top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | June 14, 2023


ree

World Champion na ang itawag sa Denver Nuggets. Nakamit ng koponan ang kanilang unang kampeonato matapos manaig sa bisitang Miami Heat, 94-89, sa Game 5 ng 2023 NBA Finals kahapon sa Ball Arena.

Hindi naging madali ang daan para sa Nuggets at kinailangan nilang magising sa second half matapos umarangkada ang Miami sa halftime, 51-44, sa likod ng 18 puntos at siyam na rebound ni Bam Adebayo. Sinikap ng Denver na ihatid ang maagang knockout at itinayo ang 86-79 agwat papasok sa huling apat na minuto subalit hindi sumuko ang Heat at naagaw pa ang lamang sa dalawang free throw ni Jimmy Butler kasabay ng last 2 minutes, 89-88.

Ibinalik agad ni Bruce Brown ang lamang sa Nuggets, 90-89, na sinundan ng malaking agaw ni Kentavious Caldwell-Pope kay Butler sabay kuha ng foul at dalawang free throw na may 24 segundo sa orasan, 92-89. Nagmintis ang 3-points ni Butler at napunta ang bola kay Brown na walang kabang sinelyuhan ang kampeonato sa dalawang free throw.

Nagtapos si Nikola Jokic na may 28 puntos at 16 rebound at walang duda na siya ang napili bilang Finals MVP. Matapos ang malamyang ipinakita sa unang apat na laro, nahanap ni Michael Porter Jr. ang shooting at sumunod na may 16 puntos at 13 rebound.

Naubusan ng lakas si Adebayo sa 2nd quarter subalit namuno pa rin sa Heat na may 20 puntos at 12 rebound habang ipinasok ni Butler ang 13 ng 21 puntos sa second half. Lalong hinigpitan ng Denver ang depensa at ang 89 ang pinakamababang puntos ng Heat sa buong serye.

Nagtiis ng kabuuang 56 taon ang mga tagahanga ng Nuggets bago natamasa ang inaasam na tropeo. Itinatag ang prangkisa bilang Denver Rockets ng American Basketball Association (ABA) noong 1967, nagpalit ng pangalan Nuggets noong 1974 at lumipat sa NBA noong 1976.


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | June 11, 2023


ree

Laro ngayong Martes – Ball Arena

8:30 a.m. Miami vs. Denver


Isang panalo na lang ang kailangan ng bumibisitang Denver Nuggets at inulit ang pangingibabaw sa Miami Heat, 108-95, upang itayo ang 3-1 lamang sa 2023 NBA Finals kahapon sa Kaseya Center. Maaaring wakasan ng Nuggets ang seryeng best-of-seven ngayong Martes sa harap ng kanilang mga tagahanga sa Ball Arena.

Ang shoot ni Kyle Lowry sa simula ng second quarter, 23-20, ang naging huling halakhak ng Miami at mula roon ay umusok si Aaron Gordon para sa 15 puntos at lumamang ang Denver sa halftime, 55-51. Hindi na nakatikim ng lamang ang Heat at nagbuhos ng walong sunod-sunod na puntos sina Bruce Brown at Kentavious Caldwell-Pope para sa pinakamalaking agwat, 108-91, at 1:21 sa fourth quarter.

Nagtapos si Gordon na may 27 puntos, malaking angat mula sa pinagsamang 39 sa unang tatlong laro ng serye. Hindi naka-triple double si Nikola Jokic dahil napaupo ng matagal bunga ng problema sa foul subalit matindi pa rin ang kanyang 23 puntos at 12 rebound.

Hindi lang si Gordon ang umangat ang laro at gumawa ng 21 puntos si Brown kumpara sa kabuuang 26 sa huling tatlong laro. Si Jamal Murray na ang bahala sa pasahan at nagtala ng 15 puntos at 12 assist, ang ika-apat na sunod laro na may 10 o higit siyang assist.

Sumandal pa rin ang Miami kay Jimmy Butler na may 25 at Bam Adebayo na may 20 puntos at 11 rebound. Nalimitahan muli ng depensa ang Heat at hindi sila pinaabot ng 100 puntos gaya ng mga pagkabigo nila sa Game One at Three.

Kahit mabigat ang nakasampa sa balikat ng Miami, alam nila na hindi imposible ang bumangon mula sa 1-3 at nagawa na ng prangkisa ito noong 1997 East Semis laban sa New York Knicks.


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | June 10, 2023


ree

Kung trending ang pag-uusapan ngayong 2023 NBA finals, pabor na pabor ito para sa bisitang Denver Nuggets papasok sa Game 4 ngayong araw taglay ang 2-1 lamang sa seryeng best-of-seven. Subalit nais baligtarin ito ng Miami Heat at patunayan na pinapanalo ang laro sa sahig ng Kaseya Center at hindi sa pirasong papel.

Ang 109-94 panalo ng Denver sa Game 3 noong Huwebes ang pang-apat na sunod na tagumpay nila bilang bisita na nagsimula noong Game 6 ng West Semis laban sa Phoenix Suns at ang Game 3 at 4 ng West Finals kontra sa Los Angeles Lakers.

Samantala, bumagsak ang Heat sa kanilang tahanan sa ikatlong sunod kasama ang kambal na talo sa Game 4 at 6 ng East Finals laban sa Boston Celtics.

Peligro para sa Miami na lumubog lalo sa serye. Sa NBA Finals, isang beses pa lang nangyari na nakahabol ang isang koponan mula sa 1-3 na Cleveland Cavaliers na binigo ang Golden State Warriors noong 2016.

Pangunahin pa rin para kay kabayan Coach Erik Spoelstra ang mag-isip ng paraan upang mabantayan sina Nikola Jokic at Jamal Murray na parehong nagtala ng triple double sa Game Three. Kailangan din bumawi ni point guard Gabe Vincent mula sa maalat na laro at samahan sina Jimmy Butler at Bam Adebayo sa paglikha ng puntos.

Depensa rin ang bubuhay sa Denver at ang hamon ni Coach Michael Malone ay huwag paabutin sa 100 puntos ang Miami gaya ng mga tagumpay nila noong Game 1 at 3.


Naglabas ng sorpresa ang Nuggets sa katauhan ni rookie Christian Braun na nagbagsak ng 15 puntos matapos magtala ng anim lang sa unang dalawang laro.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page