personal care services gaya ng beauty salons at barbershops.


Samantala, sinabi ni Teng na ilan sa mga member-restaurants ng Resto Ph ay nagbibigay ng special promos para sa mga healthcare workers bilang aniya, “a gesture of gratitude and support” sa kanilang walang humpay na pagmamalasakit sa kanilang mga kababayan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page