top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | April 30, 2021




Nagkaroon ng technical problem ang website ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa unang araw ng online registration para sa National ID kaya pansamantalang naka-pending ang mga nais magparehistro, batay sa inilabas na Advisory ng PSA sa kanilang Facebook page ngayong umaga, Abril 30.


Anila, “We are currently experiencing technical difficulties. Our technical team is currently figuring out the source of the problem. We will provide updates as soon as the website is up and running. We apologize for any inconvenience this may have caused.”


Kabilang sa mga hinihinging impormasyon sa online registration ay ang full name, facial image, sex, birthday, blood type at address.


Matatandaang isinabatas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Philippine Identification System (PhilSys) Act nu’ng 2018 upang mas mapadali ang pakikipagtransaksiyon ng mga mamamayan gamit ang isang ID.


Tinatayang P3.52 billion ang inilaang pondo para rito, kung saan mahigit 20 milyong Pinoy ang inaasahang makakapagparehistro ngayong taon.

 
 

ni Lolet Abania | April 27, 2021




Maaari nang magparehistro online para sa national identification system ng bansa simula sa Biyernes, Abril 30, ayon kay National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Karl Chua.


Ayon kay Chua, maglulunsad ang NEDA ng isang online system kung saan kokolektahin ang mga demographic data ng mga mag-a-apply para sa national ID.


Gayunman, ipinaliwanag ni Chua na ang mga aplikante nito ay kailangan pa ring magpunta nang personal sa mga registration centers para sa kanilang biometrics kasabay ng pagbubukas ng sarili nilang bank account.


Sinabi rin ni Chua na ang pagkakaroon ng national ID system ng bansa ay makatutulong nang malaki para mapabilis ang isinasagawang vaccination program at ang distribusyon ng financial aid habang may lockdown.


Dagdag niya, makatutulong din ito sa mga low-income families para makapagbukas ng sariling bank accounts.


Matatandaang pinirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagkakaroon ng national ID ng mga mamamayan, kung saan nakapaloob dito ang Philippine Identification System (PhilSys) Act number, buong pangalan, facial image, sex, petsa ng kapanganakan, blood type at address.


Noong 2018, pinagtibay at isinabatas na ni P-Duterte ang panukalang national identification system para pagsamahin at i-integrate na lamang ang marami at paulit-ulit na government IDs at itakda ang isang national ID system.


Inaprubahan din ng pamahalaan ang dagdag na P3.52-billion pondo upang mairehistro ang 20 milyong Pilipino sa national ID system ngayong taon.


 
 

ni Lolet Abania | March 18, 2021




Hinimok ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga Pilipino na magparehistro para sa national ID, kasabay ng pagsisikap ng gobyerno na maisulong ang kanilang mga programa gaya ng public service delivery, bawasan ang korupsiyon at matigil ang red tape.


Matatandaang naisabatas ang Philippine Identification System (PhilSys) Act matapos pirmahan ni Pangulong Duterte noong 2018, kung saan may mandato ang pamahalaan na magsagawa ng isang single official identification card para sa lahat ng Filipino citizens at mga dayuhang residente sa bansa upang magsilbing de facto national identification number ng mga ito.


"As we pursue this long overdue project, I ask every Filipino to give PhilSys a chance so that we may maximize the advantages of a universal and secure database that will make transactions more efficient and our lives more convenient," ani Pangulong Duterte sa isang taped message.


Gayunman, ipinaalala ni P-Duterte sa publiko na patuloy na sumunod sa health protocols upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sakaling magpaparehistro para sa ID system.


“PhilSys will uphold the privacy of all personal information," dagdag pa ng pangulo.


Nito lamang Marso 3, natanggap na ni Pangulong Duterte ang kanyang PhilSys ID.


Samantala, ang Philippine Statistics Authority (PSA) ang inatasan na pangunahan ang ID system sa bansa, katuwang ang isang policy board na mula sa National Economic and Development Authority at iba pang government agencies.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page