top of page
Search

ni BRT | March 3, 2023




May plano na ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kung paano matutulungan ang mga komyuter na maaapektuhan ng malawakang tigil-pasada sa Marso 6 hanggang 12.


Sa press briefing kahapon, sinabi ni MMDA chairperson Romando Artes na magde-deploy sila ng mga bus at van para sa libreng sakay, katuwang ang opisina ni Vice President Sara Duterte.


“Nagpapaimbentaryo po tayo ng assets ng mga LGUs (local government units) para po sa possible deployment para i-augment ‘yung public transport, kung sakaling matuloy itong nationwide transport strike,” ani Artes.


Pinag-aaralan din ang pagsuspinde sa number coding scheme sa Metro Manila.

“Magsu-suspend tayo, if ever, ng number coding scheme para ‘yung 20 percent na nababawas sa mga private vehicles,” dagdag nito.


 
 

ni Lolet Abania | October 28, 2022



Suspendido ang number coding scheme sa National Capital Region (NCR) mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 1 para ito sa Undas, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA). “May number coding po today, wala po sa October 29, 30, 31, to November 1, tapos ibabalik po sa November 2,” pahayag ni MMDA spokesperson Mel Carunungan sa isang public briefing ngayong Biyernes.


Ayon kay Carunungan, inaasahan na ng MMDA ang pagdagsa ng mga tao patungo sa mga sementeryo kapag Undas. Dahil dito, magde-deploy ang ahensiya ng mga personnel para makatulong sa pagsasaayos ng trapiko.


Una nang sinabi ng MMDA na nasa 1,500 personnel ang itatalaga sa mga lugar para sa Undas. Maglalagay din sila ng public assistance centers na may mga tents at ambulansiya sa limang pangunahing sementeryo: Manila North Cemetery, South Cemetery, Loyola Memorial Park, Bagbag Public Cemetery, at San Juan Public Cemetery.


Ayon naman sa National Capital Region Police Office (NCRPO), nasa tinatayang 10,000 pulis ang ang ide-deploy sa Metro Manila para tiyakin ang seguridad sa paggunita ng Undas o All Saints’ Day sa Nobyembre 1.


Kaugnay nito, sinabi ng MMDA na in-adjust na ang malls hours sa NCR mula alas-11:00 ng umaga hanggang alas-11:00 ng gabi kapag weekdays simula Nobyembre 14, 2022 hanggang Enero 6, 2023.


“Ang napagkasunduan na po ay starting November 14 up to January 6 the adjusted mall hours sa Metro Manila po ay from 11 a.m. to 11 p.m. on the weekdays po,” ani Carunungan.


Ayon pa kay Carunungan, pinayuhan ang mga mall owners na magsagawa na lamang ng kanilang mga sales kapag weekends at ipaalam ito sa MMDA sa gagawing aktibidad para makatulong ang ahensiya sa pagsasaayos ng trapiko.


 
 

ni Lolet Abania | October 12, 2022



Nalampasan na ng kasalukuyang bilang ng mga sasakyan na bumabagtas sa EDSA ang pre-pandemic level, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ngayong Miyerkules.


Base sa datos ng MMDA, ang daily average na bilang ng mga sasakyan na dumaraan sa EDSA sa ngayon ay 410,000 o 5,000 mas mataas sa daily average bago ang COVID-19 pandemic. Halos 50% ng mga sasakyan ay privately owned, habang 38% ay motorsiklo at 4.5% naman ay mga taxi.


Dahil dito, sinabi ng MMDA na aapela sila sa mga may-ari ng shopping malls na huwag nang magsagawa ng mga mall-wide sales ng weekdays lalo na’t nalalapit na ang Kapaskuhan.


Sa kanyang mensahe sa ginanap na Motorcycle Consultation Workshop, sinabi ni acting MMDA Chairperson Carlo Antonio Dimaguya III na ang sabay-sabay na implementasyon ng mga pangunahing infrastructure projects, konstruksyon ng mga kalsada, rehabilitation projects sa Metro Manila, ang pagluluwag ng COVID-19 restrictions, at ang expansion ng face-to-face classes sa mga paaralan ang mga rason sa pagdami ng mga sasakyan sa EDSA.


Binanggit din ng opisyal ang mataas na volume ng rehistradong sasakyan sa National Capital Region (NCR), kung saan aniya, ang pinakamalaki sa lahat ng mga rehiyon sa bansa.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page