top of page
Search

ni Jasmin Joy Evangelista | October 2, 2021


ree

Sinalakay ng National Bureau of Investigation, Bangko Sentral ng Pilipinas, at Bureau of Customs ang isang warehouse sa Quezon City dahil sa mga nakaimbak na barya na aabot sa Php 50 million.


Bukod sa milyon-milyong barya, natagpuan din sa warehouse ang ilang luxury sports car na pawang wala umanong mga dokumento.


Hindi pa matukoy kung bakit nakaimbak ang pera roon pero money laundering umano ang isa sa mga tinitignang anggulo ng awtoridad.


“Kasi kapag ganito karaming barya, usually galing sa illegal gambling,” ani Joel Pinawin, intelligence division chief ng BOC.


Sa labas naman ng bahay ay nadiskubre ang 5 luxury car na nasa P100 milyong piso ang halaga.


Batay sa kanilang surveilance, 11 luxury car umano ang nakaparada sa lugar noong nakaraang araw.


“Kahinahinala ‘yung mga kotse kasi pansin mo walang plaka, tapos wala ring conduction sticker,” ani Pinawin.


Kinalawang at inamag na umano ang ilang barya na nakatambak sa nasabing warehouse.


Ayon naman sa barangay, hindi nila alam kung paanong dinala ang mga barya sa lugar lalo’t mataas ang bakuran ng bahay.


“During the day wala kaming nakikita hindi namin alam kung paano naipon ‘yan. Ang huling activity dito ‘yung request nila sa pagsesemento,” ani Jose Maria Rodriguez, barangay captain ng Barangay Laging Handa.


Dumating naman ang nagpakilalang kasosyo ng may-ari umano ng mga kotse na si Felix Uy pero tumanggi siya magbigay ng paliwanag.


Isinara muna ng mga awtoridad ang bahay at binigyan ng 15 araw ang mga may-ari nito para magpaliwanag tungkol sa mga barya at kotse, at patunayang hindi ito galing sa ilegal na gawain.

 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | September 28, 2021


ree

Pinapahanap na ng Senado si Pharmally executive Krizle Mago matapos hindi ma-contact ang ibinigay nitong contact details sa ginanap na hearing sa Senado.


Isang sulat ang ipinadala ng Senate Blue Ribbon committee sa National Bureau of Investigation (NBI), para magpasaklolo na hanapin si Mago na noong Linggo pa huling nakausap.


Si Mago ang umamin sa Senado na pinerahan ng kompanya ang gobyerno sa pamamagitan ng pag-deliver ng expired face shields noong 2020.


“The Blue Ribbon has not been able to reach her... Naaawa rin ako na baka masaktan 'yung bata eh," ani Sen. Dick Gordon.


Nanawagan din si Sen. Risa Hontiveros kay Mago na makipag-ugnayan sa kanyang tanggapan.


Ayon naman sa Malacañang, aalamin daw kung totoo ang mga sinabi ni Mago sa Senado pero minaliit nila ang pasabog nitong "swindling."


“Ang tanong po: tatayo ba ho iyong ganiyang testimonya? Tingnan po natin, kinakailangan po kasi iyan, ma-substantiate.. Kasi kung testimonya lang, talk is cheap... We will look into the matter," ani Presidential spokesman Harry Roque.

 
 

ni Lolet Abania | June 16, 2021



ree

Arestado ng National Bureau of Investigation (NBI) ang apat katao dahil sa ilegal na pagbebenta ng tinatayang P2 milyong halaga ng Remdesivir, isang experimental drug para labanan ang COVID-19.


Kinilala ng NBI ang mga suspek na sina Maria Christina Manaig, Christopher Boydon, Philip Bales, at Bernard Tommy Bunyi. Ayon kay NBI officer-in-charge Eric Distor, nadakip ang mga suspek matapos makatanggap ang ahensiya ng impormasyon hinggil sa “laganap” na bentahan ng Remdesivir online.


Ang naturang gamot ay walang certificate of product registration sa Pilipinas kaya hindi dapat ito komersiyal na ibinebenta. Matatandaang pinayagan ang paggamit ng Remdesivir sa pamamagitan ng isang compassionate special permit (CSP) na inisyu ng Food and Drug Administration (FDA).


Ang CSP ay maaari lamang i-request ng mga doktor na in-charge o ng institusyon kung saan ang pasyente ay ginagamot, at siya ring may responsibilidad sa paggamit at pagbibigay ng Remdesivir dito.


Sinabi ni Distor, nagawang makipagtransaksiyon ng NBI Special Task Force sa mga suspek at maka-order sa kanila ng isang vial na nasa halagang P4,500 hanggang P5,000.


Agad na nagsagawa ang NBI-STF ng magkasabay na entrapment operations kahapon na nagresulta sa pagkakadakip sa apat na suspek sa West Avenue, Quezon City at Bunyi sa Timog Avenue, Quezon City.


Nakumpiska sa mga suspek ang nasa P1.8 milyong halaga ng Remdesivir. Sumailalim ang mga suspek sa inquest proceedings bago sampahan ng kaso sa Quezon City Prosecutor’s Office dahil sa paglabag sa Food and Drug Administration Act of 2009 at Philippine Pharmacy Act.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page