top of page
Search

ni Ronalyn Seminiano Reonico | August 7, 2021



Umabot sa 1,848 ang nahuli sa paglabag sa ipinatutupad na curfew hours sa Metro Manila sa pagsasailalim sa rehiyon sa enhanced community quarantine (ECQ) dahil sa banta ng COVID-19 Delta variant, ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar noong Sabado.


Ani Eleazar sa isang panayam, "Base sa ulat na na-receive natin, there was a total of 1,848 accosted na violator.


"Six hundred five ang binigyan ng warning. At para magmulta, mayroong 1,235. At merong walo pa na for community service.”


Hanggang sa Agosto 20 epektibo ang ECQ sa Metro Manila at ang curfew hours ay tuwing 8 PM hanggang 4 AM.


Saad pa ni Eleazar, "Malaking bagay ang curfew para malimitahan ang paglabas ng mga tao."


Pinaalalahanan din ni Eleazar ang mga authorized persons outside residence (APOR) na bibili ng essential goods na lumabas ng bahay sa oras na hindi aabot sa curfew.


Aniya pa, "Consumer APOR, dapat i-avail lang during the period na walang curfew."


Ang mga driver naman ng pampublikong transportasyon na nahuling lumalabag sa ipinatutupad na mga health protocols kabilang na ang “one seat apart” rule ay binigyan din ng mga ticket habang ang mga hindi APOR ay pinauwi.


Ang mga hindi naman nakasuot ng face shields sa mga pampublikong transportasyon ay pinababa ng sasakyan.


Saad pa ni Eleazar, "Hindi muna prayoridad ang pagkuha ng temperatura ng mga dumadaan sa mga checkpoint dahil ina-assume na natin na kapag APOR ka at ikaw ay lumabas, dapat maayos ang iyong pakiramdam.


"Posibleng makabagal lamang sa daloy ng trapiko ang paglalagay ng thermal scanner sa mga quarantine control points.”

 
 

ni Lolet Abania | August 6, 2021



Walong lungsod sa Metro Manila at halos 20 iba pa sa maraming rehiyon sa bansa ang isinailalim na sa Alert Level 4 ng Department of Health (DOH) dahil sa mataas na bilang ng COVID-19 cases at hospital occupancy rate.


Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang Alert Level 4 ay nangangahulugan na ang isang lugar ay na-classify bilang moderate-to critical-risk at ang naitalang health care utilization rate (HCUR) ay mas mataas pa sa 70%.


Sinabi ni Vergeire na ang mga lugar sa Metro Manila na nasa Alert Level 4 ay Las Piñas, Muntinlupa, Pateros, Quezon City, Taguig, Malabon, Makati, at San Juan.


Isinailalim din sa parehong alert level ang maraming lugar sa Cordillera region at Regions 1, 2, 3, 4A, 6, 7, 8, 10, 11, at 12, gaya ng Cordillera - Apayao, Baguio City, Benguet; Region 1- Ilocos Norte; Region 2 - Cagayan, Nueva Vizcaya, Quirino; Region 3 - Angeles City, Bataan, Olongapo City, Pampanga, Tarlac; Region 4A - Batangas, Cavite, Laguna, Quezon, Lucena City; Region 6 - Iloilo, Iloilo City; Region 7 - Cebu, Cebu City, Lapu-Lapu City, Mandaue City; Region 8 - Tacloban City; Region 10 - Bukidnon, Cagayan de Oro City, Camiguin; Region 11 - Davao City; Region 12 - General Santos City.


Ginawa ni Vergeire ang anunsiyo sa unang araw ng muling 2-linggong pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ), ang pinakamahigpit na quarantine level sa Metro Manila.


Gayundin, ayon sa DOH, ang mas nakahahawang Delta COVID-19 variant ay na-detect na sa lahat ng lungsod sa National Capital Region (NCR).


“All National Capital Region areas now have a local Delta case,” ani DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa briefing ngayong Biyernes.


Ipinaliwanag naman ni Vergeire na ang mga alert levels ay base sa COVID-19 transmission at ang HCUR ng isang lugar, at ang pagkakaroon ng Delta variant cases dito.


“These alert levels will give us triggers kung ano ‘yung kailangan na nating gawin at saka kung ano ‘yung mga flagged areas natin,” sabi ni Vergeire.


Ang Alert Level 1 ay nangangahulugan na ang transmission ay mababa at bumababa, ang HCUR ay mababa, at walang kaso ng Delta variant sa lugar. Ito ang mga lugar na nasa minimal hanggang low risk, nasa negative two-week case growth rate (TWGR) at ang HCUR ay mas mababa pa sa 50%.


Ang mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 1 ay Region 4B – Palawan; Region 5 - Camarines, Norte, Albay; Region 7 - Negros Oriental; Region 8 – Biliran; Region 9 - Zamboanga Sibugay; BARMM - Maguindanao, Tawi-Tawi, Basilan.


Ang Alert Level 2 ay nangangahulugan na ang transmission ay mababa at bumababa, ang HCUR ay mababa, subalit may kaso ng Delta variant. Sa klasipikasyon ding ito naiuugnay ang may mababa subalit tumataas na bilang ng kaso o mga lugar na mababa at bumababa ang transmission ngunit tumataas naman ang HCUR.


Ito rin ang mga lugar na nasa minimal hanggang low risk subalit nasa positive TWGR o mga lugar na nasa minimal hanggang low risk, nasa negative TWGR subalit ang HCUR ay mas mataas sa 50%.


Ang mga lugar na nasa Alert Level 2 ay Cordillera – Ifugao; Region 1 - La Union; Region 3 - Zambales, Aurora; Region 4B - Occidental Mindoro, Oriental Mindoro; Region 5 - Camarines Sur, Sorsogon; Region 6 - Guimaras, Negros Occidental; Region 7 - Bohol, Siquijor; Region 8 - Eastern Samar, Ormoc City, Samar (Western Samar); Region 9 - Zamboanga Del Norte, Zamboanga City; Region 10 - Misamis Occidental; Region 11 - Davao Del Norte, Davao De Oro, Davao Del Sur, Davao Oriental; Region 12 - South Cotabato, Sarangani; Caraga: Agusan Del Norte, Dinagat Islands, Surigao Del Norte, Agusan Del Sur, Butuan City; BARMM: Cotabato City, Lanao del Sur, Sulu.


Ang Alert Level 3 ay nangangahulugan na ang isang lugar ay nasa moderate hanggang critical risk subalit ang bed occupancy rate ay mas mababa sa 70%. Ito ang level, katulad din ng Alert Level 4, na hindi pa naitatala ang tinamaan ng Delta variant sa isang lugar.


Ang mga lugar na nasa Alert Level 3 ay Metro Manila - Caloocan, Mandaluyong, Manila, Marikina, Navotas, Parañaque, Pasig, Valenzuela, Pasay; Cordillera - Abra, Kalinga, Mountain Province; Region 1 - Ilocos Sur, Pangasinan, Dagupan City; Region 2 - Batanes, Santiago City, Isabela; Region 3 - Bulacan, Nueva Ecija; Region 4A – Rizal; Region 4B - Marinduque, Romblon, Puerto Princesa; Region 5 - Masbate, Naga City, Catanduanes; Region 6 - Aklan, Antique, Bacolod City, Capiz; Region 8 - Leyte, Northern Samar, Southern Leyte; Region 9 - Zamboanga del Sur; Region 10 - Iligan City, Lanao del Norte, Misamis Oriental; Region 11 - Davao Occidental; Region 12 - Cotabato (North Cotabato), Sultan Kudarat; Caraga - Surigao del Sur.


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | August 6, 2021



Nag-deploy na ng libu-libong kapulisan ang Philippine National Police (PNP) para masiguro na nasusunod ang ipinatutupad na health and safety protocols sa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila at bantay-sarado na ang 89 Quarantine Control Points (QCPs) sa rehiyon, sa tulong ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) ngayong Agosto 6.


Hanggang sa Agosto 20 isasailalim ang NCR sa ECQ.


Nasa 4,346 iba pang PNP personnel naman ang inatasan para sa Mobile Control Points sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila para sa uniformed curfew hours.


Nanawagan naman si PNP Chief Guillermo Eleazar sa publiko lalo na sa mga residente ng NCR Plus na makiisa sa ipinatutupad na paghihigpit sa mga borders dahil sa banta ng COVID-19 Delta variant.


Aniya pa, “Nauunawaan namin ang sinasabing quarantine burnout na nararamdaman ng ating mga kababayan subalit maling-mali ang pananaw na walang epekto ang mga paghihigpit na ito dahil ang mga public experts na mismo ang nagrekomenda nito at kami mismo sa PNP ay napatunayan namin kung gaano kaepektibo ito upang maiwasan ang pagkalat ng virus.


“This security personnel are under strict instructions to ensure that public health protocols are observed and mass gatherings are disallowed.”


Nasa 7,337 pulis naman ang ipinadala sa 2,745 vaccination centers habang 4,877 naman ang nasa 2,535 quarantine areas.


Sa labas naman ng NCR Plus bubble, nagpadala na umano ng 9,180 police personnel ang PNP para sa 1,103 Quarantine Control Points.


Saad pa ni Eleazar, “Despite the uphill battle against COVID-19 and surmounting challenges we are facing, the PNP remains resilient in assisting the government to quell the community transmission of the Delta variant. At bilang dating commander ng Joint Task Force COVID shield, hindi na bago sa inyong Pambansang Pulisya ang anumang uri ng quarantine restrictions kaya makakaasa ang lahat ng aming kahandaan sa anumang plano at ipag-uutos ng ating IATF at mga lokal na pamahalaan.


“Ngunit tayong lahat ay dapat kumilos para mapigilan ang pagkalat ng mas nakahahawang Delta variant. Bukod sa bakuna at pagsunod sa minimum public health safety standards, disiplina po ang kailangan ng bawat isa sa atin.”

 
 
RECOMMENDED
bottom of page