top of page
Search
  • BULGAR
  • Sep 27, 2021

ni Jasmin Joy Evangelista | September 27, 2021


ree

Arestado ang tatlong lalaki sa Parañaque City matapos mahulihan ng umano'y party drug na ecstasy sa isang buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Southern Police District.


Ayon sa PDEA, agad ikinasa ang buy bust operation sa Quirino Avenue, Barangay San Dionisio, Parañaque City, nang makatanggap sila ng impormasyon na sangkot sa pagbebenta ng party drugs ang mga suspek.


Nakumpiska mula sa mga suspek ang 105 piraso ng MDMA o Ecstasy na nagkakahalaga ng P178,500.


Nakuha rin mula rin mula sa mga ito ang buy-bust money at mga cellphone.


Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o “The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002".

 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | September 26, 2021


ree

Kailangan umanong pag-aralan muna nang maayos ang panukalang luwagan pa ang alert level status sa National Capital Region (NCR) sa mga susunod na buwan, ayon sa Department of Health.


Nais daw munang ma-assess kung epektibo nga ba ang bagong sistema o ang granular lockdown, ayon kay Department of Health (DoH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire.


Iginiit ni Vergeire na masyado pang maaga para matukoy kung may magandang epekto na dahil isang linggo pa lamang ang nakalilipas mula nang ilunsad ang alert level system sa Metro Manila.


Maliban pa rito, tinitingnan din ng ahensiya ang pagsunod ng publiko sa mga ipinatutupad na health protocols, vaccination rate at detection at isolation ng covid positive patients bago maglabas ng assessment sa pagpapatupad ng alert level system.


Una rito, inihayag ni Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos na posibleng ilagay sa mas maluwag na Alert Level 3 ang NCR dahil sa nakikitang magandang reproduction rate ng Covid sa rehiyon.


 
 

ni Lolet Abania | September 24, 2021


ree

Mahigit sa 93,000 pasaway na indibidwal sa ipinatutupad na COVID-19 quarantine restrictions ang nai-record ng Philippine National Police (PNP) simula ng pilot implementation ng Alert Level 4 sa Metro Manila.


Sa Laging Handa briefing, sinabi ni PNP chief Police General Guillermo Eleazar na nasa kabuuang 93,894 violators ang nahuli o nasita ng pulisya mula Setyembre 16 hanggang 23.


Ibig sabihin nito, ayon kay Eleazar nasa average na 11,712 mga indibidwal ang nasisita ng mga pulis kada araw sa mga naturang panahon, mas mababa ito kumpara sa 12,600-per-day average na kanilang naitala noong Agosto.


“There are still a lot. 51% were issued warning. 43% were issued tickets, 6% were brought to police station. But I would say it is generally peaceful,” sabi ni Eleazar.


Sinabi rin ni Eleazar na nasa 220 lugar na ang isinailalim sa granular lockdown sa Metro Manila, batay sa pinakabagong nai-record.


Aniya, ang mga lugar ay matatagpuan sa 82 barangay ng siyam na lungsod/munisipalidad ng nasabing rehiyon.


“This has affected 2,697 households and 8,550 individuals,” ani pa ng PNP chief.


Sa ilalim ng Alert Level 4, ang outdoor o al fresco dining ay pinapayagan ng hanggang 30% ng venue/seating capacity, anumang vaccination status ng mga kustomer.


Pinapayagan din ang indoor dine-in services sa limitadong 10% ng venue/seating capacity subalit para lamang ito sa mga indibidwal na fully vaccinated kontra-COVID-19.


Habang ang curfew ay itinakda ng alas-10:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling-araw.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page