top of page
Search

ni Zel Fernandez | May 1, 2022


ree

Kalaboso ang dalawang South Korean fugitives na pawang mga miyembro umano ng isang malaking sindikato, matapos mahuli sa NAIA Terminal 4. Kasunod nito ang pagkadakip din sa isa pang puganteng Koreano na lider naman umano ng sindikato ng scam sa kanilang bansa.


Ayon sa Bureau of Immigration - Fugitive Search Unit (BI-FSU), tinukoy na kapwa priority targets ang dalawang naarestong pugante dahil sa malaking operasyon ng kanilang grupo sa South Korea.


Pahayag ni Rendel Sy, hepe ng BI-FSU, may standing warrant of arrest na ang dalawang South Korean nationals na mga lider umano ng isang telecom fraud syndicate na nag-o-operate sa Pilipinas.


Batay sa ulat, nakapangulimbat na umano ang mga sindikato ng 80 milyong Korean won. Kaya pagkaraang ma-monitor ang pagbabakasyon ng mga ito sa Palawan ay inabangan na ng mga awtoridad ang dalawa sa airport, na nagdulot ng bahagyang tensiyon matapos umanong tangkain pang tumakas ng mga suspek mula sa mga aaresto sa kanila.


Samantala, sa hiwalay namang operasyon sa Quezon City, nadakip din ang isang puganteng Koreano na lider din umano ng sindikatong ang modus ay pang-i-scam, at sangkot din sa pagpatay sa kapwa Koreano nito sa Pilipinas.


Ani Police Lieutenant Colonel Bryan Andulan, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Cavite, "Mayroon silang birthday celebration doon ng magkakaibigan, nagkaroon sila ng heated argument, nagkaroon sila ng fistfight, nagkataon na 'yung kaibigan niya ay napuruhan niya, nagkaroon ng head trauma."


Kasalukuyan nang nasa panig ng mga awtoridad ang mga nadakip na salarin upang hainan ng mga karampatang kaso.


 
 

ni Lolet Abania | March 28, 2022


ree

Binuksan na ulit ang Terminal 4 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos ang halos dalawang taon na isinara ito sanhi ng pandemya ng COVID-19 ngayong Lunes, ayon sa Manila International Airport Authority (MIAA).


Dahil sa limitado ang mga flights noong mga nakaraang taon kasabay ng pagpapatupad ng mga travel restrictions, ipinatigil naman ang operasyon ng Terminal 4 ng NAIA.


Subalit nang lumuwag ang mga restriksyon habang isinailalim na rin sa Alert Level 1 ang National Capital Region (NCR), muling nag-operate ang naturang terminal, kung saan napuno ito ng mga biyahero ngayong araw.


“’Yung T3 (Terminal 3) po ay napupuno dahil lahat ng mga domestic flight ay nanggagaling dito bago natin isinarado, ay inilipat natin sa T3,” pahayag ng general manager ng MIAA na si Ed Monreal.


Gayunman, kahit na isinara ang Terminal 4 sa mga flights operation, nagamit naman ito bilang COVID-19 vaccination site.


 
 

ni Lolet Abania | March 8, 2022


ree

Dumulas umano ang isang Cebu Pacific aircraft sa runway ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) pagkalapag nito sa paliparan sa Pasay City ngayong Martes.


Sa isang advisory, sinabi ng naturang carrier na ang kanilang CebGo flight DG 6112 Naga-Manila flight ay nagkaroon ng slight runway excursion pagsapit nito sa NAIA T3, bandang alas-11:45 ng umaga, oras sa Manila.


Ayon sa Cebu Pacific, ang nasabing eroplano ay na-towed na mula sa runway ilang saglit makalipas ang ala-1:00 ng hapon.


“All 42 passengers and four crew deplaned normally and are safe with no reported injuries,” sabi ng Cebu Pacific.


“The passengers are being looked after and cared for,” dagdag ng kumpanya.


Sinabi ng airline na patuloy silang magbibigay ng mga updates at mas maraming impormasyon hinggil dito.


“We are working on normalizing our operations as soon as possible,” saad ng Cebu Pacific.


Ayon naman sa Philippine Airlines sa hiwalay na advisory, dahil sa naganap na runway obstruction sa NAIA, “there will be delays in flight departures and arrivals.”


Naglabas din ang PAL ng mga flight departures na naka-hold:


PR720 Manila - London

PR5682 Manila - Dammam

PR658 Manila - Dubai

PR684 Manila - Doha


Habang ang mga sumusunod na flights na nakatakdang dumating sa Manila ay na-divert na sa Clark:


PR592 Saigon - Manila

PR2522 Cagayan de Oro - Manila

PR2142 Iloilo - Manila


“We are seeking the patience and understanding of our passengers. We look forward to resuming flights once runway obstruction is cleared,” pahayag ng PAL.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page