ni Thea Janica Teh | November 19, 2020

Isinailalim sa lockdown ang National Police College (NPC) ngayong Miyerkules matapos magpositibo sa COVID-19 ang 77 estudyante at empleyado. Kabilang sa nagpositibo rito ay si NPC Director Romeo Magsalos na ngayon ay magaling na.
Ayon kay Retired General Ricardo De Leon, Philippine Public Safety College president, karamihan sa mga nagpositibo ay asymptomatic at kasalukuyan nang naka-isolate.
Nitong Lunes, sumailalim na ang 400 estudyante at empleyado sa mass testing. Ang mga nagnegatibo sa test ay dinala na sa National Forensics Science Training Institute sa Camp Vicente Lim.
Sa ngayon ay patuloy ang isinasagawang contact tracing at disinfection upang maiwasan ang pagkalat ng virus. Samantala, inanunsiyo naman ni Interior Secretary Eduardo Año na magsisimula muli ang klase sa NPC sa darating na Lunes, Nobyembre 23.

