top of page
Search

ni Lolet Abania | September 7, 2021



Mananatiling sarado ang mga korte sa National Capital Region (NCR), maliban lamang sa Supreme Court (SC), sa kabila ng pagluluwag ng gobyerno sa restriksiyon sa Metro Manila simula Miyerkules.


Ayon kay Court Administrator Midas Marquez, ginawa ni Chief Justice Alexander Gesmundo ang desisyon dahil sa patuloy na pagtaas ng COVID-19 cases at ang pagpapatupad ng granular lockdowns sa Metro Manila upang mabawasan ang pagkalat ng virus.


Ang rehiyon ay isasailalim sa general community quarantine (GCQ) simula Setyembre 8 hanggang 30.


Gayunman, sinabi ni Marquez na ang mga korte ay magpapatuloy na mag-operate online at magsasagawa ng mga video conferencing hearings para sa mga pending cases at iba pang transaksyon, ito man ay urgent o hindi.


Subalit, ayon kay Marquez ang pag-file at services ng pleadings at motions sa panahon ng GCQ ay suspendido pa rin habang ito ay mag-resume matapos ang seven calendar days mula sa unang araw ng pisikal na pagbubukas ng naturang mga korte.


“The essential judicial offices shall maintain the necessary skeleton staff to enable them to address all urgent matters and concerns,” pahayag ni Marquez sa isang circular na inisyu ngayong Martes.


Bukod sa SC, ang mga korte na matatagpuan sa Metro Manila ay ang Court of Appeals, Court of Tax Appeals, Sandiganbayan, at ang mga trial courts.

 
 

ni Lolet Abania | September 5, 2021



Sumiklab ang sunog sa tanggapan ng National Archives sa UN Avenue, Manila ngayong Linggo nang madaling-araw.


Ayon sa Bureau of Fire Protection-National Capital Region (BFP-NCR), nagsimula ang sunog bandang ala-1:04 ng madaling-araw sa chief administrative office na matatagpuan sa ika-6 na palapag ng PPL Building.


Itinaas sa ikalawang alarma ang sunog bago tuluyang naapula ang apoy ng alas-3:13 ng madaling-araw.


Gayunman, wala namang naitalang nasaktan o nasugatan matapos ang sunog.


Sinabi pa ng BFP-Manila, wala nang iba pang opisina sa naturang gusali ang nadamay habang wala ring mahahalagang dokumento ang nasira dahil sa sunog.


Umabot sa tinatayang P800,000 na ari-arian ang napinsala matapos ang sunog.

 
 

ni Lolet Abania | August 19, 2021



Nasa tinatayang 41 porsiyento na ng eligible population sa Metro Manila ang fully vaccinated laban sa COVID-19 hanggang nitong Agosto 18.


Ayon kay National Task Force Against COVID-19 deputy chief implementer Vince Dizon sa Palace news conference ngayong Huwebes, may kabuuang 3.2 milyong vaccine doses na ang kanilang na-administer sa National Capital Region ngayong Agosto o nasa 178,000 jabs ang average kada araw.


Tiwala rin si Dizon na ang target na inoculation rate na 50% ay makakamit ng bansa hanggang sa Agosto 31.


Ayon sa Department of Health (DOH), mula noong Marso 1, 2021 ay nakapag-administer na ang pamahalaan ng 29,127,240 shots, kung saan nasa 16,250,043 ang nakatanggap ng unang doses habang ang bilang ng mga fully vaccinated na Pilipino ay nasa 12.87 milyon hanggang Agosto 18.


Samantala, sinabi ni Dizon na nakapagsasagawa naman ang bansa ng average na 60,000 COVID-19 tests kada araw mula ito noong Agosto 11 hanggang 17 at umaabot din ang mga tests ng 67,000 sa loob ng isang araw.


Subalit, ayon sa testing czar, hindi pa ito sapat habang plano niyang kausapin ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) hinggil sa reimbursement ng mga gastusin ng mga accredited testing laboratories.


“We will communicate with PhilHealth in the coming days to facilitate the reimbursement so that these laboratories will be able to purchase supplies and conduct tests more quickly,” ani Dizon.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page