top of page
Search

ni Lolet Abania | January 28, 2021




Nagpositibo si Metro Rail Transit Line 3 (MRT3) General Manager Rodolfo Garcia sa test sa COVID-19. Ito ang kinumpirma ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade ngayong Huwebes.


“Tinamaan po ang ating general manager ng MRT3. Mino-monitor ko kaninang midnight, nandoon siya sa isang ospital, nasa ICU (intensive care unit),” ani Tugade.


Bukod kay Garcia, si MRT3 Director for Operations Michael Capati ay tinamaan din ng coronavirus subalit ito ay nagpapagaling na lamang.


Sa hiwalay na statement, ayon sa MRT3, may 36 office personnel habang anim naman sa maintenance provider na Sumitomo-Mitsubishi Heavy Industries ang naiulat na nagpositibo sa test sa COVID-19.


Ayon kay Tugade, mula sa MRT3 depot sa Quezon City ang mga apektadong empleyado.

“‘Yung mga nagkaka-COVID sa depot, hindi po sa actual operations,” sabi ni Tugade.


Gayunman, sinabi ng DOTr chief na nananatiling walang nai-report na kaso ng COVID-19 sa mga station personnel.


Ayon sa pamunuan ng kumpanya, lahat ng mga personnel na infected ng virus ay naka-quarantine na. Bilang safety measure ay nagsagawa ang MRT3 ng work-from-home arrangement kasabay ng mga limitadong office personnel na nagre-report mismo sa depot, subalit kailangang magnegatibo muna ang resulta ng RT-PCR swab test.


Subalit kahit may COVID-19 cases na naitala sa halos buong depot, ang operasyon ng MRT3 ay magpapatuloy kabilang din dito ang mga station personnel na nagsasagawa ng mga health at safety protocols upang hindi na kumalat ang impeksiyon at makahawa sa mga pasahero.


Gayundin, limitado ang mga bumibiyaheng tren habang nakasuot ng full personal protective equipment (PPE) ang mga stations personnel.


Nagsasagawa rin ng health screening sa mga pumapasok na pasahero at stations personnel, regular na disinfection ng mga train at pasilidad, paglalagay ng mga disinfection stations at pagtatalaga ng mga transport marshals upang masigurong masusunod ang mga health and safety protocols.

 
 

ni Lolet Abania | December 13, 2020




Limitado ang naging biyahe ng MRT-3 ngayong Linggo nang hapon dahil sa isang “power technical issue”, ayon sa Department of Transportation-MRT.


Sa Facebook post ng DOTr-MRT, alas-2:35 ng hapon ngayong Linggo, nagpatupad ng provisional service mula North Avenue station sa Quezon City hanggang Shaw Boulevard Station sa Mandaluyong City (parehong bounds) lamang at mayroong 11 trains ang bibiyahe.


Ito ay dahil nagkaroon ng power failure ang overhead catenary system (OCS) ng Guadalupe Station hanggang sa Ayala Station (southbound) sa Makati City, ayon sa DOTr-MRT.


Patuloy naman ang isinasagawang troubleshooting at pagsasaayos sa nasabing istasyon. Agad ding magpapalabas ng advisory ang ahensiya kapag naibalik na ang buong operasyon ng train stations.

 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | November 9, 2020




Magpapatuloy ang scheduled weekend shutdown ng MRT-3 sa darating na November 14 hanggang 15 at sa ika-28 hanggang 30 ngayong buwan para sa pagsasagawa umano ng “massive rehabilitation and maintenance” ng Sumitomo-Mitsubishi Heavy Industries.


Saad ng pamunuan ng MRT-3, “Magpapatupad ang pamunuan ng rail line ng temporary shutdown sa operasyon ng mga tren nito sa mga nasabing petsa upang magbigay-daan sa gagawing bushing replacement sa depot at turnout activity sa Taft Avenue station ng Sumitomo-MHI-TESP.”


Dahil sa pananalasa ng Bagyong Rolly, iniurong ang weekend shutdown ng MRT-3 para sa proteksiyon umano ng kanilang mga manggagawa.


Anila pa, “Parte ng gagawing bushing replacement ng 34.5-kilovolt alternating current (kV AC) switch gear ay ang pagsasaayos ng bus tie na nagbibigay ng supply ng kuryente sa depot mula sa Meralco power source nito sa Balintawak at Diliman at pagkukumpuni ng isang panel na mayroong 12 bushing unit.”

 
 
RECOMMENDED
bottom of page