top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | April 23, 2023



ree

Umiwas sa walis ang Atlanta Hawks at binigo ang bisitang Boston Celtics, 130-122, sa NBA Playoffs kahapon sa State Farm Arena. Tinambakan naman ng New York Knicks ang paboritong Cleveland Cavaliers, 99-79, para sa 2-1 lamang sa kanilang serye.


Sa oras ng kagipitan, kumapit ang Hawks sa kanilang bituin Trae Young na nagbagsak ng 32 puntos at siyam na assist at wakasan ang dalawang sunod na panalo ng Boston sa seryeng best-of-seven. Tumulong si Dejounte Murray sa kanyang 25 puntos.


Depensa ang susi ng Knicks na nag-resulta ng 21 puntos para kay Jalen Brunson. Nag-ambag ng 19 si RJ Barrett.


Samantala, sinisante ng Toronto Raptors si Coach Nick Nurse matapos ang limang taon.


Nagtala siya ng kartadang 390-227 at sa kanyang unang sabak sa koponan at ginabayan ang Raptors patungo sa 2019 NBA World Championship.


Kahit wala na sa NBA ay tuloy pa rin ang paghawak ni Coach Nurse sa Team Canada na lalahok sa 2023 FIBA World Cup sa Agosto. Ang Canada ay maaaring mabuo ng 12 manlalaro ng NBA subalit sa Indonesia sila maglalaro ng group stage at tutuloy lang sa Pilipinas kung papasok sila sa knockout playoffs.


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | April 22, 2023



ree

Hindi basta isusuko ng World Champion Golden State Warriors ang kanilang korona at pinabagsak ang bisitang Sacramento Kings, 114-97, sa NBA Playoffs kahapon sa Chase Center. Wagi rin ang Phoenix Suns at tinalo ang LA Clippers, 129-124, para lumamang ng 2-1 sa kanilang seryeng best-of-seven.

Kontrolado ng Warriors ang buong laro at tuluyang humataw palayo sa 15 puntos ni Stephen Curry sa second quarter para sa 55-41 na halftime. Umabot ng 23 ang agwat sa fourth quarter, 114-91, at nakaiwas ang Golden State na malugmok sa 0-3.

Pumukol ng anim na tres si Curry patungo sa 36 puntos habang dumagdag ng 20 si Andrew Wiggins. Sisikapin ng Warriors na itabla ang serye sa Game Four sa Lunes sa parehong palaruan.

Nabawi ng bisitang Suns ang homecourt matapos mapahiya noong Game One. Binuo ni Devin Booker ang three-point play na may 42 segundo sa orasan para sa 125-116 lamang at kinailangan ng Phoenix ang apat na free throw ni Kevin Durant sa huling 11 segundo upang masigurado ang resulta.

Umusok para sa 45 puntos si Booker at sinundan ni Durant na may 28. Hindi naglaro sa Clippers si Kawhi Leonard at inaasahan na bubuti ang kanyang tuhod para sa Game 4 sa Martes.

Sa Eastern Conference, 3-0 na ang Philadelphia 76ers laban sa Brooklyn Nets matapos maitakas ang 102-97 tagumpay. Inagaw ni De’Anthony Melton ang pasa ni Royce O’Neale at naka-shoot para tuldukan ang laro na may 5.4 segundong nalalabi. Namuno sa Philadelphia si Tyrese Maxey na ipinasok ang 10 ng kanyang 25 puntos sa fourth quarter. Hahanapin na ng 76ers ang walis para sa Game Four sa Linggo.

Samantala, iginawad kay Malcolm Brogdon ng Boston Celtics ang 2023 KIA Sixth Man of the Year.


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | April 2, 2023



ree

Nagising ang bisitang Los Angeles Lakers sa third quarter at naitala ang maaaring pinakamahalagang panalo ngayong taon laban sa Minnesota Timberwolves, 123-111, sa NBA kahapon sa Target Center.


Wala pa ring talo ang Phoenix Suns basta nariyan si Kevin Durant at hinila pababa ang numero unong Western Conference Denver Nuggets, 100-93.

Lumamang ang Timberwolves sa 3-point play ni Karl Anthony Towns upang simulan ang third quarter, 68-55, at iyan na ang kanilang huling ingay. Mula roon ay uminit para sa 8 puntos si Anthony Davis upang pangunahan ang paghabol ng Lakers na umabante papasok sa 4th quarter, 90-83, at hindi na nila binitiwan ito.

Hindi pa tapos si Davis at nagdagdag ng 17 puntos sa 4th quarter upang magtapos na may 38 puntos at 17 rebound. Double-double din si LeBron James na 18 puntos at 10 rebound at ito ang unang pagkakataon na mas marami ang panalo sa talo ng Lakers na 39-38 at ika-7 sa West katabla ang nagpapahingang New Orleans Pelicans.

Lumapit ang Suns sa playoffs sa ika-42 panalo sa 77 laro matapos ipasok ni Durant ang pito ng kanyang 30 puntos sa 4th quarter. Nalagay sa peligro ang pagiging numero uno ng Nuggets (51-26) at lumiit ang lamang nila sa humahabol na Memphis Grizzlies (49-28).

Sa gitna ng namumurong huling hirit ng Lakers, nagtagumpay ang World Champion Golden State Warriors sa San Antonio Spurs, 130-115, matapos magpaulan ng pitong 3-points si Stephen Curry para sa 33 puntos. Pantay ang Warriors at LA Clippers sa 41-37 para sa ika-lima at ika-anim sa West.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page