top of page
Search

ni MC @Sports | March 7, 2023



ree

Pinarusahan ng two game suspension ng Memphis Grizzlies ang kanilang star na si Ja Morant kahapon matapos mag-post ng video kung saan nagpakita siya ng baril sa isang nightclub.

Ang Grizzlies ay naglabas ng isang pahayag na nagsasabing si Morant ay “mawawala sa koponan para sa hindi bababa sa susunod na dalawang laro”.

Iyon ay nangangahulugan na hindi maglalaro si Morant sa Linggo laban sa LA Clippers o Martes laban sa Los Angeles Lakers. Dalawang beses na NBA All Star at NBA Rookie of the Year noong 2020, ang 23-taong-gulang na si Morant ay nakikita bilang isa sa pinakamagagandang kabataang talento sa liga ngunit nasangkot sa isang serye ng mga insidente sa labas ng court.

“Inaako ko ang buong responsibilidad para sa aking mga aksyon kagabi,” sabi ni Morant sa isang pahayag. “Sorry sa aking pamilya, mga kasamahan sa koponan, mga coach, tagahanga, mga kasosyo, ang lungsod ng Memphis at ang buong organisasyon ng Grizzlies sa aking nagawa."

“Maglalaan ako ng ilang oras upang makakuha ng tulong at mapag-aralan nang mahusay ang mga paraan ng pagharap sa stress at sa aking pangkalahatang kagalingan,” dagdag niya.

Sa Instagram Live broadcast sa madaling araw noong Sabado ng umaga, nakita si Morant na may hawak na baril. Kalaunan ay tinanggal ni Morant ang kanyang Instagram at Twitter account. Sinabi ng NBA na iniimbestigahan nila ang kaso habang ang mga sponsor ni Morant ay nagbigay ng suportang pahayag.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | March 7, 2023



ree

Dumaan sa dalawang overtime ang New York Knicks bago nila pinabagsak ang Boston Celtics, 131-129, sa tampok na laro sa NBA kahapon sa TD Garden. Nanaig din ang Phoenix Suns sa Dallas Mavericks, 130-126, sa unang pagtatagpo nina Kevin Durant at Kyrie Irving matapos nilang umalis sa Brooklyn Nets noong Pebrero.

Uminit si Immanuel Quickley para sa pito ng kanyang 38 puntos sa pangalawang overtime para itapal sa Celtics ang pangalawang sunod na talo. Sumuporta si Julius Randle sa kanyang 31 puntos at humaba sa siyam ang kanilang panalo para sa kartadang 39-27.

Naisahan ni Durant ang dating kakampi na si Irving at naka-shoot upang wasakin ang 126-126 tabla na may 12.4 segundo sa orasan, 128-126. Hindi pa siya tapos at nagdagdag ng dalawang free throw matapos ang mintis ni Luka Doncic upang masigurado ang panalo at magtapos na may 37 puntos.

Kinuha ng numero unong Milwaukee Bucks ang pagkakataon na lumayo sa Celtics at nagtrabaho para sa 117-111 panalo sa Washington Wizards. Triple double si Giannis Antetokounmpo na 23 puntos, 10 rebound at 13 assist para sa 46-18 panalo-talo kumpara sa 45-20 ng Boston.

Sumandal ang Los Angeles Lakers sa dominasyon sa ilalim ni Anthony Davis na nagsumite ng 39 puntos at makamit ang 113-105 tagumpay sa World Champion Golden State Warriors. Nasayang ang pagbalik ni Stephen Curry galing pilay matapos ang pagliban ng 11 laro at pumukol ng 27 puntos mula sa limang three-points.

Samantala, humataw para sa 31 puntos si kabayan Jalen Green at nasugpo sa ikalawang beses sa loob ng 24 oras ng Houston Rockets ang San Antonio Spurs, 142-110.


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | March 3, 2023



ree

Umakyat sa 16 ang magkasunod na panalo ng rumaragasang Milwaukee Bucks at idagdag na ang Orlando Magic sa mga biktima, 139-117, sa NBA kahapon sa Fiserv Forum. Patuloy din ang paghabol ng Boston Celtics upang mabawi ang liderato at nagwagi sa Cleveland Cavaliers, 117-114.

Hindi nagpreno ang Bucks at umabot ng 26 ang agwat sa 4th quarter, 134-108, papasok sa huling 4 na minuto. Huling natalo ang Bucks sa Cleveland Cavaliers, 114-102, noong Enero 21.

Nagtapos si Giannis Antetokounmpo na may 31 puntos sa 28 minuto lang. Sumunod si Brook Lopez na may 18 puntos. Kalahating laro ang hahabulin ng Celtics (45-18) sa Bucks (45-17). Nanaig si Jayson Tatum sa matinding palitan nila ng puntos ni kapwa All-Star Donovan Mitchell subalit napunta kay Tatum ang huling halakhak sa dalawang paniguradong free throw na may 17.4 segundong nalalabi, 117-110.

Nagtala si Tatum ng 41puntos at 11 rebound habang 23 puntos at 11 rebound si Al Horford. Nasayang ang 44 puntos ni Mitchell at bumaba ang Cavs sa 39-26.

Samantala, nakalaro na si Kevin Durant sa Phoenix Suns at sulit ang paghihintay ng mga tagahanga sa 105-91 na pagwagi sa Charlotte Hornets. Umapoy sa Phoenix si Devin Booker na may 37 puntos at sumuporta si Durant na may 23 puntos.

Sa ibang laro, bumida si Dennis Schroder sa kanyang 26 puntos at tagumpay ang Los Angeles Lakers sa Oklahoma City Thunder,123-117. Humataw para sa 39 puntos si Jalen Brunson at panalo sa ika-7 sunod ang New York Knicks sa kapitbahay na Brooklyn Nets, 142-118.

Tinakasan ng Chicago Bulls ang Detroit Pistons, 117-115. Panalo rin ang Philadelphia 76ers sa Miami Heat, 119-96, at New Orleans Pelicans kontra Portland Trail Blazers, 121-110.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page