top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | April 5, 2021




Limampung residente ang nahuling lumalangoy at naglalaro sa Bacoor Bay, Cavite simula nitong Sabado at Linggo, batay sa isinagawang pagpapatrolya ng Bacoor City Agriculture Office-Deputy Fish Warden (DFW) at ng Philippine Coast Guard (PCG).


Ayon sa ulat, dinampot ang 40 na menor de edad at 10 nasa tamang gulang na mga nahuli mula sa iba’t ibang bahagi ng Bacoor Bay. Ang ilan ay dinala sa Barangay Zapote 5, Zapote 1 at Digman upang ipaubaya sa mga opisyal ang pagdidisiplina sa kanila.


Paliwanag pa ni Joshua Villaluz ng Agricultural Technologist-Fishery law enforcement Agriculture Office, balak lamang sana nilang mag-abiso sa mga residente na iwasang maligo sa dagat habang naka-lockdown, ngunit ikinagulat nila nang makita ang mga naliligo at naglalaro na karamihan ay walang suot na face mask at magkakadikit pa.


Kabilang ang Cavite sa NCR Plus Bubble na kasalukuyang isinasailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) dahil sa mataas na kaso ng COVID-19, kung saan tanging mga mangingisda lamang ang pinapayagang bumiyahe sa dagat.


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | April 4, 2021




Extended ng isang linggo ang enhanced community quarantine (ECQ) sa NCR Plus na kinabibilangan ng Metro Manila, Bulacan, Cavite, Rizal, at Laguna dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.


Ngayong Linggo, April 4, nakatakdang matapos ang ECQ sa NCR Plus ngunit dahil sa pagpapalawig nito, ito ay magtatagal hanggang sa April 11.


Umaasa naman ang Palasyo na maibababa sa mas maluwag na community quarantine restriction na moderate enhanced community quarantine (MECQ) ang NCR Plus pagkatapos ng April 11.


Saad pa ni Roque, "Kung napatunayan po natin na gumagana ang ating PDITR (prevent, detect, isolate, treat, reintegrate), eh, pupuwede naman po tayong mag-moderate ECQ (MECQ) sa susunod na linggo. Pero titingnan po muna natin ang resulta ng karagdagang ECQ.” Samantala, noong Sabado, nakapagtala ang bansa ng 12,567 karagdagang kaso ng COVID-19.


 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | March 28, 2021




Ililipat na sa storage facility ng NCR Plus Bubble ang 75% ng mga bakuna kontra COVID-19 matapos itong maging sentro ng pandemya at muling sumailalim sa enhanced community quarantine (ECQ).


Ayon sa panayam kay Health Undersecretary for Field Implementation and Coordination Team Dr. Myrna Cabotaje ngayong araw, Marso 28, "Ang ginawa natin, nag-reallocate tayo sa 75% ng 400,000 to about 300,000 doses ng vaccines, mapupunta sa NCR, sa Region III specifically in Bulacan at sa Region IV-A.


“Naka-deploy na ang karamihan ngayon. Nag-i-start na, kasi nga, nag-decide na dahil hotspot ngayon ang Manila at NCR Plus bubble, medyo iko-concentrate ang pagbabakuna sa NCR.”


Paliwanag pa niya, ang natitirang 25% ay ilalaan sa mga healthcare workers ng Cordillera, Cebu, Davao at Region VI.


Samantala, sa ngayon ay 712,442 na ang naitalang kaso ng COVID-19, kung saan 81.6% o 581,161 ang gumaling at 1.85% o 13,159 naman ang namatay.


Dalawang magkasunod na araw na ring pumalo sa mahigit siyam na libo ang nagpositibo sa virus at karamihan sa mga naitala ay nagmula sa Metro Manila.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page